Matagal nang magkasintahan sina Arlene at Renzo. Maglilimang taon na silang magkarelasyon. Siguro sa katagalan na rin ng pagiging magkarelasyon nila kaya naman naghahangad na si Renzo ng mas malalim na ugnayan.
Gustong-gusto niya nang magpakasal sila ni Arlene. Kaya lang ay hindi pa raw handa ang dalaga dahil marami pa daw itong responsibilidad sa pamilya nito. Panganay kasi ito sa anim na magkakapatid, at may mga kapatid pa itong nag-aaral.
Isa ito sa mga bagay na madalas nilang pag-awayan. Pakiramdam ni Renzo ay hindi sapat ang pagmamahal ni Arlene sa kanya dahil hindi siya nito pinipili.
“Hon, kumusta sa trabaho?” Malambing na tanong ni Arlene nang mag-date sila nang gabing iyon.
Ito ang gusto niya sa kasintahan. Napakabait nito, napakalambing, at ramdam niya na mahal na mahal siya nito.
“Ayos naman. Dami lang naming deadlines kasi malapit na matapos ang buwan pero kinakaya naman,” sagot niya sa katipan.
“Ikaw, kumusta?” Pangungumusta niya sa katipan. Ilang araw rin kasi silang hindi nagkita.
At nagsimula na nga itong magkwento. Masaya niyang pinanood ang kasintahan habang kinukwento nito ang nangyari sa trabaho nito. Isa kasi itong guro. At sa tuwing nagkikita sila ay parati itong may baon na masasayang istorya para sa kanya.
Halos mag-aalas diyes na nang matapos sila sa pagkukwentuhan. Ganito sila parati. Madalas silang nagkikita pero parating may bago at parating tila hindi nila namamalayan ang oras kapag magkasama sila. Kaya nga nasiguro ni Renzo na si Arlene na nga ang babaeng nais niyang makasama habambuhay.
Naglalakad sila pauwi sa bahay ng dalaga nang muling magtanong si Renzo. Ang tanong na matagal at paulit ulit na niyang naitanong sa kasintahan.
“Hon, ayaw mo pa rin bang magpakasal tayo?” Mahinang tanong ni Renzo.
Bahagyang napalingon si Arlene sa nobyo. Nakayuko lamang ito.
“Hon. Gustong-gusto kong magpakasal sa’yo. Alam mo naman ‘yan. Wala na akong ibang lalaking mamahalin maliban sa’yo. Pero alam mo naman na may mga responsibilidad pa ako, hindi ba?” Pilit niyang pagpapaunawa sa nobyo.
“Grade 10 pa lang si Andeng. Si Ronnie naman third year college pa lang. Kailangan ko pa silang suportahan.”
“Arlene, iniisip ko kasi, sobrang tagal pa nun. Tutulong naman tayo sa pamilya mo kahit na mag-asawa na tayo,” tugon naman ni Renzo.
“H-hindi ka na ba makakapaghintay? 28 pa lang naman tayo,” nag-aalinlangang tanong ni Arlene sa lalaki.
Hindi sumagot ang lalaki. Nang igala ni Arlene ang paningin ay nasa tapat na pala sila ng kanilang bahay.
“Bukas na lang tayo ulit mag-usap.” Walang ekspresyon ang mababanaag sa mukha ni Renzo nang sabihin niya ‘yun. Tumalikod na siya at nagsimulang maglakad palayo kay Arlene.
Naiwan naman si Arlene na nakatulala. Alam niyang masakit para sa kasintahan ang paulit-ulit niyang pagtanggi subalit may pangako siya na binitiwan sa namayapang ama. Alam niyang kailangan niyang tuparin iyon bago siya lumagay sa tahimik.
Naabutan ni Arlene ang kanyang ina na nanonood ng TV.
“Anak, ginabi ka na naman. Nagkita kayo ni Renzo?” Usisa ng kanyang ina nang tabihan niya ito sa sofa.
“Opo, ‘ma.”
Katahimikan.
“Anak, salamat ha? Sa hindi mo pagpapabaya sa amin. Sa pagsasantabi mo ng mga pansarili mong kagustuhan para sa amin,” maya-maya ay sabi ng kaniyang ina.
“’Nak, alam mo, proud na proud ang tatay mo sa mga ginagawa mo para sa pamilya natin. Pero ‘nak, gusto rin naman ng tatay mo na sumaya ang panganay niya,” dagdag nito.
Parang gusto ni Arlene umiyak lalo na’t naalala niya ang huling pag-uusap nila ng kasintahan. Ngunit hindi siya nagsalita. Hinawakan niya lamang ang kamay ng kaniyang ina.
Nang magising si Arlene kinabukasan, kagaya ng nakagawian, ay tiningnan niya ang cellphone para sa tingnan ang mensahe ng nobyo. Mas nauuna itong nagigising sa kanya kaya naman araw araw itong nagpapadala ng “morning message” sa kanya.
Ngunit ng araw na ‘yun, wala. Napabuntong hininga si Arlene. Tinext ang katipan.
Arlene: Hon, good morning! Gising ka na ba?
Sumapit na lamang ang gabi ay wala siya ng natanggap na kahit ano mula sa kasintahan. Ang isang araw ay naging isang linggo, hanggang sa naging dalawang linggo. Dalawang linggo na silang hindi nagkikita at nag-uusap!
Matamlay na matamlay naman si Arlene. Ilang araw na lamang ay ikaanim na anibersaryo na nila ngunit mukhang hindi na sila aabot ng nobyo doon. Napaluha na lamang si Arlene habang papunta sa opisina nang araw na ‘yun.
