Mula pa noong sila ay elementarya hanggang ngayong mga ganap nang dalaga, magkakaibigan na ang tatlong babaeng sina Elise, Sheena, at Daniela.
Sa ilang taong pagkakaibigan na ito, kilalang-kilala na ni Elise at Daniela ang nanay ni Sheena. Sa hinahaba-haba kasi ng kanilang samahan, isang beses pa lamang “pinayagan” ni Mommy Diane ang anak na sumama sa mga kaibigan nito.
“Sheena! Sa Sabado ha? Aasahan kita. Sana naman makapunta ka. Alam mong pangarap ko na maging kumpleto tayong magkakaibigan sa pinaka-importanteng araw ng buhay ko, ang kasal namin ni Dave,” pakiusap at paalala ni Elise sa kaibigan.
“Ah… Eh… Oo, susubukan ko ha? Kilala niyo naman si mama. Pero pangako, susubukan ko,” nag-aalinlangang sagot ni Sheena. Naaalala niya ang mga araw na sinubukan niyang magpaalam noon sa ina, at kung ilang beses siyang nabungangaan nang dahil sa pagpapaalam na iyon.
“Trenta ka na, Sheena. Si Daniela, malapit na ring magpakasal. Ako, ikakasal na sa Sabado. E ikaw? Hanggang kailan ka papasakal sa mama mo? At hanggang kailan mo itatago si Karlo? At isa pa, hindi ko maipapangako na hindi ako magtatampo kapag hindi ka nakadalo sa kasal ko,” nag-aalalang sagot ni Elise.
“Ilang taon na kitang iniintindi nang dahil sa mama mo. Pero ngayong kasal ko, iba na ito. Sana maintindihan mo ako,” dagdag pa ni Elise.
Napabuntong hininga na lamang itong si Sheena at naghanap ng lakas ng loob na magpaalam sa ina. Maya-maya pa, tinawag na siya ng kaniyang ina upang kumain ng hapunan.
“O, bakit parang napakatahimik mo naman ngayon?” tanong ni Mommy Diane sa anak na halos hindi nagagalaw ang kaniyang pagkain.
Desidido na si Sheena. Magpapaalam na siya.
“Mama, ikakasal na po si Elise sa Sabado. Beach wedding po ‘yon, at sa Laiya, Batangas gaganapin. Bale, overnight po kami dahil malayo ang biyahe at gabi gaganapin ang seremonyas,” nangangatal na paalam ng dalaga.
“Tumigil ka! Overnight? Bakit mo naman naisip na papayagan kita? Bilisan mo nang kumain at matulog ka na,” sagot ni Mommy Diane sa anak. Para bang kausap niya ay sampung taong gulang na bata at hindi trenta anyos na dalaga.
Napatungo na lamang si Sheena. Sa isip-isip niya, iyon naman talaga ang inaasahan niyang sagot ng kaniyang ina.
Matapos kumain, pumasok na siya sa kaniyang silid at naisipang magsabi muna sa kaibigang si Daniela.
“Daniela, hindi ako pinayagan ni mama. Natatakot akong magsabi kay Elise, dahil alam kong magtatampo ‘yon. Kaso, kilala niyo naman ‘tong si mama. Nang malaman na overnight, alam kong ‘di na siya titiklop sa pagtanggi,” text ng dalaga.
“HA? Nahihibang ka na ba talaga? Sheena, trenta anyos ka na! Kailan ka maninindigan para sa sarili mo? Wala ba kaming halaga bilang mga kaibigan mo? Kasal ni Elise ‘yon! Kasal ng best friend natin! At isa pa, bridesmaid ka pa, tapos hindi ka pupunta? Anong klaseng kaibigan ka?” sagot ni Daniela na tila napuno na sa kaibigan.
Tila natauhan itong si Sheena. Matapos mabasa ang mensahe ng kaibigan, dali-dali itong tumayo ng kama at pinuntahang muli ang kaniyang ina na nanonood ng TV sa kanilang sala.
“Mommy Diane, sasama po ako sa Sabado. Kasal po ‘yon ng isa sa pinakamatalik na kaibigan ko,” dire-diretsong sabi ni Sheena.
Nanlaki ang mga mata ni Diane. Ngayon lamang siya sinagot ng ganoon ng kaniyang anak.
“Sinabi ko nang hindi ako pumapayag, hindi ba? Tumigil ka!” nanggagalaiting sagot ni Mommy Diane.
Lumunok itong si Sheena, at saka muling nagsalita.
“Pupunta pa rin po ako kahit hindi ka pumayag. Kasama ko po si Karlo, ang nobyo ko,” buong tapang niyang siwalat.
“Ha? Ano?! Ako ba e talagang ginagalit mo? May nobyo ka?!” nanggagalaiting sagot ni Mommy Diane.
“Siya po ‘yong 5 years nanligaw sa akin. Ipinakilala ko siya sa inyo dati, pero itinaboy niyo lang siya at pinagsabihan ng masasakit na salita,” paglalantad ni Sheena. Wala nang takot sa kaniyang puso, panahon na upang aminin ang lahat sa kaniyang ina.
“Ayoko roon! Mahirap at mukhang walang pinag-aralan! Hiwalayan mo siya, ngayon din!” sigaw ni Mommy Diane na tila puputukan na ng ugat sa leeg.
