Bata pa lamang si Franco, madalas na siyang tampulan ng tukso ng mga kaklase at kalaro, dahil may kaunting kahinaan ang kaniyang pag-iisip at patpating pangangatawan. Lagi kasi siyang napaghuhulihan, hindi lamang sa mga grado sa paaralan, kundi pati na rin sa paglalaro. Pero kahit ganoon, hindi pa rin mababakas kay Franco ang lungkot at nanatili pa rin siyang mabait, masiyahin at pursigidong bata hanggang sa siya ay nagbinata.
Dahil na rin sa kaniyang sitwasyon, madalas siyang utuin ng mga kaibigan at madalas na ginagawang utusan. Hindi iniinda ni Franco ang mga ito, dahil ang mahalaga sa kaniya ay makasama sila. Kahit ganoon ay pinoprotektahan pa rin siya ng mga ito sa mga nang-aapi or nang-aasar sa kaniya. Ito marahil ang dahilan kung bakit hindi niya maiwanan ang mga ito.
“Franco, ang tagal mo naman! Kailan ba mawawala ‘yang kakupadan ng katawan mo? Ilang araw na lang ga-graduate na tayo at maghihiwa-hiwalay na, pero hindi ka pa rin nagbabago?” iritableng sabi ni Raquel, isa sa mga kaibigan ni Franco.
“Nasaan na yung pinapabili naming pagkain? Dalian mo at gutom na gutom na ‘tong si Louigi o,” sambit naman ni Sheila.
“Eto na po. Pasensya na natagalan ako. Ang haba kasi ng pila doon sa tindahan. Sobrang sikat kasi ng yema cake na pinapabili ninyo,” sagot ni Franco sa kanila, sabay abot kay Louigi ng dala-dalang pagkain.
Tinitigan siya ni Louigi, pansin nito ang pagod ni Franco, dahil tumatagaktak ang pawis nito, marahil siguro sa pagmamadali upang madala lamang ang pinabiling yema cake. Narinig rin niya ang pag-ubo ni Franco, na pilit iniipit ng binata upang hindi marinig ng mga kaibigan ngunit hindi na ito ininda ni Louigi.
“Sa wakas, gutom na gutom na ako! Akin na nga iyan nang mahati ko na,” sabi ni Louigi at saka biglaang hinablot ang dala ni Franco.
“Hoy Franco, magpunas ka na nga ng mukha! Pawis na pawis ka na, kadiri ka talaga. ‘Di na nga kagwapuhan, dugyot pa,” puna ni Raquel na nagdulot ng tawanan sa barkada.
Tumawa na lamang din si Franco kahit pansin sa kanya ang lungkot. “Guys, sorry kailangan ko na rin umalis kaagad, hindi na ako kukuha ng pagkain ha? Sa inyo na lahat yan,” nagmamadaling paalam ni Franco.
“Umaasa ka naman na hahatian ka namin ‘no? Sige na!” hirit naman ni Louigi.
Akmang aalis na si Franco nang bigla itong lumingon pabalik sa mga kaibigan. “Oo nga pala, malapit na tayong magtapos at maghiwa-hiwalay. Dahil diyan, pagbibigyan ko kayong utusan ako ng huling tatlong utos, pag-isipan niyong mabuti ha?” Matapos sabihin ay ngumiti muna at saka umalis ang binata.
Nagtinginan ang tatlong magkakaibigan at nagtaka sa sinabi ni Franco, pero nagningning ang kanilang mga mata dahil sa wakas ay may rason na sila para madaling maisagawa ang binabalak nila kay Franco.
Kinabukasan, nagising si Franco sa text message ni Louigi.
“Akala mo uurungan naming iyang kagustuhan mo? Loko ka, papahirapan ka pa namin! Hindi ba mahilig ka sa stuffed toys o plushies ba tawag d’on? Dalhin mo yung tatlong pinaka-favorite mo at ibigay mo sa amin. Huwag kang kakain simula ngayong araw hangga’t hindi ka nagpapakita sa amin. At pinakahuli, sa ganap na alas kwatro ng hapon, pumunta ka sa quadrangle ng school at ikutin mo iyon hangga’t hindi ka namin pinapatigil. Walang atrasan ha? Kutusan kita d’yan eh!”
Dahil sa kagustuhan ni Franco na gawin ang mga bagay na ito, agad niyang hinanap ang tatlo sa paborito niyang stuffed toys at inihanda ang sarili para sa huling utos sa kaniya. Hindi siya kumain buong araw at hinintay ang oras hanggang mag alas kwatro.
“Sigurado ka ba talaga sa huling utos mo? Hindi ka ba natatakot sa pwedeng mangyari sa kaniya?” kinakabahang paalala ni Raquel kay Louigi.
“Oo nga, papahirapan mo talaga siya? Baka ‘di kayanin ng katawan n’on, kapag kumalas mga buto n’on yari pa tayo,” biro pa ni Sheila.
“Kalma lang guys, alam ko ginagawa ko. O ‘yan na pala si Franco e. Hoy kumag! Akala ko male-late ka na naman e!” sigaw ni Louigi nang makitang papalapit na si Franco. “Nasaan na yung hinihingi namin? Dala mo na ba?” pag-uusisa pa nito.
Kinuha naman ni Franco sa kanyang bag ang mga laruan at iniabot ito sa tatlo.
Tuwang-tuwa naman ang tatlong magkakaibigan sa bigay ni Franco. Matapos nito ay hinila nila si Franco sa isang table sa tabi ng quadrangle kung saan may mga nakahandang pagkain para sa kanila.