Sumapit ang araw ng kanilang anibersaryo. Umaga pa lamang ay pumunta na siya sa bahay ng nobyo, desidido nang ayusin ang kanilang relasyon. Subalit wala raw ito sa bahay.
Ginulantang siya ng mensahe ng kanyang matalik na kaibigan nansi Macey.
Macey: Arlene! Break na ba kayo ni Renzo? May nasagap akong tsismis na makikipag-blind date daw siya ngayong araw!
Tila nagunaw ang mundo niya sa nalaman. Tumulo ang luha. Kaya naman pala hindi na ito nagpaparamdam sa kanya dahil busy sa paghahanap ng kapalit niya!
Arlene: Hindi pa kami break, Mace. Pero dahil sa sinabi mo, malamang mag-break na kami.
Macey: Girl! Hindi tayo papatalo! Makikipag-blind date ka rin! Ipapakita natin sa boyfriend mong hindi lang siya ang nakahanap ng bago! Anniversary niyo pa naman, ngayon pa siya makikipag-break!
Napakunot noo si Arlene. Hindi niya alam bakit natatandaan pa ni Macey ang kanilang anniversary, pero ipinagkibit balikat niya ‘yun.
Arlene: Ayoko, Mace. Mag-uusap pa kami ni Renzo.
Macey: Tigil-tigilan mo ‘yang pagiging martyr mo! Hindi na uso ‘yan! Makikipag-blind date ka mamaya. Magpaganda ka, susunduin kita!
Wala nang nagawa si Arlene. Sabagay, gusto niya rin maglibang. Baka mabaliw lang siya kakaisip sa sitwasyon nila ni Renzo kung mananatili siya sa bahay.
“Aalis ka, ‘nak? Magde-date kayo ni Renzo?” Tanong ng kanyang ina.
“Hindi ho, ‘nay. Si Macey ho ang kasama ko.”
Tumango naman ang kaniyang ina.
“’Nak, piliin mo ang magpapasaya sa’yo. ‘Yun ang magpapasaya sa aming pamilya mo. ’Yun din ang gusto ng ama mo,” matalinghagang bilin ng kanyang ina.
Hinatid siya ni Macey sa restaurant na pagkikitaan nila ng ka-blind date. Pamilyar sa kanya ang lalaki, hindi niya lang sigurado kung saan niya ito nakita.
Ngunit halos tatlumpung minuto na ang lumipas subalit hindi pa rin nadating ang lalaki. Naiinip na siya.
Maya-maya ay may pumasok na lalaki. Hindi ang ka-blind date niya. Si Renzo!
Sa kamalas-malasan, mukhang dun din ito makikipag-date. May dala pa itong bulaklak para sa ka-date!
Nangilid ang luha sa kanyang mga mata. Nakaramdam ng selos. Nagtama ang kanilang paningin, at mukhang hindi man lang ito nagulat na nandun siya. Wala na ata talaga siyang halaga rito. Doon na tumulo ang luha na pinipigilan niya.
Napaangat ang kanyang tingin nang may mag-abot sa kanya ng panyo. Si Renzo. Tinanggap niya iyon, umupo naman ito sa silya na kaharap ng kanya. Patuloy ang kaniyang pagluha.
Naramdaman niya na lamang ang mahigpit na pagyapos ng kasintahan sa kanya. Bumulong ito ng mga salitang akala niya ay hindi niya na maririnig. “Sorry na, hon. Happy anniversary.”
“Hindi ako makikipag-blind date. Katrabaho ko ‘yung dapat ka-date mo. Sinet up lang namin ni Macey ‘to para surpresahin ka. Hindi ako nagparamdam sa’yo dahil nagtampo ako. Sinubukan ko kung kaya ko bang hiwalayan ka, o kung kaya ko ba na wala ka pero hindi ko talaga kaya,” paliwanag ni Renzo.
Mas lalong bumuhos ang kaniyang luha. Napagtanto na mahal na mahal niya ang kasintahan, at hindi niya rin kaya na wala ito.
“Naiintindihan na kita. Maghihintay ako ng matagal, kahit abutin pa ng sampung taon. Kung kailang pwede ka na. Basta sa huli ay tayo pa rin,” determinadong sabi pa nito.
Minasdan niya ang lalaki. Naalala ang sinabi ng ina. ’Nak, piliin mo ang magpapasaya sa’yo. Yun ang magpapasaya sa aming pamilya mo. ’Yun din ang gusto ng ama mo.
“Hon, pumapayag na akong magpakasal tayo.” Tiningnan niya ito sa mga mata.
Ito naman ang nagulantang. Matagal na hindi nakapagsalita. Maya-maya ay tumulo ang luha.
“Salamat, hon, hinding-hindi ka magsisisi,” sabi nito habang tuloy pa rin sa pagluha.
Nagpakasal sila. Kagaya ng pinangako ni Renzo noon, hindi siya nito kailanman hinadlangan sa pagtulong sa kaniyang pamilya.
Napagtapos ni Arlene ang kaniyang mga kapatid sa tulong ng kaniyang asawa.
Wala na siyang mahihiling pa. Araw-araw niyang pinagpapasalamat sa Diyos na nakatagpo siya ng kagaya ni Renzo na handang sumuporta hindi lang sa kaniya, kundi pati sa pamilya niya.
At dahil natupad na niya ang pangako sa namayapang ama, magpopokus na sila sa pagbuo ng sarili nilang pamilya. Maswerte ang magiging mga anak nila dahil mayroon itong ama na kagaya ng tatay niya.