“Nang dahil sa mga sinabi mo sa kaniya, nagsikap siyang lalo. Ngayon, isa na siyang arkitekto at kumikita na ng malaki. Nais niya sanang magpakilala ng personal sa inyo, pero ako mismo ang pumipigil sa kaniya. Alam ko kasing ganiyan lang ang magiging reaksyon ninyo,” sagot ni Sheena.
“Mahal ko siya, at napatunayan kong mahal na mahal niya ako,” dagdag pa ng dalaga.
“O tapos, ano? Bubuntisin ka niya, at iiwan pagkatapos?” natatawang sagot ni Mommy Diane.
Buong buhay kasi ni Sheena, dahilan ng pagiging istrikto ni Mommy Diane ay dahil sa pag-iwan sa kanila ng ama ng dalaga.
“MA! Utang na loob! TAMA NA! Patawarin mo ako, at ngayon lang ako sasagot ng ganito sa’yo. MAGKAIBA TAYO! Kailan mo ba ako pakakawalan at pagkakatiwalaan sa mga desisyon ko sa buhay?!” sigaw ni Sheena sa ina.
“Sa tatlumpung taon ng buhay ko, ginawa ko ang lahat lahat ng gusto mo! LAHAT! Lahat ng desisyon ko sa buhay, base lang sa kung anong magpapasaya sa’yo. Paano naman ako? Ang kaligayahan ko?!” umiiyak nang sabi ng dalaga. Hindi na siya nakapagpigil pa.
Hindi na nakasagot si Mommy Diane. Katahimikan ang bumalot sa kanilang bahay sa mga oras na iyon. Ngunit maya-maya pa, bigla na lamang bumulyaw si Diane.
“Lumayas ka! Wala kang utang na loob!”
Wala nang nagawa si Sheena. Buong akala pa naman niya ay iintindihin na siya ng kaniyang ina sa panahong iyon.
Nakitulog siya sa bahay ng kaibigang si Elise. Nakadalo siya sa kasal ng kaibigan sa Batangas kasama ang kaniyang nobyo. Napakaraming bagay na hindi niya nagagawa noon ay masaya niyang nagagawa ngayon. Malaya siya, walang kabang nakakapagsaya sa buhay. Basta alam niya sa sarili niyang wala siyang ginagawang mali.
Dala pa rin niya sa kaniyang dibdib ang samaan nila ng loob ng kaniyang ina, ngunit alam niya na pareho nilang kailangan ng oras upang makapag-isip-isip.
Isang hapon, magkakasama si Sheena, ang kaniyang nobyong si Karlo, at ang dalawa pa niyang kaibigan na si Elise at Daniela. Pupunta sila sa isang park at magpipicnic. Aabangan at papanoorin nila ang shooting star na nakatakdang magpakita sa kalangitan ng gabing iyon.
Masayang-masaya siya dahil ito ang unang beses na makakalabas siya ng gabi upang makasama sa mga kaibigan.
Sumapit ang alas diyes ng gabi, at tapos nang kumain ang magbabarkada. Sabik na sabik na ang lahat dahil ilang minuto na lamang at matatanaw na ang inaabangang shooting star.
Sa pagdaan ng unang shooting star, mariing pumikit si Sheena. Sa pagpikit niya, ilang patak ng luha ang bumagsak mula sa kaniyang mga mata. Nami-miss na niya ang kaniyang mama. Siya ay taimtim na humiling.
“Sana magkaayos na kami ni mama. Sana, pagkatiwalaan niya na ako. Sana, pareho na kaming sumaya sa buhay,” bulong ni Sheena habang nakapikit.
Laking pagtataka niya sa biglang pagtahimik ng kapaligiran. Kanina kasi’y puro tawanan at kwentuhan ng mga tao.
Nagulat siya nang bigla na lamang may yumakap sa kaniya. Isang pamilyar at mainit na yakap na bigla na lamang nagpangiti sa kaniya.
“M- mama?”
Sa kaniyang pagdilat, nakita niya si Mommy Diane. Nakangiti, lumuluha, at nakayakap sa kaniya.
“Anak, patawarin mo ako. Sa napakaraming taon na naging bihag kita, ngayon lamang ako natauhan nang dahil sa mga sinabi mo. Hindi ko alam na nasasakal na pala kita. Patawad, anak! Takot lamang ako na magaya ka sa akin. Pero tama ka, magkaiba tayo. Matapang ka at alam kong kahit anong pagsubok man ang dumating sa’yo ay kakayanin mo,” litanya ni Mommy Diane sa kaniyang anak.
“Kakayanin mo, dahil nandito na ako para sumuporta sa lahat ng mga desisyon mo,” dagdag pa ni Mommy Diane.
Bumaha ng luha at emosyon sa nasabing parke. Maging ang mga kaibigan ni Sheena ay naiyak sa madamdaming eksenang kanilang nasaksihan.
Simula nang gabing iyon, malaya nang nagagawa ni Sheena ang mga bagay na naaayon sa kaniyang edad. Todo suporta naman si Mommy Diane sa kagustuhan ng kaniyang anak. Masaya siya dahil alam niyang lumaking mabuting bata ang kaniyang anak sa kabila ng lahat.