Inday TrendingInday Trending
Hindi Porket Balat Ko’y Maitim, Madumi Na!

Hindi Porket Balat Ko’y Maitim, Madumi Na!

“Kulay uling! Oy! Uling, lumayo ka nga sa’min baka madungisan pa ang damit namin sa kulay mong maitim,” kantiyaw ni Bella kay Jillian.

“Bakit kasi hindi ka na lang magpa-gluta, Jillian? Malay mo may pag-asa pang pumuti ka,” segunda ni Anna sabay tawa ng nakakaasar.

“Nako! Malabo nang mangyari ang bagay na iyan. Sa kutim niyang ‘yan ay baka masira pa ang endorsement ng gluta sa madla, alam niyo kung bakit? Kasi hindi ‘yon eepekto sa kaniya,” wika pa ni Mara sabay tingin sa kaniyang kabuuan mula ulo hanggang paa.

“Sabagay, kahit si Dr. Vicky Belo ay mahihirapang paputiin siya,” sang-ayon pa ni Bella sabay tawa ng nakakaasar.

Ito ang laging naririnig ni Jillian sa bibig ng mga kontrabida niyang katrabaho. Hindi yata nakukumpleto ang araw ng mga ito kapag hindi napapansin ang maitim niyang kulay. Hindi na nga lang niya pinapansin ang mga ito dahil ayaw niya ng gulo.

“Mama,” humihikbing wika ng anak niyang si Jenny.

“Bakit, anak?” takang tanong ni Jillian sa anak na hilam ng sariling luha.

“Inaaway ako ng mga kaklase ko kanina. Sabi nila ang pangit ko raw kasi ang itim ko. Mukha daw po akong igorot,” humihikbing sumbong ng anak.

Pitong taon lamang si Jenny at bilang ina ay masakit sa kaniyang marinig na binubully ito. Nagmana kasi ang kulay ng anak sa kaniya at hindi sa ama nitong maputi.

“Hindi ka pangit anak,” alo ni Jillian upang pagaanin ang loob ni Jenny. “Walang ginawa si God na pangit. At saka hindi porket maitim tayo ay pangit na tayo. Ikaw ang pinakamagandang tao para sa’kin, Jenny. Hayaan mo at kakausapin ko si teacher bukas,” wika ni Jillian sabay yakap sa anak na hindi pa rin tumitigil sa pag-iyak.

Tulad nga ng ipinangako niya kay Jenny ay pinuntahan niya ang eskwelahan nito at kinausap ang guro ni Jenny, pati na rin ang mga batang nambubully sa anak. Pinaki-usapan niya ang teacher ni Jenny at pati na rin ang mga kaklase nito na sa huli ay nagkasundo naman ang lahat. Kahit papaano ay masaya na si Jillian sa naging resulta.

“Hoy! Negra, bakit late ka? Pangit ka na nga, hindi pa maganda ang performance mo. Kung ganyang wala kang pleasing personality bawiin mo na lang sa performance,” nang-aasar na wika ni Mara.

Kani-kanina lang ay maganda ang mood ni Jillian, ngunit ngayon ay hindi na. “Alam mo sumosobra ka na sa pangmamaliit sa’kin,” naiinis na wika ni Jillian. “Ano naman kung maitim ang kulay ko. Naagrabyado ko ba kayo? At saka bakit ba ang init-init ng ulo niyo sa’kin. Ano bang kasalanan ko sa inyo?” tanong niya.

“Wala naman,” mataray na wika ni Mara sabay taas ng kaliwang kilay. “Siguro kasalanan lang talaga ang maging pangit,” nang-iinsultong dugtong pa nito.

Punong-puno na si Jillian at mukhang hindi na niya kayang tantiyahin ang babae. Kung noon ay hinahayaan lang niyang asar-asarin siya nito kasama ang mga tropa nito’y mukhang hindi na niya iyon magagawa ngayon.

“Alam mo Mara, aanhin mo ang kaputian at kagandahan kong bulok naman ang ugaling mayroon ka,” matapang na wika ni Jillian. “Hindi porket maitim ang balat ay madumi na. Ikaw nga ang puti-puti mo pero ang itim naman ng budhi mo! Ang kitid pa ng utak mo,” dugtong pa ni Jillian.

“Anong sinabi mo–” akmang sasampalin siya ni Mara ng agad niyang nailagan.

“Bago mo sana pinaganda ang mukha mo at pinaputi ang balat mo. Sana inuna mo muna ‘yang pag-uugali mo, Mara. Alam mo bang ang ganda kumukupas at nawawala, pero ‘yong mabuting kalooban habang buhay ‘yon. Sana ‘yon muna ang inuna mo, hindi ‘yong alaskador ka na nga’y napaka-pakialamera mo pa. Akala mo naman original ‘yang ganda mo. Salamat doc lang naman,” mahabang wika ni Jillian sabay ngiting tabingi sa nanggigigil na si Mara.

Alam niyang napahiya niya ang babae. Mas okay din iyon para maramdaman naman nito kung ano ang pakiramdam ng pinapahiya. Alam niyang hindi siya titigilan ng mga tropa nitong sina Bella at Anna, pero sinisiguro ni Jillian na simula ngayon ay haharapin na niya ang mga ito at lalabanan. Paano niya maipagtatanggol si Jenny kung siya mismo sa sarili niya’y hindi niya magawang harapin ang mga taong malakas mang-asar sa kulay niya.

Dito sa Pilipinas, nakasanayan nang gawing batayan ang kulay ng kutis ng isang tao. Kapag maputi ka’y karapat-dapat kang irespeto, hangaan at tratuhin ng maayos. Ngunit kapag maitim ka’y animo hindi ka na tao kung ituring ng iba. Kaya nga best-seller dito sa’tin ang mga produktong nagpapaputi ng balat. Kapag maitim ka kasi ay ginagawa ka nilang katatawanan, hindi nila napapansin na kulay mo lang ang naiba sa kanila, pero pare-pareho tayong taong nasasaktan.

Advertisement