Inday TrendingInday Trending
Hindi Ko Kaya!

Hindi Ko Kaya!

“Nandito na pala ‘yang si Audrey, balita ko’y nakapangasawa raw ‘yan ng mayaman. Sabi naman sa’yo, kahit hindi ka matalino basta maganda ka pwede na!” pahayag ng isang ale na naka-upo sa tabing kalsada kasama ng iba pang mga nanay na mahahalatang chismis ang almusal ng kanilang samahan.

Tiningnan na lamang niya ang mga ito nang matagal. Malalim ang mga iniwan niyang huling sulyap bago siya tuluyang naglakad pauwi sa kaniyang pamilya. Ulila na si Audrey bago pa man siya nagdalaga. Maswerte pa rin daw siya dahil kinupkop siya ng kaniyang tiyahin na siyang nagsilbi niyang pamilya.

“O, bakit nandito ka? Hindi ba’t kakapanganak mo lang? Wala pang tatlong buwan,” bati sa kaniya ni Manang Kidey, ang tiyahin ng babae.

Hindi sumagot si Audrey at dumiretso lamang ito sa kanilang salas. Umupo ito saka dahan-dahan na humiga sa matigas at maganit nilang kawayang upuan.

“Audrey! Nasaan ang anak mo? Ano’ng sabi sa’yo ni Michael? Bakit mag-isa ka lang? Ano bang nangyayari sa’yo? Mahiya ka naman, wala na ngang espesyal sa’yo, magiging pabaya ka pa ba? Nakakahiya sa napangasawa mo,” baling muli ni Manang Kidey. Mabait naman ang matanda ngunit kahit minsan hindi niya naramdaman na mahal siya nito bilang isang anak. Palagi lamang nitong sinasabi noon na maganda lang raw siya at tanging ‘yun lang ang magagamit sa buhay.

“Hindi ko na ho kaya, hindi ko ho kaya,” mahina at maluha-luha itong sinabi ni Audrey sa kaniyang tiyuhin.

“Alin ang hindi mo na kaya?” tanong ni Manang Kidey.

“Hindi ko ho kayang maging nanay. Hindi ko ho kayang maging magulang. Hindi ko na ho kaya,” sabay bagsak ng mga luha nito. Mabilis niyang tinakpan ang kaniyang mukha na tila hiyang-hiya sa kaniyang pagkatao. Saka mas lumakas ang mga hikbi ng babae at patuloy lamang sa pag-iyak ito. Nanlalamig ang katawan ni Audrey, nanghihina at tila gusto na niyang sumuko.

“Ano bang nangyari at bakit nagkakaganyan ka? Hindi ba’t maayos naman ang buhay mo sa Maynila. May sarili kayong bahay, may magandang trabaho ang asawa mo. May katulong kayo, e, bakit parang pagod na pagod ka sa buhay mo? Ang dami mo naman yatang arte, Audrey,” baling muli ni Manang Kidey.

Mabilis na pinunasan ni Audrey ang kaniyang mga luha, inayos niya ang kaniyang buhok at saka siya umupo nang diretso.

Halos limang taon na ring kasal si Audrey at Michael. May edad na ang mister ng babae at nakilala niya ito sa kanilang probinsya. Si Audrey kasi ang pinakamagandang dalaga noon sa kanilang lugar kaya naman maraming nahuhumaling dati sa babae ngunit mas pinili niyang pakasalan si Michael dahil sa sabi-sabi ng marami. Ito raw kasi ang pinakamabuting lalaki para sa kaniya. Hindi na siya maghihirap, hindi na siya magtratrabaho pa para lang mabuhay. Kaya naman naging mag-asawa ang dalawa kahit nga hindi naman ganoon ka-mahal ni Audrey si Michael.

Noong mga unang taon nila ay naging maayos naman ang pagsasama ng dalawa ngunit napapansin ni Audrey na hindi siya nabibigyan ng atensyon ni Michael at tila pinakasalan lamang siya para sa wala. Kaya naisipan ng babae na magbuntis at bigyan ng anak ang kaniyang mister, marami kasing nagsasabi na ito raw ang magpapabago at mas magpapasaya sa kanilang pagsasama.

“Hindi ko na ho kaya. Ang hirap maging nanay, ang hirap maging asawa,” nanginginig ang mga katagang iyon na lumabas sa bibig ni Audrey habang pinipigilan ang kaniyang luha.

