Inday TrendingInday Trending
Nang Dahil sa Kahon

Nang Dahil sa Kahon

Kahit na pagod mula sa paglalako ng tindang biko at deretso sa eskwela ay walang humpay ang kwentuhan at tawanan ng magkapatid na sina Teroy at Goryo habang pauwi ng kanilang bahay. Malapit nang lumubog ang araw kaya nagmamadali na rin ang dalawa.

“Tiyak ko, kuya, sasaya ang Lola Mila nito kapag nalamang naubos natin ang lahat ng biko,” nasasabik na wika ni Goryo sa kanyang natatandang kapatid.

“Oo nga, Goryo! Pero mas magiging masaya ang lola kapag nalaman niyang parehas tayong may makukuhang karangalan ngayong taon. Kaya bilisan na natin ang pag-uwi malamang ko ay nakaluto na rin si lola ng hapunan natin,” saad ni Teroy.

Ulilang lubos na ang magkapatid at tanging ang lola na lamang nila ang tumatayong magulang ng dalawa. Hindi man nakakaluwag sa buhay ay mataas naman ang pangarap ng magkapatid. Ito ay ang maiahon sa kahirapan ang kanilang lola na nag-aalaga sa kanila ng lubos.

Habang nagtatakbuhan ang dalawa pauwi ay napadaan sila sa isang tindahan.

“Ate! Baka naman po pwedeng makahingi ng kahit tatlong kahon lang po,” sambit ni Teroy.

“Sige, kumuha na kayo riyan!” sambit ng ale.

Masayang-masayang pumili ang dalawa ng maayos na kahon. At ng makapili ay laking tuwa ng dalawa at tila nais ng makauwi kaagad. Nagtaka ang ale sa ipinamalas ng dalawa.

“Saan nyo ba gagamitin ang mga kahon na ‘yan?” tanong ng ale.

“Gagamitin po naming damitan namin. Wala po kasi kaming aparador, eh. Tig-isa po kami ng kuya ko at ang isa ay iuuwi po namin sa lola namin,” halos hanggang tenga ang ngiti ni Goryo habang nagpapaliwanag sa ale.

Nang makauwi ang kapatid ay agad nilang ibinigay sa kanilang lola ang kahon at laking tuwa rin nito. Lalo pang nagalak ang matanda nang malaman ang surpresa ng dalawa tungkol sa kanilang parangal sa paaralan.

“Napakaganda ng balita naman n’yan mga apo! Hayaan ninyo sa araw ng parangal ay magpapansit ako para naman maipagdiwang natin ang tagumpay ninyo!” masayang sabi ng matanda.

“Halina at sigurado akong gutom na kayo. Magsihugas na kayo ng mga kamay. Nagluto ako ng paborito ninyong miswa at patola. Nilagyan ko na rin ng itlog. Tara na habang mainit pa ang sabaw!” paanyaya ni Lola Mila.

Dali-daling sumunod ang magkapatid.

“Lola, puwede po bang pagkatapos po naming kumain ay ayusin namin ang mga damit namin sa kahon?” pagpapaalam ni Goryo. Agad namang pumayag ang matanda.

Masayang nagsalu-salo sa hapagkainan ang tatlo para sa isang payak na hapunan. Pagkatapos ay sabik na inayos ng dalawa ang kanilang bagong aparador.

Hindi maialis ni Lola Mila ang tingin niya sa magkapatid. Hiling nito na sana ay hindi magbago ang samahan ng dalawa hanggang sa pagtanda nila.

Ilang taon na ang lumipas at nakapagtapos ng pag-aaral ang dalawa. Si Teroy ay naging isang manager ng bangko at si Goryo naman ay isang Medical Representative. Nakapagpatayo na rin sila ng sari-sarili nilang mga tahanan sa Maynila. Maging ang Lola Mila nila ay nipatayo na rin nila ng bahay.

Dahil parehong abala sa trabaho ang dalawa ay madalang na silang makadalaw sa kanilang lola. Unti-unti na ring nalayo ang loob ng magkapatid sa isa’t isa. Madalas silang magpataasan ng ihi lalo na sa kung sino ang mas makakapagbigay ng magandang buhay sa lolang nag-aruga sa kanila. At kung sino ang mas maging magaling sa kinahinatnan sa buhay.

Labis namang ikinalulungkot ito ni Lola Mila. Hindi niya akalain na ang dalawang apong pinalaki niya sa pagmamahal na halos hindi mapaghiwalay noon ay ganito ang kakahantungan.

Dahil na rin sa pagkasabik na makita ang kanyang mga apo ay gumawa ng paraan ang matanda upang hindi makatanggi ang dalawa na maglaan ng panahon upang siya ay magawang dalawin.

Inutusan niya si Lydia, ang kasambahay at ang tanging nakakasama ng matanda sa bahay na tawagan ang magkapatid at sabihing siya ay may sakit.

“Alam kong labag sa utos ng Diyos ang pagsisinungaling na gagawin ko. Ngunit wala na akong maisip na paraan upang mapauwi sila rito sa akin,” wika ni Lola Mila kay Lydia.

“Huwag po kayong mag-alala. Tatawagan ko po ang magkapatid. Tutulungan ko po kayo,” paninigurado ni Lydia.

