“Lumayas kayo rito, mga hampas lupa!” sigaw ni Mila sa kapatid nito.
“Ate, hindi mo pwedeng gawin ‘yan. May karapatan din kami rito ng anak ko,” depensa ni Tina.
“Sa dami ng utang niyo sa amin ay kulang pa ang parte niyo rito sa bahay bilang kabayaran!” pangungutyang sinabi ni Mila habang binabato ang mga gamit nila Tina sa labas ng bahay. Pinilit nanlaban ni Tina ngunit muntik nang madamay sa gulo ang kaniyang batang anak na si Cristy.
Labis na ikinasama ng loob ni Tina ang ginawa ng kapatid kaya hindi ito nakapagpigil at sumigaw sa harap ng bahay.
“Isinusumpa ko na pagsisisihan niyo ang mga ginawa niyo sa amin. Lugmok man kami sa buhay ngayon pero makakabangon rin kami!”
Umiiyak na inawat ni Cristy ang ina. Huminto lamang ito nung nakaramdam ito ng pananakit ng dibdib at napa-upo sa kalsada. Agad na lumapit ang kapitbahay na matalik na kaibigan ni Tina. Tinulungan niya ang mag-ina at pinatuloy sa kaniyang tahanan.
Sa kasamaang palad ay binawian ng buhay si Tina. Inatake siya sa puso sapagkat mahina pa ang puso nito mula sa operasyon. Hindi maawat sa pag-iyak si Cristy habang yakap-yakap ang ina nito. “Bakit mo ko iniwan mama? Lalaban pa tayo ‘di ba? Pangako mama, paghuhusayan ko at magsu-sumikap ako para umasenso. Ipapakita ko sa kanilang lahat na makakabangon tayo. Hindi ko hahayaang mayroon pang mang-aapi at tatapak-tapakan tayo,” matigas na pagkakasabi ni Cristy habang pilit na pinupunasan ang kaniyang mga luha.
Mula noon ay tuluyan nang inangkin ng kaniyang tiyahin ang parte nila sa bahay habang si Cristy ay kinupkop na lamang ng kanilang kapitbahay. Labis na nagsumikap si Cristy. Pinagsasabay niya ang pag-aaral at pagtatrabaho. Sa tuwing siya ay napapagod at naiisip nang sumuko ay inaalala niya ang binitawan niyang pangako sa kaniyang ina. Inaalala niya rin ang mga pangungutya, pagmamaliit, pang-aalipin at pagtrato sa kanila na parang basura nung nawalan sila ng yaman at nabaon sa utang.
Nabuhay si Cristy na tanging ang hangarin ay tuparin ang pangako sa kaniyang ina. Wala siyang inaaksayang panahon kung hindi ito makakatulong sa pagtupad sa kaniyang pangako kaya naman kahit na maraming nanliligaw kay Cristy ay tinanggihan niya lahat ito. May isang lalaki na ilang taong nagtiyaga sa kaniya ngunit tinanggihan niya pa rin ito.
“Pasensiya na Leo pero hindi ko kayang suklian ang pagmamahal mo sa ngayon. Alam mo namang may pangako pa ako kay mama na kailangan kong tuparin,” pagtanggi ni Cristy.
“Bakit hindi mo hayaang tulungan kita?” tanong ni Leo.
“Hindi pwede. Ako ang nangako nun kaya ako rin ang tutupad nun. Hayaan mo muna ako. Kung tayo talaga ang para sa isa’t-isa ay magtatagpo uli tayo balang araw,” tugon ni Cristy sabay talikod kay Leo. Lalong humanga si Leo sa kaniya kaya hinayaan niya ito.
Makalipas ang ilang taon ay nagbunga na ang pagsusumikap ni Cristy. Umasenso na ang kaniyang buhay at naging matagumpay na siyang negosyante. Bagamat asensado na siya ay hindi niya nilimot ang mga tumulong sa kaniya lalo na ang kapitbahay nila na kumpkop sa kaniya. Hindi niya ito iniwan bagkus ay sinama pa niya ito at ang pamilya nito sa pagyaman.
Nung mapuna ito nila Tiya Mila at pamilya nito ay nakaramdam sila ng inggit sapagkat sila ay naba-baon na sa utang dahil sa masamang kalusugan ni Tiya Mila. Naalala ni Tiya Mila ang pagkakautang nila Cristy sa pamilya nila kaya bigla niyang sinisingil ito at nais huthutan ng pera.
“Hoy Cristy! Mukhang asensado ka na ha? Baka gusto mo ng bayaran ang pagkakautang niyong mag-ina sa akin?!” paniningil ni Tiya Mila.
“Huwag ho kayong mag-alala. Hindi ho ako nakakalimot. Babayaran ko ho kayo agad,” nagtitimping sagot ni Cristy.
Bagamat nagbalik kay Cristy ang masasakit na alaala ay pinili nitong umalis agad. Sa kaniyang paglalakad-lakad ay may nakabanggaan siyang lalaki. Nagulat silang parehas nung mamukhaan ang isa’t-isa. Muling nagtagpo ang mga landas nila Cristy at Leo. Sila ay sabik na nagkwentuhan tungkol sa mga nangyari sa kanilang buhay hanggang sa napatitig na lamang si Leo sa mukha ni Cristy at umaming hindi nawala ang pag-ibig niya para rito.
Nagulat man si Cristy ay natuwa rin ito sapagkat may pagtingin pa rin siya kay Leo. Sasagutin niya na sana ito nang bigla niyang na-alala ang Tiya Mila niya. Nung mapuna ni Leo na nawala ang ngiti sa mukha ni Cristy ay inunahan niya na itong mag salita.
“Halos buong buhay mo mag-isa kang lumalaban. Nandito ako para sayo. Bakit hindi mo hayaang damayan at tulungan kita? Bakit hindi mo hayaang maging masaya ka?” pangungumbinse ni Leo. Naiyak si Cristy at sinagot si Leo.
Mula noon ay nagtulungan na sina Leo at Cristy sa lahat ng bagay. Sinamahan ni Leo si Cristy sa araw ng pagbabayad nito kay Tiya Mila kasama ang abogado ng pamilya niya. “Ito na ho ‘yung bayad namin ni mama sa utang namin sa inyo kasama ang interes,” ang sabi ni Cristy sabay abot ng cheke.
“Ano, ito lang? Kulang kaya ‘to!” pagalit na reklamo ni Tiya Mila. Imbes na si Cristy ang sumagot ay ang abogado na ni Leo ang nagsalita: “Misis, sobra na nga po ang nakuha niyo. Triple na po ng halagang inutang nila ‘yan kasama ang interes. Kung tutuusin kayo pa nga po ang may pagkakautang sa kliyente ko dahil sa inangkin niyong parte ng bahay nila.”
Nagulat si Tiya Mila at hindi nakapagsalita kaya si Cristy na ang nagsalita. “Pasensiya na ho pero babawin ko ‘yun para kay mama.”
Hindi na niya hinayaan pang mag salita si Tiya Mila. Agad na itong tumayo at hinayaang ang abogado ang makipag-usap dito.
Makalipas ang isang taon ay ay mas lalong nabaon sa utang sina Tiya Mila ng dahil sa mas lumalalang sakit nito. Habang si Cristy ay nabawi na ang parte ng bahay ng kaniyang ina at nagpaplano na sa kasal nila ni Leo sa susunod na taon. Siya ay lubos na nagagalak sapagkat maari na siyang tuluyang maging masaya sa piling ni Leo ngayong natupad niya na ang pangako sa kaniyang ina. Naniniwala siya na kung nasaan man ang kaniyang ina ay masaya na ito.