Inday TrendingInday Trending
Ang Madre sa Veranda

Ang Madre sa Veranda

Mabait, matiyaga, at masipag. Ilan lang ‘yan sa mga katangian ni Biboy. Bilang isang padre de pamilya, doble siya kung kumayod upang mabigyan lamang ng magandang buhay ang kaniyang pinakamamahal na pamilya.

“Lahat ay gagawin para lamang mabigyan kayo ng maayos na buhay. Ganyan ko kayo kamahal,” madalas na sabihin ni Biboy sa kaniyang may bahay na si Aling Mercedes at sa kanilang mga anak.

Nagtatrabaho siya bilang isang construction worker sa umaga, at bilang isang security guard naman sa gabi sa isang sikat na unibersidad sa kanilang probinsiya. Kahit iilang oras lang ang kaniyang pahinga ay pilit na kinakaya ni Biboy, dahil ayaw niya nang maranasan nila na mag-ulam ng asin o minsan naman ay toyo at mantika. Sa sobrang awa niya sa kaniyang pamilya ay walang pagdadalawang-isip si Biboy na kumuha ng dalawang trabaho.

Magaling makisama si Biboy kaya naman lahat ng katrabaho niya sa construction ay kasundo niya. Sadyang mabait talaga ang lalaki. Walang kaproble-problema si Biboy sa kaniyang trabaho. Pagsapit ng alas dos ay magpapahinga na siya ng apat na oras at papasok naman ito bilang security pag-sapit ng alas-siete ng gabi. Ito ang kanyang nakasanayang iskedyul sa araw-araw.

Mayroong kasama si Biboy sa unibersidad na kaniyang pinagtatrabahuhan, si Deng. Si Deng ay isang basagulero noon, ngunit nagtino dahil tinamaan ng pag-ibig. Nagpursige ito para sa babaeng mahal at para sa pamilyang kanilang kasalukuyang binubuo.

Pagdating ng alas-nuwebe ay wala na ang estudyante at propesor sa loob ng unibersidad kaya naman nagsimula na silang magcheck ni Deng ng mga silid at sinuguradong walang bukas na ilaw, aircon, o kung anuman na maaaring makagawa ng sunog o anumang aksidente.

“Pre, puyat ka na naman ah? Buti talaga at kinakaya mo ang dalawang trabaho,” saad ni Deng habang naglalakad silang dalawa ni Biboy sa hallway ng building.

“Ganun talaga pare, kailangang kumayod para sa pamilya. Mahal na mahal ko ang asawa’t mga anak ko kaya naman lahat ay kaya kong gawin para lamang maibigay sa kanila ang maayos na buhay, responsibilidad ko iyon bilang padre de pamilya,” sagot ni Biboy habang sabay silang magcheck ng mga silid ni Deng.

Matapos tingnan at linisin ang mga silid ay tumungo na ang dalawa sa likod ng school upang magpahinga at magmeryenda. Kaunting usap sa kanilang dalawa, biruan, at sabihan ng problema. Umupo muna saglit ang dalawa at nagpahinga habang napag-usapan naman ang mga pangyayari sa unibersidad na walang makapagpaliwanag.

“P’re, ako lang ba? O minsan talaga may mga kakaibang nangyayari rito pag gabi,” pag-uusisa ni Deng sa katrabaho.

“Sinabi mo pa, kahit ako man ay minsan natatakot pag wala akong kasamang mag-ikot, buti nga ay dalawa na tayo nag night shift eh,” sagot ni Biboy.

“Sa totoo lang ay kung hindi talaga malaki-laki ang sweldong bigay rito dahil gabi ay hindi talaga ako papasok bilang guard panggabi dito,” dagdag pa ni Biboy.

“Kung minsan kasi p’re, ‘pag nasasaktuhang mag-isa lang akong naglilinis, kung hindi tumatakbong bata ay babaeng sumisitsit ang nasa hallway,” parang kinikilabutang kwento ni Deng.

“Oo nga, kahit ako ay nakakaramdam din. Paano kaya nagkameron ng mga multo dito? Ayokong makakita talaga,” sagot naman ni Biboy sa kasama.