Agad tinawagan ni Lydia ang dalawa.

“May sakit ang lola nyo ngayon at nais kayong makita. Hindi kasi maganda ang lagay niya at lagi na lamang siyang nanghihina. Wala siyang bukambibig kundi makita kayong mga apo niya. Ang sabi pa niya ay may nais daw siyang ibigay sa inyo,” saad ni Lydia.

Dahil sa balitang ito ay agad nagtungo sina Teroy at Goryo pauwi sa bahay ng kanilang lola. Nauna si Goryo na makarating at sa pagdating naman ni Teroy ay nakita niyang niyayapos na ng nakababatang kapatid ang kamay ng matanda.

“Bakit ang tagal mo naman, kuya? Kanina pa naghihintay ang lola sa atin,” saad ni Goryo.

“May tinapos pa ako. Hindi porket ikaw ang nauna dito ay mas ikaw na ang nababahala sa kalagayan ng lola natin. Siyempre hawak mo ang oras mo, hindi katulad ko kailangan kong siguraduhin na ayos ang pamamalakad sa bangko,” depensa naman ni Teroy.

“Mga apo, huwag na kayong mag-away. Ganyan ko ba kayo pinalaki?” sambit ni Lola Mila habang ipinapakita sa dalawa ang kaniyang panghihina. Lalo namang nag-alala ang dalawa at humingi ng paumanhin sa matanda.

“Sa tingin ko kasi ay hindi na magtatagal ang buhay ko mga apo. Ayoko namang iwan ang mundong ito na ganyan kayo. Ngayong narito na kayo sa aking harapan ay may nais sana akong ibigay sa inyo,” dagdag pa ni Lola Mila.

“Huwag naman po kayong magsalita ng ganyan, lola. Kaya ko po kayong ipagamot kahit sa pinakamagagaling pang mga espesyalista,” saad ni Teroy.

“Marami rin akong kilalang magagaling na doktor, lola. Huwag po kayo agad sumuko,” wika naman ni Goryo.

“Matanda na rin ako mga apo. Baka panahon ko na,” sambit ng kanilang lola. “Nasa apardor ang nais kong ibigay sa inyo. Kunin nyo ang mg ito at buksan ng sabay,” aniya.

Dahan-dahang lumapit ang dalawa sa aparador at pabukas nila ay nakakita sila ng dalawang nakabalot na malalaking regalo. Kahit nag-aalinlangan ay binuksan nila ang mga ito sa utos na rin ng kanilang lola. Laking pagtataka nila sa kanilang natanggap.

“Walang laman ang mga kahon na ito, lola,” wika ni Teroy.

“Ano po ang nais ninyong ibigay sa amin, lola? Nakalimutan ninyo po bang ilagay dito?” tanong ni Goryo.

“Wala akong nakalimutan. Tama kayo, walang laman ang mga kahon na iyan sapagkat yan mismo ang nais kong ibigay sa inyo,” wika ng lola. Hindi maintindihan ng dalawa ang nais ipahiwatig ng matanda.

“Naalala n’yo pa ba nung mga bata pa kayo? Masaya na kayo sa isang kahon na gagawin ninyong inyong mga aparador. Halos hindi kayo mapaghiwalay noon. Kakampi ninyo ang isat-isa. Ngayon na may sarili na kayong mga bahay at marangyang buhay ay nalimutan na ninyo ang tingnan ang bawat isa,” naiiyak na sambit ni Lola Mila.

“Nangungulila ako sa dalawang apo ko na umuuwi ng masaya sa akin tuwing hapon na kahit pagod mula sa mahabang araw ng pagtitinda at pag-aaral ay laging may mga ngiti na ibahagi sa akin ang kanilang mga pinagdaanan sa araw na iyon,” hindi na napigilan pa ng matanda ang kanyang mga luha.

Natauhan ang dalawa sa mga pangyayari. Nagbalik sa kanila ang lahat ng alaala ng kanilang kabataan at kung paanong ang dalawang bata ay nangarap ng magandang buhay. Lubusan ang kanilang pagsisisi at paghingi ng tawad sa isa’t-isa at sa kanilang Lola Mila.

“Tama ang lola, kuya. Patawarin mo ako kung lagi kong gustong maging nakakaangat sa’yo. Wala akong nais kundi lang maging maginhawa ang ating pamumuhay at maranasan ng lola ang sarap ng buhay habang nabubuhay pa s’ya,” wika ni Goryo.

“Patawarin mo rin ako. Lola, patawarin n’yo kaming magkapatid. Sa taas ng pangarap namin ay nakalimutan na naming lumingon lalo na sa taong nag-alaga sa amin. Patawad, lola!” saad naman ni Teroy.

Dahil dito ay inamin na rin ng matanda na gawa-gawa lamang niya ang sakit upang mapagsama muli ang magkapatid. Nagkapatawaran ang isa’t-isa. Niyakap nila Teroy at Goryo ang kanilang Lola Mila at nagpasalamat sa lahat ng pangaral at pagmamahal nito.

Ngayong buo na muli ang kanilang pamilya ay masaya silang nagsalu-salong muli sa isang payak na hapunan habang inaalala ang kanilang nakaraan.

Advertisement