“Akala ko, anak ang kulang sa amin. Akala ko kapag may anak na kami mas bibigyan niya ako ng atensyon bilang asawa niya pero hindi. Mas lalong bumaba ang tingin niya sakin, ni hindi na niya ako hinahalikan. Hindi na niya ako hinahawakan at sa anak na lang namin lahat siya nakatutok. Pakiramdam ko nagsilang lang ako ng bata para sa kaniya at ngayong tapos na, wala na akong silbi,” pahayag ng babae.

“Hindi madaling maging nanay, pero walang nagsabi sa’kin na tang*na, sobrang hirap! Simula sa pagbubuntis, ngayon, wala akong tulog, ang sakit ng mga ut*ong ko. Ang sama ng pakiramdam ko. Wala akong asawa na masasandalan kasi uuwi lang siya na para bang hindi na niya ako nakikita pa. Sa anak na lang ang diretso, wala na ako. Wala na akong halaga,” bumagsak muli ang luha ni Audrey.

Magsasalita pa sana si Manang Kidey ngunit mas pinili niyang tumayo at tumalikod.

“Alam kong mahirap ang pinagdadaanan mo. ‘Yang mga sinasabi mo sa’kin ay problemang mag-asawa ‘yan kaya naman dapat kay Michael mo ‘yan sabihin. Pero ang pagiging nanay, hindi mo ‘yun dapat sukuan,” wika ni Manang Kidey. Malalim at seryoso ang boses nito kaya naman napatigil si Audrey sa kaniyang pag-iyak.

“Lahat tayong mga babae ay pinagdadaanan ‘yan, lalo na tayong mga nanay na. Wala rin namang nagsabi sa akin noon na sobrang hirap pero kahit mas mahirap ‘yung sitwasyon namin hindi ko sinukuan ang anak ko. Anak ko ‘yun, laman ko ‘yun, ” pahayag ng ale.

“Marami ka pang pagdadaanan sa pagiging nanay, walang libro o ano pa mang guro ang makakapagsabi kung paano maging isang ina kasi lahat ‘yun lumalabas sa sarili nating paraan. Hindi madali pero hindi ka dapat sumuko, tandaan mo ‘yan,” dagdag pa nito.

“Huminga ka, umiyak ka, pero umuwi ka ulit at yakapin mo ang anak mo dahil hindi habang buhay ay bata sila. Hindi habang buhay ikaw ang kailangan nila. Ngayon lang ‘yan sobrang hirap, Audrey, dahil bata pa siya. Ngayon lang ‘yan lahat dahil ikaw pa ang kailangan niya, kaya naman ‘wag mong sukuan ang pagiging isang ina. Umuwi ka at kausapin mo ang asawa mo tungkol sa nararamdaman mo, kaya mo ‘yan. Naniniwala akong kaya mo,” sabi ni Mang Kidey saka niyakap si Audrey ng mahigpit.

Sa tinagal-tagal ng panahon ay ngayon lamang nakaramdam ng yakap bilang isang ina si Audrey. Naramdaman niya ang init ng haplos ng kaniyang tiyahin habang paulit-ulit nitong binubulong ang mga katagang “KAYA MO ‘YAN, AUDREY” sa kaniya.

Makalipas ang isang araw, mabilis na umuwi si Audrey sa Maynila at niyakap niyang kaagad ang kaniyang sanggol. Nag-usap din sila ni Michael tungkol sa kaniyang nararamdaman at laking gulat ng lalaki na ganito na pala ang estado ng kanilang pagsasama. Buong akala kasi nito ay maayos silang pamilya. Napag-alaman din na nagkakaroon ngayon si Audrey ng postpartum depression, akala niya sa mayayaman lamang tumatama ang ganoong sakit ngunit hindi pala. Ngayon ay mas naiintindihan niya ang mga nangyayari sa kaniyang paligid at sa bagong pahina ng kaniyang buhay, sa tulong na rin ng mga kaibigan, pamilya at ang kaniyang asawa.

Mahirap man ang maging nanay o isang magulang ngunit kakayanin mo sa sarili mong paraan. Dahil sa huli, ito pa rin ang pinakamataas na regalong mula sa Diyos. Kaya mo ‘yan, kabayan!

Advertisement