Siniraan ng Dalaga ang Dating Nobyong Ngayo’y Sumisikat sa Telebisyon; Lalong Ikinadurog ng Puso Niya ang Pahayag Nito
Tatlong taon man na ang nakalipas simula nang siya’y hiwalayan ng kaniyang kasintahang artista sa loob ng pitong taon, hindi pa rin magawa ni Jonah na tuluyang makalimutan ang mga matatamis na alaalang nabuo niya kasama ito.
Kahit saang sulok ng bahay niya, kung saan sila dati nagsama, nakikita niya pa rin ang imahen nito. Kapag siya’y napatingin sa napundar nilang sofa, nakikita niya pa ring nakahiga ito roon habang nanunuod ng telebisyon. May pagkakataon pang kapag napapalingon siya sa kusina, nakikita niya itong nagluluto ng paborito niyang pagkain habang sumasayaw-sayaw pa. Higit pa roon, kapag siya’y gigising, mukha pa rin nito ang gusto niyang unang makita sa umaga.
Ngunit dahil nga alam niyang siya ang nagloko sa kanilang dalawa dahilan para ito’y masaktan at sumuko sa relasyon nila, wala siyang magawa kung hindi subaysabayan na lamang ang buhay nito sa pamamagitan ng bali-balita sa telebisyon at social media.
Noong unang taon ng kanilang hiwalayan, nag-uumapaw ang saya sa puso niya sa pag-arangkada ng pangalan nito sa larangan ng pag-arte sa telebisyon. Wala nang mas sasaya pa sa kaniya nang makita niya itong muling ngumiti sa isang interbyu na para bang siya ang nginingitian nito.
Kaya lang, ngayong kaliwa’t kanan na ang proyekto nito na nagbigay daan para maipatayo nito ang pangarap nilang negosyo, makabili ng ilang sasakyan, makapagpatayo ng sariling bahay, at makabuo ng samahan ng mga taga-hanga sa social media, roon na siya lalong nagsisi sa kaniyang ginawang pananakit dito.
“Bespren, nabalitaan mo na bang tampok sa buong mundo ngayon ang pelikulang pinagbibidahan ng dati mong nobyo? Grabe, napakagaling niya talagang aktor!” balita ng kaibigan niya, isang araw nang magkita sila sa palengke, “Siguro, sising-sisi ka na sa ginawa mo sa kaniya, ‘no? Kung nakuntento ka lang sa gwapong iyon, edi sana, mayaman ka na rin!” dagdag pa nito na talagang nagpainit ng ulo niya dahilan para hagisan niya ito ng binili niyang itlog. “Hindi pa huli ang lahat, Jonah, mababawi mo pa siya!” sambit niya sa sarili habang hihinga-hinga dahil sa pagtatalo nila ng naturang kaibigan.
Pagkauwi niya, bigla niyang naisip na mag-post sa social media tungkol sa kanilang dalawa ng binata upang makuha ang atensyon nito. Nilagay niya roon ang mga matatamis nilang litrato kasama ang isang mahabang pahayag na naglalaman ng mga kasinungalingan.
Sabi niya pa, “Hindi ko pa rin maisip kung paano mo naiwan ang isang babaeng nagpakain at nagpatira sa’yo sa isang maayos na bahay noong panahong kahit sarili mong damit pangloob, hindi ka makabili.”
Wala pang sampung minuto, agad nang nag-trending ang post niyang iyon. Samu’t saring komento ang natanggap niya dahil doon. Ang iba’y labis na naawa at humanga sa kaniya habang ang iba naman, lalo na ang mga taong personal na nakakakilala sa kanilang dalawa’y labis na nagalit sa kaniya.
“Masisira mo siya sa mata ng mga tao pero hindi sa mata ng Diyos, Jonah.”
“Alam mong ikaw ang kumaliwa, huwag mo namang gamitin ang sarili mong kasalanan para lang mapabagsak ang lalaking walang ginawa kung hindi ang mahalin ka.”
“Jonah, desperada.”
Ilan lang ito sa mga komentong natanggap niya na talagang lalo niyang ikinagalit dahilan para muli siyang magpost ng litrato ng pregnancy test at sinabing nalaglag ang bata dahil sa depresyong nabigay ng binata sa kaniya.
“Ngayon niyo sabihing nagsisinungaling ako,” komento niya.
Laking gulat niya, paglipas lang ng isang oras, lahat ng post niya ay nabura na sa social media at siya’y tinawagan ng dati niyang kasintahan.
“Hindi ka pa ba tapos sa pagpapahirap sa akin? Talaga bang gustong-gusto mong makitang nadudurog ako?” tanong nito, bakas sa tono ng boses nito ang galit.
Gustuhin man niyang sagutin ang tanong ng binata, wala siyang kahit anong salitang maisip. Paulit-ulit lang niyang naririnig ang boses nito na talagang miss na miss na niya.
“Kung hindi ka titigil kaka-post ng mga kasinungalingan, ako mismo ang magpapakulong sa’yo,” sabi pa nito dahilan para siya’y biglang matauhan at umamin na sa kaniyang totoong dahilan para gawin ang bagay na iyon.
“Gusto ko lang naman talaga na mapansin mo ako,” bulong niya.
“Kaya sinisira mo ako? Para sabihin ko sa’yo, Jonah, tapos na akong mahalin ka. Ayoko na sa’yo kaya tumigil ka na bago pa tuluyang magdilim ang paningin ko!” galit nitong sabi na ikinanginig ng buong kalamnan niya dahil unang beses niya itong narinig na sumigaw.
Dahil doon, alam man niyang marami nang galit sa kaniya, muli siyang nagbahagi ng pahayag sa social media.
Nakapaloob doon ang tunay na nangyari sa kanilang dalawa at ang paghingi niya ng tawad sa lahat ng nasira niya lalo na ang binatang dati’y baliw na baliw sa pag-ibig niya.
Hindi man siya nagtagumpay na muli itong mapaibig, ngayo’y malinaw na sa kaniya na dapat na siyang umusad sa buhay dahil ang lalaking nasaktan niya noon ay wala nang balak na siya’y muli pang mahalin.