Inday TrendingInday Trending
Limos ng Kadugo Kong Estranghero

Limos ng Kadugo Kong Estranghero

Lahat na ng mga kamag-anak at kaibigan ni Beth ay nilapitan na niya para humingi ng tulong ngunit kulang pa rin ang naipon niyang pondo para mapa-opera ang kaniyang anak na may malubhang sakit sa puso. Dumulog na rin siya sa iba’t-ibang sangay ng gobyerno pati na rin sa mga pulitiko at ilang mga organisasyon na ang hiningian niya ng tulong ngunit malaking halaga pa rin ang kailangan niyang buuin para mapagamot ang kaniyang anak.

Kailangang maoperahan ang kaniyang anak sa lalong madaling panahon dahil habang lumilipas ang mga araw ay mabilis na nababawasan ang pagkakataon ng babae na madugtungan pa ang buhay ng kaniyang anak.

Ang tanging pag-asa na lamang ni Beth ay ang kaniyang pinsang si Loida kaya nagtungo siya sa bahay nito.

Bagama’t nag-aalangan si Beth na baka ipagtabuyan siya ng kaniyang pinsan ay nilakasan na lamang niya ang kaniyang loob at kinapalan niya ang kaniyang mukha maisalba lamang ang buhay ng kaniyang anak.

“Salamat at hindi mo ako pinagtabuyan. Alam kong kalabisan na ang gagawin ko pero kakapalan ko na ang mukha ko dahil ikaw na lang talaga ang sa tingin kong mahihingian ko ng tulong. Nais ko sanang mangutang sa iyo. Nangangailangan ako ng malaking halaga para sa operasyon ng aking anak. Parang awa mo na, Loida. Handa akong gawin ang lahat pahiramin mo lang ako ng pera. Tulungan mo ang anak ko. Maawa ka sa kaniya,” pagsusumamo ni Beth.

Alam ni Beth na galit pa rin si Loida sa kaniya. Nasaktan niya kasi ito ng sobra kaya hindi siya magtataka kung sakali mang tumanggi ito na tulungan siya. Gayon pa man ay nais niya pa ring subukan na makiusap sa pinsan alang-alang sa kaniyang anak na nag-aagaw buhay.

Noong nagtatrabaho pa kasi si Beth sa abroad ay nagpresinta ang pinsan niyang si Loida na siya na lamang ang mag-aalaga sa kaniyang ina dahil may katandaan na ito habang kumakayod siya sa ibang bansa. Tuwing nagsasabi ang kaniyang pinsan na kailangan niya ng pera para sa gastusin ng kaniyang ina ay walang palya ang babae sa pagpapadala ng pera sa kaniyang pinsan. Sinisiguro ni Beth na sobra ang perang pinapadala niya para hindi kapusin sa panggastos si Loida.

Noong pumanaw ang ina ni Beth ay agad siyang umuwi ng Pilipinas. Sa kaniyang pag-uwi ay natuklasan niyang naubos ang lahat ng ipon ng kaniyang ina sa bangko. At dahil si Loida lamang ang kasama ng kaniyang ina noong wala siya ay pinagbintangan niya ito na magnanakaw at mapagsamantala. Kung ano-anong masasakit na salita ang sinabi niya rito. Ni hindi man lang niya binigyan ng pagkakataong magpaliwanag ang kaniyang pinsan bagkus ay marahas niya itong pinagtabuyan palabas ng kanilang bahay.

Tumayo si Loida mula sa kaniyang kinauupuan at pumasok sa kaniyang kuwarto. Pagbalik nito ay inabutan niya ng malaking sobre ang kaniyang pinsan.

Ang akala ni Beth ay pera ang laman ng sobre ngunit nagkamali siya. Ang laman nito ay mga ebidensiya kung saan napunta ang nawawalang ipon ng kaniyang ina.

“Magnanakaw at mapagsamantala. Walang utang na loob. Hindi bukal sa puso ang pagtulong. Mga katagang binitawan mo mula sa iyong bibig. Pinagtabuyan mo ko na parang hayop na walang kalaban-laban. Matapos ang araw na iyon ay pinaimbestigahan ko agad kung saan napunta ang pera ng nanay mo. Nalulong sa sugal ang tatay mo at nung pumanaw ito ay pinamanahan niya kayo ng malaking utang. Mag-isang pinasan ng nanay mo ang problema dahil ayaw niyang mag-alala ka. Hindi ko ninakaw ang pera niya. Matagal nang ubos ang pera niya sa bangko. Pinambayad niya sa utang ng tatay mo,” paliwanag ni Loida.

Hindi nakaimik sa Beth. Hindi niya mawari kung ano ang dapat niyang sabihin. Alam niyang kahit lumuhod pa siya at humingi ng tawad ay hindi mabubura ng simpleng mga salita ang sugat na dinulot niya sa kaniyang pinsan.

“Huwag mo nang problemahin ang operasyon ng anak mo. Ako mismo ang mag-oopera sa kaniya. Pero huwag na huwag mong iisipin na gagawin ko ito para sa iyo, sa anak mo o dahil napatawad na kita. Masakit pa rin sa akin ang ginawa mo. Tutulungan ko ang anak mo dahil isa akong doktor. Obligasyon kong gamutin ang taong may sakit. Wala ng iba. Noong araw mismo na sinumpa mo ko at pinagbantaan mo ang buhay ko dahil sa nawawalang pera ng nanay mo ay binasura ko na ang relasyon natin. Wala na akong kaugnayan sa iyo. P*tay ka na para sa akin,” pahayag ni Loida bago ito tumayo sa sofa.

“Hindi mo na rin ako kailangang bayaran. Ituring mo na lang na limos mula sa isang estranghero ang serbisyo ko,” pahabol ng babae bago ito tuluyang umalis.

Iyon na ang huling pagkikita ng magpinsan. Ang huling balita ni Beth tungkol kay Loida ay nag-migrate na ito sa ibang bansa pagkatapos nitong ikasal. Walang nakakaalam kung saan ito nagpunta.

Halo-halong emosyon ang tumatakbo sa puso at isip ni Beth. Masaya dahil pagkatapos maoperahan ni Loida ang kaniyang anak ay unti-unti nang nanumbalik ang lakas ng kaniyang anak. Tuluyan na itong gumaling sa kaniyang karamdaman. Malungkot dahil hindi niya nagawang itama ang kaniyang pagkakamali. Hindi siya napatawad ni Loida. Pasasalamat dahil sa kabila ng pananakit niya sa babae ay iniligtas pa rin nito ang buhay ng kaniyang anak. At higit sa lahat ay labis na pagsisisi. Sana ay inalam na muna niya kung paano nawala ang pera ng nanay niya bago niya pinagbintangan ang kaniyang pinsan.

Ngayon ang tanging magagawa na lamang ni Beth ay araw-araw ipagdasal na sana ay patnubayan at protektahan ng Panginoon ang kaniyang pinsan. Na sana ay masaya si Loida saan man ito naroroon.

Advertisement