Inday TrendingInday Trending
Nang Umibig si Miss Perfectionist

Nang Umibig si Miss Perfectionist

“Walang kuwenta ang mga reports ninyo!” bulyaw ni Rochelle sa kaniyang dalawang assistant. Inihagis niya sa mga mukha nito ang dalawang folders na naglalaman ng financial report ng kompanya. Vice President ng isang kompanya ng RTW si Rochelle.

Halos maiyak na pinulot ng dalawang kaawa-awang assistants ang folders na pinaghirapan nilang gawin at halos buong magdamag nilang pinaglamayan.

“I can’t imagine na you are all compensated sa mga walang katorya-torya ninyong mga outputs. You can’t even make a graph? My gosh…” iritableng sabi ni Rochelle sa dalawang assistants.

“Mam Rochelle…”

“Out! Get out of my sight!” singhal na utos ni Rochelle. Itinuro niya ang pinto ng kaniyang opisina. Nagkukumahog namang lumabas ng opisina ang dalawang assistants na pinipigilan ang tuluyang pagdaloy ng kanilang mga luha.

Isa sa mga iniiwasan at kinaiinisang boss sa naturang kompanya si Rochelle, 32 taong gulang. Kung tutuusin, maganda at sopistikada ang kaniyang dating, subalit masyadong malakas ang kaniyang personalidad. Palibhasa, matalino at achiever. Consistent honor student sa kaniyang pag-aaral. Walang may gustong makipagkaibigan sa kaniya dahil masyado siyang masungit. Wala ring nagtatangkang manligaw sa kaniya.

Sa kabila nito, hinahangaan siya ng lahat, kahit ng kaniyang mga boss, sa husay niya sa trabaho. Magaling siyang mag-trouble shoot ng mga problema. Bilib na bilib sa kaniya ang lahat, lalo na sa pagtupad ng kaniyang tungkulin. “Miss Perfectionist” nga ang tawag sa kaniya dahil gusto niya ay perfect lahat ng malalaki at maliliit na aspeto pagdating sa trabaho.

Bagama’t matagumpay sa kaniyang trabaho, at nakikita ng lahat na malakas na babae si Rochelle, iba na ang eksena pagkatapos ng working hours. Tulad ngayon. Tahimik siyang nagmamaneho ng kaniyang sasakyan. Hindi niya alam kung saan pupunta.

Kapag nasa loob siya ng opisina, buhos ang kaniyang atensyon sa trabaho. Para sa kaniya, katumbas ng kaniyang buhay ang kaniyang ginagawa. Ito ang kaniyang ambisyon. Subalit kapag nagsi-uwian na ang lahat, at siya na lamang ang natitira, nakararamdam siya ng labis na pagkalungkot. Hindi niya maipaliwanag ang lungkot na kaniyang nadarama. Sanay naman siyang mag-isa subalit minsan, parang may hinahanap-hanap siyang hindi maipaliwanag.

Minabuti ni Rochelle na magtungo sa isang malaking mall na malapit sa baybayin ng Manila Bay. Matapos maiparada ang sasakyan, naglakad siyang nakatungo patungo sa sea side. Tinanaw niya ang papalubog na araw sa Kanluran. Naalala niya noon, lagi siyang dinadala roon ng kaniyang Lolo Jose na siyang nag-aruga sa kaniya mula pagkabata. Parehong binawian ng buhay sa isang aksidente ang kaniyang mga magulang kaya maaga siyang naulila. Dahil sa kaniyang Lolo Jose, tumibay ang kaniyang dibdib at naging mataas ang pangarap niya sa buhay.

Hindi niya maipaliwanag ang lungkot, kaya minabuti niyang sumakay sa malaking ferris wheel. Napahinto siya sa pagtayo nang isang lalaking nakangiti ang nag-alok sa kaniya ng panindang cotton candy. Mukhang masayahin ang naturang lalaki, gwapo, maputi, at mukhang empleyado sa loob ng mall.

“Hi mam… cotton candy po…” nakangiting alok sa kaniya ng lalaki.

Matipid na ngumiti si Rochelle at bahagyang umiling.

Subalit mapilit at mukhang makulit ang lalaki. “Mam, bagay po sa inyo ang cotton candy na ito. Parang kayo po. Very sweet.”

Hindi niya alam kung bakit, pero hindi napigilan ni Rochelle na mapabunghalit ng tawa. Napahalakhak siya sa banat ng lalaki, na ngayon ay natigilan at napatitig lamang sa kaniya. Nang mapansin ni Rochelle na tinititigan siya ng lalaki, tumigil siya at nagpormal.

“Magkano ba ‘yan? Bigyan mo ako ng isang balot…” tanong ni Rochelle. Kinuha niya ang kaniyang pitaka.

“Sampung piso lang po mam…” magiliw na sagot ng tindero. Matapos bayaran ni Rochelle at maiabot ang cotton candy, aalis na sana ito subalit pinigilan siya ni Rochelle.

“Matagal ka na bang nagtitinda?” untag ni Rochelle sa gwapong tindero habang kinakain ang binili niyang cotton candy.

“Medyo bago lang po mam. Actually third job ko po ito. Dagdag-kita lang po. Alam ninyo na… para kumita para sa pamilya,” nakangiting sagot ng tindero.

“Magkano ang rate mo kung sasamahan mo ako magdamag?” seryosong tanong ni Rochelle. Napamaang at hindi nakahuma ang tindero. Nagulat siya sa tanong nito.

“Mam, p-pasensiya na po… hindi po ako call boy…”

“Sino bang nagsabi sa iyo na iyon ang gusto ko? Kapal nito ah! Ang ibig kong sabihin, magkano ang rate mo kung pakikiusapan kitang samahan ako sa magdamag? Nalulungkot ako. Kailangan ko ng kausap. Ayos na ba sa iyo ang limandaang piso kada oras?” seryosong tanong ni Rochelle.

Dahil gipit sa pera, pumayag ang tindero na nagngangalang Ambet. Sinamahan niya si Rochelle ng halos buong magdamag. Nagkuwentuhan lamang sila ng napakaraming mga bagay. Sagot ni Rochelle pati ang pagkain nila. Hindi nila namalayan ang oras.

Nalibang si Rochelle sa kaniyang ginagawa kaya kinuha niya ang numero ng cellphone ni Ambet. Gabi-gabi silang magkasama at binabayaran ni Rochelle ng limandaang piso si Ambet sa bawat oras na sila ay magkasama. Hanggang sa tuluyan nang nahulog ang loob ni Rochelle kay Ambet at gayundin naman ang lalaki.

Simula nang makilala ni Rochelle si Ambet, tila ba nabawasan ang kaniyang kasungitan. Unti-unting nakita ang pagbabago sa kaniyang ugali. Naging maayos ang pakikitungo niya sa mga kasamahan at assistants. Unti-unti ring nawala ang kalungkutang nadarama.

Naging magkasintahan sina Rochelle at Ambet. Nagpakasal sila at biniyayaan ng dalawang anak. Napagtanto ni Rochelle na hindi lamang pala mahalaga ang pagtatagumpay sa career upang matamo ang tunay na kaligayahan. Mas mahalaga pa rin ang pakikipagkapwa-tao at pagmamahal.

Advertisement