“Ano ‘to? Bakit ang daming pagkain?” pagtataka ni Franco.
“Hindi ba’t hindi ka pa kumakain? Sinadya talaga namin iyon para marami kang makain ngayon. Ang hina mo pa naman lumamon, kaya ka patpatin e,” biro ni Raquel.
“Alam mo may bibigay rin kami sa’yo” sambit ni Sheila. Iniabot niya ang isang bag na may laman ding tatlong bagong stuffed toys. “Kaming tatlo ‘yan, kasi gusto namin maalala mo kami kapag magkakahiwalay na tayo. Itabi mo sa kama mo sa dorm para kahit hindi mo kami kasama, maaalala mo pa rin kami,” dagdag pa ng babae.
Napansin ni Louigi na mangiyak-ngiyak na si Franco sa munting surpresa nilang magkakaibigan, kaya nagbiro siya para mapatawa ito. “O siya, baka umiyak pa ‘yan sa binigay natin, wala pa namang ibang friends ‘yan bukod sa atin,” sigaw ni Louigi at saka sila humagalpak ng tawa.
Napangiti naman si Franco, ngunit hindi pa rin nito napigilan ang maiyak sa tuwa. Habang humihikbi ay kinuha ni Franco ang isang liham mula sa bulsa at iniabot sa tatlo. “Basahin niyo ng sabay-sabay ha? Mga g*go talaga kayo!” biro pa nito.
Dear Raquel, Sheila, at Louigi, Maraming salamat sa lahat. Hindi ko man nasabi sa inyo pero kayo ang mga pinaka-importanteng tao sa buhay ko. Sinabi sa akin ni mommy na matagal niyo nang alam na mayroon akong sakit sa puso at hindi ako pwedeng mapagod o gumawa ng mga bagay tulad ng ginagawa ng ibang normal na binata, dahil maaaring bumigay ang puso ko.
Matagal nang may taning ang buhay ko pero siguro dahil hindi niyo pinaramdam sa akin na iba ako, na may sakit ako, kaya humaba pa ang buhay ko at ngayon ay kasama ko pa rin kayo. Salamat sa pagiging positibo ninyo palagi, dahil iyon ang naging sandigan at lakas ko. Ano papanaw na nga lang ako, tapos malulungkot pa ako? O ‘di ba parang t*nga lang? Kaya din siguro ayokong maawa sila sa akin kasi kapag nalulungkot ang ibang nakakaalam, sa isip isip ko – ‘ba’t ka malungkot? Ikaw ba ang lilisan sa mundong ito?’
Siguro kaya minahal ko kayo, kasi tinrato niyo ako bilang isang tunay na kaibigan at hindi isang kaawa-awang tao. Alam ko na inuutusan niyo ako madalas kasi exercise yon para sa puso ko. Nakikita ko pa nga minsan na palihim niyo akong sinusundan pauwi lalo na kapag nasobrahan ako sa pagod.
Sana kahit magkakahiwalay na tayo ay hindi niyo ako kalimutan. Mahal na mahal ko kayo. Pasensya na kung hindi ko masusunod ang huling utos ninyo ha?
Hanggang sa muli, Nagmamahal, -Franco
Habang pinupunasan ang luha, umiiling si Lougi at sinabing “Gusto ko lang malaman kung hanggang saan ang kaya mong itakbo. Para makasigurado ako na kaya mo, kahit magkakahiwalay na tayo! Wala na kasi kami para protektahan ka…” Ngunit paglingon nila ay wala na si Franco. Marahil ay umalis na ito habang binabasa nila ang liham.
Bigla namang tumunog ang telepono ni Louigi. Agad niya itong sinagot. “Hello, Lougi? Si Tita Grace mo ito. May sasabihin sana kasi ako sa’yo…” may kung anong kaba siyang naramdaman. “Wala na si Franco… pumanaw na siya.. Marahil hindi na kinaya ng puso niya at hindi na siya gumising kaninang umaga. Salamat sa inyo, dahil naging masaya siya sa huling mga sandali ng kanyang buhay,” sabay hagulgol ng malakas ng ginang.
‘Di naman makapaniwala si Louigi sa mga narinig. Na-istatwa siya sa kinatatayuan at tila ba hindi pa rin tinatanggap ng isipan niya ang mga narinig. Maging ang dalawang kaibigang babae at nagulat din sa balitang kanilang narinig.
Kani-kanina lamang ay kausap nila ito. Pero bakit at paanong pumanaw si Franco noong kinaumagahan?
‘Di man nila nasagot ang hiwagang bumabalot sa pangyayari noong araw na iyon, may buong pagpapasalamat sila na sa huling sandali ay inalala sila ni Franco at nagpaalam sa kanila.
“Hinding-hindi ka namin makakalimutan, Franco. Magpahinga ka na muna riyan ha? Hintayin mo kami balang-araw, muli tayong magkikita-kita. Hanggang sa muli, mahal naming kaibigan…” may mga luha sa matang binigkas ni Louigi habang pinapalipad ang puting lobo sa harap ng puntod ni Franco.
Sa buhay, madalas talaga na dumarating ang mga pagsubok. Pero kung mananatili tayong malungkot at panghihinaan ng loob, iyon ang ibabalik sa atin ng mundo. Nawa’y manatili tayong positibo sa harap ng mga paghihirap tulad ni Franco. At magkaroon din tayo ng bukas na puso para sa ating kapwa gaya ng mga kanyang kaibigan na umalalay sa kaniya sa likod ng matindi niyang pinagdadaanan.