“Mama, pahingi naman kahit bente pesos! Kailangan ko magbayad sa ambagan amin sa school,” daing ni Jerome sa kaniyang ina, isang araw bago siya pumasok sa paaralan.
“Naku, anak, wala na akong pera, eh. Sakto na lang ‘to pambili ng bigas at ulam natin. Baka may sobra kang pera d’yan, abonohan mo muna,” sagot ng kaniyang ina saka ipinakita ang barya nitong pera na labis niyang ikinadismaya.
“Mama naman, eh. Pambaon nga, wala ako. Pang-abono pa kaya doon? Nakakainis naman, lagi na lang wala!” inis na inis niyang sambit saka padabog na ibinalandra ang kaniyang bag sa kanilang pintuan.
“Pasensya ka na talaga, hayaan mo kapag may labada ako mamaya, bibigay ko. Mangutang ka muna sa mga kaklase mo,” sabi pa ng kaniyang ina, naiiyak na siya sa inis.
“Puro na lang utang! Nabaon na ako sa utang dahil sa lintik na kahirapan na ‘to!” sigaw niya saka padabog na kinuha ang kaniyang bag at nagmadaling umalis ng bahay. Napabuntong hininga na lamang ang kaniyang inang hirap na hirap na rin sa kanilang estado sa buhay.
Bata pa lamang ang binatang si Jerome, naranasan na niya ang hagupit ng tadhana. Kung hindi lang siguro dahil sa kaniyang ina, malamang hindi na siya pumapasok ngayon. Matagal na siyang nais patigilin ng ama dahil nga sa kanilang kahirapan. Hindi na nito matustusan ang kaniyang pag-aaral dahilan upang yayain na lamang siya nitong pumasok bilang isang construction worker katulad niya. Ngunit tila hindi pumayag ang kaniyang ina sa pagtigil niya sa pag-aaral dahil ‘ika nito, “Si Jerome na lang ang pag-asa natin sa buhay! Kung hindi ‘yan makakapagtapos, habang buhay tayong mahirap!”
Ngunit kahit pa nakuha niya ang suporta ng ina, hindi naman siya matustusan ng ayos nito at kung kani-kanino pa lumalapit para lamang makasabay sa agos ng buhay sa loob ng paaralan.
Madalas siyang nangungutang sa mga kaklase para lamang may mapangkain o kung hindi naman para may maipambayad sa mga ambagan at proyekto. Nakakautang man siya ngunit hindi pa rin ito sapat dahilan upang bahagya na siyang mawalan ng pag-asa sa pag-aaral.
Noong araw na ‘yon, mangiyakngiyak na pumasok sa paaralan ang binata. ‘Ika niya sa sarili, “Matapos lang ang taong ito, titigil na ako sa pag-aaral. Magtatrabaho na lang ako, may pera pa ako!”
Pagkadating sa kanilang silid, agad siyang dumaretso sa upuan at doon siya labis na humagulgol. Naramdaman niyang pinagbubulungan na naman siya’t tinitingnan ng mga kaklase dahilan upang umayos siya ng upo’t nagpunas ng luha. Sa isip-isip niya, “Pasalamat kayo may mga pera kayo!”
Maya-maya pa, dumating na ang kanilang guro dahilan upang umayos na ng upo ang kaniyang mga kaklase. Wala pang dalawang oras, umalis na rin ito at hinayaan na silang mananghalian.
Naiwan sa silid ang binata dahil nga wala siyang pera pambili ng pagkain. Maluha-luha siyang tumungo sa kaniyang lamesa. Ngunit maya-maya, bigla na lamang siyang nakaisip ng paraan upang magkapera.
Isa-isa niyang kinalkal ang mga bag ng kaniyang mga kaklase at kumuha siya rito ng tig-sasampung piso. Kinakabahan man dahil baka may makakita, tinuloy niya pa rin ang kaniyang plano dahilan upang magkaroon siya ng sapat na pera pambili ng pagkain at pang-ambag sa kanilang bayarin.
Nang makakuha na ng pera, agad siyang pumunta ng kantin at doon kumain.
Labis ang saya niya dahil sa wakas, nakakain na rin siya. Maya-maya, napagdesisyunan na niyang bumalik sa kanilang silid. Ngunit laking gulat niya nang makarating siya sa kaniyang upuan at puno na ito ng pagkain at mga baryang halatang pinag-ambagan ng kaniyang mga kaklase.
“Te-teka, para sa akin ba lahat ng ‘to?” tanong niya.
“Oo!” sabay sabay na sambit ng kaniyang kaklase.
“Nararapat kasing ipamahagi ang biyaya at pakiramdam namin, kailangang-kailangan mo ang lahat ng ‘yan!” sigaw ng isa niyang kaklase dahilan upang bahagyang siyang maluha lalo pa noong maalala niya ang kaniyang nakagawang pangungupit sa mga ito.
Hindi niya malaman ang gagawin at basta na lamang siya napaluha sa magkahalong saya at pangongonsensyang nararamdaman ngunit laking gulat niya nang may magsalita na namang kaklase niya.
“Sinadya rin naming mag-iwan ng tig-sasampu sa bag noon pa man. Alam naming sa hirap ng buhay mo, maiisipan mo ‘yon, pero sana huwag mo nang ulitin, ha? Dahil simula ngayon, handa na kaming mag-ambagan para sa baon at gastos mo sa school!” dahilan upang mas lalo siyang lumuha.
“Hindi ko alam kung may nagawa ba akong mabuti para biyayaan ako ng ganitong klaseng buhay, maraming salamat sa inyo!” hagulgol niya.
Simula noon, tila muling nabuhayan ng loob ang binata. Ginanahan siyang mag-aral at naisipan nang magtrabaho habang nag-aaral nang sa gayon, hindi lang siya umaasa sa kaniyang mga kaklase.
Patuloy siyang sinuportahan ng kaniyang mga kaklase hanggang sa makatapos siya ng pag-aaral.
Wala nang mas sasaya pa sa kaniya at sa kaniyang buong pamilya nang makapagtrabaho na rin siya’t unti-unting makaipon.
Hindi niya nakalimutang magbigay pasasalamat sa lahat ng kaklaseng tumulong sa kaniya sa pamamagitan ng pagsuporta sa mga negosyo ng mga ito ngayon.
Paminsan talaga, kahit na anong sama ang iyong nagawa, basta’t may plano sa iyo ang Diyos, puspos na biyaya pa rin ang ibibigay nito sa’yo na labis na makakapagpagising sa’yo.