Inday TrendingInday Trending
Ginayuma Lang Kita

Ginayuma Lang Kita

“Eh maniniwala ka ba namang magugustuhan siya ng mister sa pangit niyang iyan? Naku, naku! Malamang ginayuma ang kawawang lalaki ‘no!” Narinig na naman ni Miriam ang “malakas na bulungan” ng kanilang mga kapitbahay. Sanay na siyang pinagtsitsismisan ngunit nang marinig na naman balita tungkol sa kaniya ay bigla siyang natigilan at nanlamig.

Napadaan kasi silang mag-asawa sa harap ng tindahan kung saan nagkukumpulan parati ang kanilang mga kapitbahay. Naramdaman naman niya ang paghigpit ng akbay sa kaniya ng asawa kaya tumingin siya dito. Napakatamis ng ngiti nito habang nakatitig sa kaniya na parang siya ang pinakamagandang babae sa mundo. Napakagwapo talaga nito, kung gugustuhin nito ay pwedeng pwede itong mag-modelo o mag-artista. Samantalang siya, alam naman niya na hindi gaanong kagandahan ang kaniyang hitsura. Hindi sila bagay. Pero ang mahalaga ay kaniya ito ngayon, hindi na mahalaga kung ang panggagayuma ang naging dahilan noon.

“Huwag mo silang pansinin mahal, ang mahalaga ay ikaw ang pinili ng puso ko,” sabi ng asawang si Dino. Napangiti siya sa narinig. Likas talagang sweet ito sa kaniya. Kaya nga natatakot siya na baka kapag nalaman nito ang kaniyang lihim ay tuluyan nitong makita kung sino talaga siya at ayawan siya.

“Mahal, sana kahit anong mangyari ay lagi mong tatandaan na totoo ang pag-ibig ko sa’yo. I love you, mahal ko!” Yumakap siya dito na ginantihan naman nito ng mas mahigpit na yakap.

Bumalik sa alaala niya ang araw na iyon na una niya itong nakita sa pinagtatrabahuhang kapihan. Lagi itong bumibili doon kaya naman nabighani siya hindi lamang sa angking kakisigan nito kung hindi dahil nasaksihan niya kung gaano ito kabuti sa mga tao kahit ‘di nito kakilala. Isang araw ay bumili ito na may kasamang katrabahong babae. Nilukob ng selos ang kaniyang puso kaya naman lahat ay ginawa niya upang mapansin din siya nito ngunit mukhang waepek ang kaniyang pagpapapansin. Hanggang sumagi sa isip niya ang isang bote ng gayumang ipinamana pa sa kaniya ng lola niya sa probinsya. Hindi siya naniniwala sa gayuma ngunit nang pagkakataong iyon ay tumaya siya para sa pag-ibig.

Isang araw na umorder si Dino ng kape ay inihalo niya ang isang kutsarang gayuma. At naging epektibo naman ito dahil ngayon, asawa na niya ito. Hindi matawaran ang kasiyahan sa kaniyang puso nang ikasal sila. Pero ngayong tila perpekto na ang kaniyang buhay may-asawa ay saka naman lalabas ang mga ganoong tsismis.

Upang tuluyang ibaon ang ebidensya ay isang araw na nasa trabaho ang asawa ay hinanap ni Miriam ang bote ng gayuma upang idispatsa iyon. Halos mabitawan niya iyon nang makarinig ng isang katok. Pagbukas niya ng pinto ay tumambad sa kaniya si Mitch, ang babaeng malaki ang pagkagusto sa kaniyang asawa. Ito rin ang babaeng isinama ni Dino noon sa kapihan.

“Narinig ko na ang balita Miriam. Sabi ko na nga ba at hindi ka talaga totoong mahal ni Dino eh! Ano, umamin ka na! Ginayuma mo lang siya kaya ka niya pinakasalan!” sabi nito sa malakas na tinig.

“A-anong sinasabi mo? Umalis k-ka na Mitch, huwag mo na kami guluhin ni Dino. M-masaya na siya sa akin!” ganting sigaw niya dito na pinipilit itago ang nginig ng boses.

“Ang kapal mo talagang babae ka! Ang pangit pangit mo na nga sinungaling ka pa. Eh ano pala ‘yang tinatago mo sa likod mo?” sabi nito sabay hablot sa bote ng gayuma na hawak niya.

Pilit niyang inagaw pabalik ang bote kaya nagpang-abot silang dalawa. Naramdaman niya ang matalas ng mga kuko nito sa kaniyang anit at napuno ng luha ang kaniyang mga mata sa sakit. Nagulat na lang sila nang biglang may umawat sa kanila. Natagpuan niya ang sarili na nasa loob ng yakap ng asawang si Dino na kakauwi lang galing trabaho.

“Mitch?! Ano sa tingin mo ang ginagawa mo?!” galit na galit na sigaw ni Dino habang nakayakap kay Miriam.

“Sakto lang ang dating mo, Dino. Tutal nandito naman na tayo ay mas mabuti pang malaman mo na ang pamimikot na ginawa ng pangit mong asawa! Ginayuma ka lang niya, Dino!”

Parang tumigil sa pag-ikot ang mundo ni Miriam nang ilahad ni Mitch ang buong pangyayari sa tulalang asawa. Naramdaman niyang lumuwag ang yakap nito sa kaniya kaya tuluyang nadurog ang puso niya. Ngayon ay magagalit ito, kamumuhian siya, at tuluyan na siyang iiwan.

Humarap ito sa kaniya na seryosong seryoso ang mukha at diretsong tumingin sa luhaan niyang mata.

“Nagkakamali ka, Mitch. Walang pamimikot o panggagayumang naganap. Ang totoo ay hindi talaga ako ang umiinom ng kapeng inoorder ko noon. Binibigay ko ‘yon sa kung sino-sino lang dahil hindi naman talaga iyon ang pinupunta ko sa kapihan. Ikaw Miriam, ikaw lang ang pinupunta ko sa kapihan dahil matagal na kitang mahal. Lagi kong nakikita kung gaano ka kagiliw sa bawat tao, kahit nuong isang beses na inabutan mo ng libreng kape yung pulubi sa labas dahil umuulan. At iyon, iyon ang gayumang nagpaibig sa akin sa’yo,” sabi nito na puno ng pagmamahal ang tinig.

Hindi makapaniwala si Miriam sa narinig. Buong akala niya ay gayuma lang ang dahilan kung bakit naging mag-asawa sila, iyon pala ay totoong pag-ibig na. Hindi na naramdaman ng mag-asawa ang padabog na pag-alis ni Mitch dahil sa pagkapahiya. Nang mga oras na iyon ay tanging ang pag-ibig lang para isa’t isa ang nakikita nila.

Simula noon ay mas naging panatag ang loob ni Miriam. Wala na siyang dapat pang itago dahil alam niyang hindi katulad ng pag-ibig, hindi naman talaga totoo ang gayuma.

Advertisement