Tulad ng napagkasunduan ng dalawa ay nagsasalitan sila sa pagbabantay sa eskwelahan. Tig-tatlong oras sila sa isang gabi, para patas. Pumwesto na si Deng upang makatulog ng maayos sa isang bench malapit sa kinauupuan ni Biboy, habang si Biboy naman ay nagsindi ng sigarilyo at nagkape upang mawala ang antok.

Isang oras ang nakakalipas nang makarinig si Biboy ng kadenang hinihila. Noong una ay hinayaan na lamang ng lalaki ang kaniyang naririnig, ngunit parang papalakas nang papalakas ang tunog ng kadena. Hindi na mapigilan ni Biboy ang takot na nararamdaman kaya naman lumapit siya kay Deng at ginising agad ito.

“Deng! Huy Deng gumising ka, pakinggan mo. Parang may tao rito,” pabulong na sigaw ni Biboy.

“Ha? Ano ‘yon?” naalimpungatan na tanong ng kasamahan.

“Pakinggan mo! Para may naririnig ka ba na kadena?” tanong ni Biboy kay Deng. Agad namang pinakinggan ito ng lalaki, nanlaki ang mata ni Deng ng mapagtanto niya na totoo nga ang sinasabi ng kaniyang kasama.

Dahan-dahang tumayo ang dalawa at hinay-hinay na naglakad patungo kung saan nanggagaling ang kalansing ng kadena. Naririnig nila ang kadena sa katabing building na binabantayan nila.

“Pakinggan mo ng maayos p’re! Papalakas ng papalakas ang tunog,” bulong ni Deng.

Aktong bubuksan na sana nila ang gate papasok sa building nang may narinig silang umiiyak sa second floor kung saan naririnig ang kalansing ng kadena.

“Ma’am? Ma’am! Dis-oras na po ng gabi, bawal na po ang kahit sino sa school,” sigaw ni Biboy sa babaeng umiiyak. Tinitingnan-tingnan ng dalawa ang babae sa may veranda at nagbabaka-sakaling sumilip ang babae. Papalakas nang papalakas ang kalansing ng kadena, lumabas ang babae sa may veranda habang nakita ng dalawa ang makapal na kadenang hawak ng babae.

Nanlaki ang mata ni Biboy sa kaba ng mapagtantong ang babae na nasa taas ay isang madre, kaya agad na pumasok naman sa isip nito na baka isa ito sa mga madreng nagse-serve sa chapel sa loob ng university.

“Ma’am bawal na po ang tao dito sa university ng ganitong oras, mahigpit na ipinagbabawal po ‘yon,” sigaw pa rin ni Biboy habang si Deng ay nakatingin lang sa babae at naghihintay ng sagot. Ang madre naman ay patuloy pa rin sa pag-iyak habang inilalagay ang kadena sa kaniyang leeg at biglaang tumalon, dahilan upang mabigti ito.

Parehong napasigaw ng “huwag!” ang dalawa habang tumatakbo upang buksan ang gate at sagipin ang madre nang biglaang nahulog ang katawan nito sa kanilang harapan at bumulagta sa kanila ang madreng dug*uan sa parteng ibaba ng kanyang damit at unti-unting gumagapang ito papalapit sa kanila habang umiiyak ng dugo.

Nabigla man ay agad ding napasigaw ang dalawa sa takot at sabay na tumakbo, nag-unahan ang dalawa na makaakyat sa bakod upang hindi ito maabutan ng madreng gumagapang hanggang sa tuluyan silang nakalabas ng eskwelahan.

“Oh Panginoon Ko, nawa’y iligtas Niyo po kami at huwag papabayaan,” taimtim na panalangin ni Biboy habang tumatakbo sa sobrang takot. Hinding-hindi makakalimutan ng dalawang sekyu ang pangyayaring kanilang naranasan sa gabing iyon.

Napag-alaman nila na ang madreng nakita ni Biboy at Deng ay ang madreng napagsamantalahan at nabuntis noon.

Hindi raw ito matanggap ng madre kaya ipinal*agl*ag niya ang bata at sabay nagbi*gti ito sa veranda ng building. Pinaniniwalaan na hindi pa makatawid ang kaluluwa nito dahil sa humihingi ito ng hustisya at dasal para sa kaniyang kaluluwa.

Advertisement