Inday TrendingInday Trending
Nabalitaan Niya na May Palaro ang Kilalang Bakeshop sa Bayan; Siya Kaya ang Maswerteng Makakakuha ng Gintong Ngipin sa Tinapay?

Nabalitaan Niya na May Palaro ang Kilalang Bakeshop sa Bayan; Siya Kaya ang Maswerteng Makakakuha ng Gintong Ngipin sa Tinapay?

Maihahambing ang buhay ng pamilya ni Jovin sa mga dagang madalas mabuhay sa mga maruruming lugar. Literal mang madumi ang paligid na kaniyang kinalakihan dahil sa tambakan ng basura sila nakatira ng kaniyang buong pamilya, sila’y wala ring makain sa araw-araw katulad ng mga ito.

Tira-tira mula sa mga restawran sa bayan ang madalas niyang pinapakain sa kaniyang mga kapatid na edad tatlo hanggang sampu. Maituturing na niyang swerte ang isang araw kapag nagawa niyang maipagsaing ang mga ito at mabilhan ng ulam kahit isang itlog na paghahatian nilang lahat.

Kapag naman wala siyang mahanap na pupwedeng maibenta sa junk shop sa tambakan ng mga basurang tinitirhan nila at kapag wala siyang mahagilap na tira-tirang pagkain sa mga basurahan, kinakapalan na niya ang kaniyang mukha para may mapakain sa mga kapatid na naghihintay sa tagpi-tagping bahay na tinayo niya.

Ilang beses man siyang hindian ng mga taong hinihingian niya ng limos o pagkain, hindi siya sumusuko hangga’t wala siyang maiiuwi para sa mga kapatid. May araw mang wala talaga siyang nalilikom na pera o pagkain, binubusog niya na lang sa tubig ang mga ito na mula pa sa poso.

“Kuya, hanggang kailan ba ganito ang buhay natin?” tanong sa kaniya ng isa sa kaniyang mga kapatid nang wala siyang maibigay na pagkain dito pagkauwi niya.

“Hindi rin alam ni kuya, eh, pero sigurado akong magbabago rin ang buhay natin,” tugon niya rito.

“Buhay pa kaya ako no’n kapag nangyari ‘yon? Ngayon pa lang kasi gusto ko nang mawala sa mundong ‘to at magpunta sa langit dahil doon, tiyak, maraming pagkain,” sabi nito na ikinabuntong-hininga niya.

“Huwag ka namang gan’yan! Pangako, bukas, may makakain tayong kanin at itlog! Gusto mo ba ‘yon?” pagbibigay niya ng pag-asa rito.

“Pwede na rin, kuya! Kaysa, tubig ang ipangtawid natin sa gutom! Pangako mo ‘yan, ha?” masaya nitong sabi na ikinangiti niya.

“Oo, pangako, sa ngayon, matulog ka na lang muna, ha? Kumain ka na lang nang maraming masasarap na pagkain sa panaginip mo!” payo niya rito kaya ito’y dali-daling tumabi sa iba pa nilang kapatid na nagsisiksikan sa isang malaking karton.

Sa sobrang bigat ng nararamdaman niya noong mga oras na iyon, imbes na magpahinga kasama ang mga kapatid, mas pinili niyang maglibot-libot sa kanilang buong lugar upang maghanap ng mga kalakal na pupwedeng maibenta. Ilang oras man siyang naglalakad, hindi niya iyon ininda dahil gusto niyang matupad ang pangako sa kaniyang kapatid.

Tila sinuswerte naman siya dahil bago magbukang liwayway, may nakita siyang isang tumpok ng tanso at mga bakal sa basurahan ng isang construction site na kaagad niyang pinagbili sa kalapit na junk shop.

Pagpunta niya roon, narinig niya ang usapan ng ilang mga trabahador doon. Mayroon daw malaking papremyo ang isang kilalang bakeshop sa bayan. May isang gintong ngipin daw na pinalaman ang may-ari sa isang tinapay at kapag natiyempuhan ‘yon, may papremyong kalahating milyon!

“Magkano naman po ang isang tinapay?” tanong niya saka niya pinakilo ang mga kalakal na nahanap.

“Isang daang piso, hijo, saktong-sakto sa presyo ng kalakal mo,” sagot ng isa sa mga ito saka inabot sa kaniya ang pera.

Doon na siya tila nahamon. Nalilito siya kung uunahin niya bang tugunan ang tiyan ng mga kapatid o bibili ng isang tinapay para mabago ang kanilang buhay.

“Kaso, sa dami ng tinapay na pinagbibili ng mga iyon, malabong makuha ko ang papremyo,” sabi niya sa sarili, “Pero, baka ito na ang daan para magbago ang buhay namin. Bahala na nga! Kung matalo, hahanap na lang ako ulit ng kalakal! Maaga pa naman, eh!” dagdag niya saka agad na naglakad patungo sa bayan.

Pagdating niya roon, dadalawang tinapay na lang na magkaibang klase ang natitira.

“Naku, hijo, nahuli ka ng dating! Pagkabukas na pagkabukas namin kaninang alas sais, dinumog na agad kami ng mga tao!” sabi ng empleyado roon dahilan para siya’y mawalan ng pag-asa, “Bibilhin mo pa rin ba ‘to?” tanong nito ngunit bago pa siya makasagot, may dumampot na sa isang tinapay na nasa harapan niya at agad na nagbayad.

Kahit na siya’y nagdadalawang-isip na, hindi niya mawari kung bakit parang takam na takam siyang tikman ang tinapay na iyon. Kaya naman, binili niya na rin ito.

Unang kagat niya pa lang dito, may naramdaman na siyang matigas na bagay sa kaniyang bibig. Kabado man siyang malaman kung ano iyon, dali-dali niya iyong niluwa at nang makita niyang ito ang gintong ngipin, siya’y labis na nagsisisigaw sa tuwa.

“May pagkain na tayo, mga kapatid ko!” sambit niya habang maluha-luha.

Nang malaman pa ng may-ari na sila’y nakatira ng mga kapatid niya sa tambakan ng basura, agad siya nitong binigyan ng susi ng bahay.

“Sa inyo na ang bahay na iyan at ingatan mo ang perang ilalagay ko sa gagawin kong bank account mo,” sabi nito na talagang ikinaiyak niya na lamang sa saya.

Doon na tuluyang nabago ang buhay nilang magkakapatid. Nabilhan na niya ng mga pagkain at damit ang mga ito, nagawa niya pang makapaghanap ng disenteng trabaho dahil siya ngayon ay may pera na pangkuha ng mga kailangang dokumento kagaya ng mga ID.

“Hindi ko akalaing ang tinapay na iyon ang makapagpapabago sa buhay namin! Salamat sa Poong Maykapal!” sigaw niya sa hangin nang siya’y tuluyang matanggap sa trabaho.

Advertisement