Inday TrendingInday Trending
Walang Pera Sa Sining!

Walang Pera Sa Sining!

“Anak, hindi baʼt pinag-usapan na natin ʼto?” Kalmadong sabi ng ama ni Linel, habang nakayuko siya sa harap nito nang gabing iyon.

“Pero, Papa, gusto ko po talagang magsulat. Ito po ang pangarap ko noon pa,” pangangatuwiran naman ng dalaga patungkol sa pinagtatalunan nilang mag-ama.

“Sinasabi ko sa ʼyo, anak, hindi ka mapapakain ng pagsusulat! Walang pera sa sining, tandaan mo ʼyan!”

Ayaw ng ama ni Linel na tutukan niya ang pagsusulat na siya namang pinakagusto niyang gawin. Itʼs her passion, her dream… ngunit ayaw iyong suportahan ng kaniyang papa.

Ngunit nang mga panahong iyon ay pursigido talaga siyang tuparin ang kaniyang pangarap, kayaʼt labag man sa kaniyang kalooban ay palihim siyang umalis sa puder ng kaniyang mga magulang at nagsimula siyang magbanat ng buto, habang humahanap ng paraan kung papaanong matutupad niya ang kaniyang pangarap!

Makalipas ang dalawang taon…

“Huwag kang kabahan, Linel,” ang nakangiting sabi ng kaibigan niyang si Daisy. Kapwa manunulat ito ni Linel na katabi niya ngayon sa upuang inilaan ng kanilang publishing house para sa mga manunulat na kagaya nilang mayroong ambag na libro sa nagaganap ngayong book fair.

“Ang daming tao, Daisy,” nakangiti ngunit may pag-aalinlangan namang sagot ni Linel sa kaibigan.

“This is your day, Linel! Tingnan mo kung kaninong libro ang hawak ng karamihan sa mga taong narito ngayon!” natutuwa pang utos ni Daisy sa kaniya na agad namang sinunod ni Linel.

Iginala niya ang kaniyang paningin sa mga taong nakapaligid sa kanila, at hindi siya makapaniwalang karamihan nga sa mga taong naroon ay hawak ang librong isinulat niya!

Ang iba sa mga namataan niyang bumili ng kaniyang libro ay tila kinilig nang masulyapan niya. Ang iba naman ay palihim siyang kinukuhanan ng litrato, habang ang iba ay tila hindi na makapaghintay at excited nang binuksan ang kanilang mga libro upang paglaanan ng paunang sulyap!

Halos maiyak si Linel nang mag-umpisang pumila sa kaniyang harapan ang libo-libong readers ng kaniyang nobela!

“Congratulations, Linel! Sold out ang first novel mo! It was already categorized as a best-selling novel!” Halos magtatalon sa tuwa ang kanilang head editor nang ibalita iyon kay Linel. “At hindi lang iyan… may isang sikat na U.S. based publishing company ang kumontak sa amin, at gusto nilang i-reprint ang book mo! They are offering a big amount of money, kung papayag ka!”

Halos matulala si Linel sa narinig. Hindi siya makapaniwalang ang nobelang iyon ay magdadala sa kaniya sa tuktok ng tagumpay, dahil matapos niyang pumayag sa alok na iyon ay kinilala siyang isang best-selling author, hindi lang sa sariling bansa, kundi pati na rin sa iba pang panig ng mundo!

Iyon din ang naging daan kung bakit nabigyan ng kasaganahan ang buhay ni Linel na ngayon ay tumatamasa na ng karangyaan. Bagay na talagang ikinagulat ng kaniyang buong pamilya, lalo na ng kaniyang ama.

Sa kabila ng tensyon sa pagitan niya at ng kaniyang ama ay minabuti ni Linel na umuwing muli sa poder ng mga ito upang mangumusta, at upang ihandog sa kanila ang tagumpay na kaniyang nakamit. Gusto niyang magpasalamat pa rin sa mga ito. Sa totoo lang ay ilang beses niya nang sinubukang kontakin ang pamilya, ngunit palagi ay nire-reject siya ng mga ito o ʼdi kayaʼy tinataguan. Ngayon ay muli niyang susubukang makipagbati sa ama, at hiling niyaʼy sana, mapatawad na siya nito dahil sa pagsuway niya sa kagustuhan nito noon.

“P-papa!” Nanginginig ang labi ni Linel nang banggitin ang salitang iyon. Kaharap na niya ngayon ang amang nakaupo na sa isang lumang wheelchair. Ang laki na ng ipinagbago ng hitsura nito na kung dati-rati ay bruskong-brusko, ngayon ay nangangayayat na.

“L-Linel… anak!”

Lumuluha ang kaniyang ina nang takbuhin nito ang kaniyang direksyon upang salubungin siya ng yakap. Napahagulhol na lamang sila sa bisig ng isaʼt isa.

Napasulyap muli si Linel sa kaniyang amang ngayon ay hindi alam kung saan ibabaling ang tingin. Bakas ang pagkailang sa mukha nito na pilit nitong itinatago. Tila nahihiya itong ipakita ang mukha sa kaniya.

“Papa…” muling tawag ni Linel sa ama. “I miss you, papa. Sorry po kung sinuway ko kayo noon… but I hope I made you proud.” Maluha-luha na ang mga mata ni Linel habang nakatitig sa kaniyang ama.

Ganoon na lang ang pagkabigla niya nang pilitin ng kaniyang amang tumayo mula sa kinauupuan nitong wheelchair at tinungo ang kaniyang direksyon. Pagkatapos ay bigla siya nitong niyakap nang mahigpit.

“You proved me wrong, anak! Iʼm very proud of you!”

Matapos ang pangyayaring iyon ay naging maayos muli ang samahan ng kanilang pamilya. Nagkapatawaran, nagkaiyakan at muling nagmahalan. Masayang-masaya sila, dahil sa muli ay magkakasama sila sa darating na pasko.

Advertisement