Inday TrendingInday Trending
Ayaw Pagsuotin ng Maiikling Damit ng Kaniyang Nobyo ang Dalaga; May Malalim Pala Itong Dahilan

Ayaw Pagsuotin ng Maiikling Damit ng Kaniyang Nobyo ang Dalaga; May Malalim Pala Itong Dahilan

Kikay kung manamit ang dalagang si Pia. Bilang lang sa kaniyang mga daliri ang mga damit niyang may manggas at mahahaba na sinusuot niya lang kapag siya’y magsisimba o hindi kaya’y maghahanap ng trabaho. Halos lahat ng kaniyang mga damit, simula pagkabata ay puro maiikling shorts at sando dahilan para hanggang pagtanda niya, sa mga ganitong klase siyang mga damit maging komportable.

Ngunit, simula nang maging nobyo niya ang binatang si Kyrie na nakilala niya lamang noong siya’y naghahanap ng trabaho sa Maynila, ni minsan, hindi na niya naisuot ang mga damit niyang ito dahil ayaw ng naturang binata.

Tuwing nakikita siya nitong nakasuot ng mga ganoong klaseng damit tuwing dadalaw ito sa kanilang bahay o hindi kaya’y tuwing sila’y kakain sa labas, gagawin nito ang lahat para lamang makapagpalit siya ng damit na ayon sa kagustuhan nito.

Sa katunayan, noong unang araw na sila’y kumain sa labas at siya’y nakasuot ng pulang sleeveless at maikling short na maong, siya’y panandalian nitong iniwan sa isang kapehang walang tao at binilihan siya nito ng pantalon at jacket na labis niyang ikinakilig. Sabi niya pa nga noong araw na ‘yon, “Siya na talaga ang magiging kabiyak ng puso ko!”

Noong mga unang buwan na siya’y palagi nitong sinasaway sa klase ng kaniyang pananamit, natutuwa at kinikilig pa siya dahil pakiramdam niya’y protective at konserbatibo nito. Naiisip niya rin noon na baka ayaw lamang siya nitong mabastos kaya siya nito pinagbabawalan kaya kaniya na lamang ito sinusunod.

Kaya lang, ngayong nagsasama na sila sa iisang bubong, hindi pa rin nawala ang pagbabawal nito sa kaniya na magsuot ng mga ganoong klaseng damit na talagang ikinaiinis na niya.

Kahit kasi silang dalawa lamang ang nasa bahay at kahit siya’y matutulog lamang, ayaw na ayaw nitong makikitang siya’y nakamaikling short, lalo na ang kulay maong niyang short na halos kita na ang kaniyang singit at kapag siya’y hindi agad sumunod sa kagustuhan nito, buong maghapon siya nitong hindi papansinin o hindi tatabihan sa kama.

“Nakita mo na nga ng walang saplot ang buong katawan ko, tapos magagalit ka kapag nakaganito akong short? Ano ba talagang problema mo sa mga damit ko, ha? Sa bahay ko na nga lang nagagamit ‘tong mga ganito kong damit, gan’yan ka pa! Hindi ka ba nakokonsensya na hindi ako masaya sa mga mahahabang damit ko araw-araw?” inis niyang sambit dito, isang gabi nang ayaw na naman nitong tumabi sa kaniya sa kama dahil suot niya ang kulay maong niyang short.

“Pasensya ka na, sige na, matulog ka na, matutulog na rin ako,” seryoso nitong tugon nang hindi man lang tumititig sa kaniya.

“Ano ba kasi talagang problema mo, ha? Hindi na kita maintindihan, Kyrie!” bulyaw niya pa rito, ngunit imbis na makarinig ng kasagutan, mahinang hikbi ang kaniyang narinig dahilan para agad niyang tanggalin ang kumot na nakatalakbong dito, “Ganoon mo ba talaga kaayaw na magsuot ako nang ganito? Sige na, magpapalit na ako, huwag ka nang umiyak d’yan,” nakokonsensya niyang bulong sa binata habang ito’y yakap-yakap.

Ngunit kakalas palang sana siya sa pagkakayakap dito upang magpalit ng damit nang bigla itong magsalita.

“Sa harapan ko mismo nawalan ng buhay ang bunso kong kapatid, Pia, at hanggang ngayon, hindi ko makalimutan ang tagpong iyon,” kwento nito na nagpatigil sa kaniya.

“May kinalaman ba ‘yon sa pagsusuot ko ng maikling damit?” pang-uusisa niya.

“Oo, nakasuot no’n ng maong na short ang nanay ko bago niya pinagsasaks*k ang kapatid kong bunso sa likuran dahil ayaw nitong tumigil kakaiyak. Hindi ko siya magawang tingnan no’n sa mukha nang damputin siya ng mga pulis, kaya pangbabang damit niya lang ang nakita ko at tumatak sa isip ko,” sagot nito sa gitna ng mga malalakas na hikbi dahilan para madurog ang puso niya at yakapin niya ito nang mahigpit.

“Hindi ko alam ang kwentong iyan, Kyrie, patawarin mo ako,” tangi niyang sabi saka na rin bumuhos ang kaniyang luha.

Pinangako niya sa sarili simula noon na hinding-hindi na siya magsusuot ng ganoong klaseng pang-ibabang damit. Pinamigay niya na rin ang mga iyon sa mga batang lansangan upang huwag na talagang makita ng kaniyang kinakasama.

Mahirap man para sa kaniya ang ginawa dahil nga paborito niya ang mga iyon at doon siya komportable, handa niyang pagtiisan ang mga pajama, pantalon, at kung ano pang mahabang pang-ibabang damit maging maayos lang ang takbo ng utak ng minamahal niyang lalaki.

Advertisement