“Inut*l! Lumayas ka na rin sa harap ko!” dinig na dinig sa malawak na sala ng magarang mansyon ang dagundong ng boses ni Don Consuelo.
“Kahit itakwil mo pa ako, ipaglalaban ko ang pagmamahalan namin ni Diane. Ayokong maging miserable katulad ni papa na hanggang pagpanaw ay parang tuta kakasunod sa inyo!” puno ng hinanakit ang tinig sa sagot ng pinakabatang apo na si Renzo. Ilang beses na nitong hiningi ang blessing ng lolo para sa kasal nila ng kaniyang nobya ngunit tutol ito doon sapagkat ‘ika nito, “aanhin mo ang babaeng iskwater na iyon? Itapon mo siya dahil hindi natin siya mapakikinabangan sa negosyo.” Nasaktan siya dahil wala man lang itong konsiderasyon sa damdamin niya.
“Tama lang ang ginawa ng ama mo. Wala kang makukuhang kahit singkong mana mula sa akin kung hindi ka susunod!” pinal na sabi ng Don at saka itinalikod na ang kaniyang wheelchair sa apo. Napatigil siya nang muli itong magsalita.
“Inyo na ho ang kayamanan niyo! Sana ay higit ka niyang mapasaya kaysa sa amin nila ate at kuya, lahat kami na iniwan ka na dahil sa kasakiman mo,” malamig na sabi ng binata at saka walang lingon-likod na nilisan ang mansyon.
Naiwan naman ang Don na nag-iisa na lang sa malaking bahay na iyon. Tanging kasama niya ay mga kasambahay na hindi rin lalapit sa kaniya kung hindi niya tatawagin. Mapagmataas pa rin ang matanda dahil katwiran niya, babalik din ang mga apo kapag napagtanto na ng mga ito na mahirap ang buhay. Pero kahit humingi ng tawad ang mga ito ay hinding-hindi niya tatanggapin iyon at ipapamukha sa mga ito ang mga pagkakamali nila.
Nag-aalangan na lumapit sa kaniya ang personal na tagapag-alaga na si Betoy. Driver niya talaga ito ngunit ngayong nagresign na ang kaniyang dating alalay dahil sa sama ng loob sa Don at wala pang nahahanap na kapalit, ay ito muna ang tumitingin sa kaniya.
“Oh siya, Betoy. Halika’t ihatid mo ‘ko sa casino. Kailangan kong magpalipas ng init ng ulo. Bilis!” iritableng utos ng Don na hindi man lang napansin ang pangingimi ng driver.
“Eh… Don Consuelo? Ano, m-meron ho sana akong ipakikiusap sa inyo eh. Yung asawa ko po kasi n-nasa ospital, maari ho bang–” Pinutol ng Don ang sinasabi ng alalay sa pamamagitan ng iritableng kumpas ng kaniyang kamay.
“Betoy, wala na akong pakialam diyan! Ano’t nakikisabay ka pa sa init ng ulo ko ha?! Inutil! Bilisan mo’t ihanda na ang kotse!”
Laglag ang balikat at mangiyak-ngiyak si Betoy na walang nagawa kung hindi sumunod na lamang sa Don. Habang nasa biyahe ay hindi niya alam paano muling kakausapin ang Don. Kailangang-kailangan na niya kasing makabale dito upang masimulan na ang operasyon ng asawa.
Naputol ang kaniyang sasabihin ng tunog ng kaniyang cellphone. Sinagot niya kaagad iyon at dahil sa taranta ay nadiinan niya ang preno na naging dahilan upang paulanan siya ng mura ng Don.
“Pasensya na ho Don Consuelo, kailangan daw pong mailipat ng ospital ang asawa ko ngayon na. Maaari ho bang hiramin ko ang sasakyan ninyo? Parang-awa niyo na po, dahil nasa bingit ang kaniyang buhay…”
Imbes na makisimpatya sa sitwasyon niya ay lalong nagalit ang Don.
“Magitigil ka, Betoy! Anong akala mo sa kotse ko, ambulansya?!” Pagkarinig dito ay agad na nagpanting ang tainga ni Betoy.
“Kaya ho iniiwan kayo ng lahat dahil sa magaspang niyong ugali. Si Ma’am Ana ay pinili ang pangarap niya, si Sir Ruben na kahit lumuha ng dugo ay hindi niyo pa rin pinatawad, pati si Sir Renzo na pag-ibig lang ang iniuungot sa inyo ay hindi niyo pa pinagbigyan! Sinasabi ko ho ito dahil ayokong magsisisi kayo sa huli. Alam kong hindi niyo ako mapapatawad ngunit pasensya na po, mas mahalaga ang asawa ko kaysa sa inyo,” anito saka iniwan mag-isa sa kotse ang matanda.
Hindi agad nakahuma ang Don dahil sa sinabi ni Betoy. Naniniwala siyang hindi siya ang iniwan bagkus siya ang nagpaalis sa mga ito. Bakit siya magsisisi? Tama lang siya. Gayunpaman ay matinding lungkot ang lumukob sa puso ng matanda. Nang mga oras na iyon ay biglang sumikip ang kaniyang dibdib at umigtong ang paghinga. Agad niyang inilabas ang cellphone upang humingi ng tulong ngunit wala pala halos laman ang kaniyang contacts kundi numero ng mga kasosyo sa negosyo. Binura na niya ang numero ng kaniyang mga apo at kamag-anak na itinakwil na niya sa buhay niya. Isa lang ang numerong saulo niya kaya nilunok niya ang pride at nag-dial bago pa siya tuluyang mawalan ng ulirat.
Nagising ang Don dahil sa boses na nagtatalo. Hindi niya muna idinilat ang mga mata dahil narinig niyang tinig iyon ng kaniyang mga apo.
“Pasalamat nga tayo at rumesponde agad si Mang Betoy kahit na mahirap din ang sitwasyon niya sa kaniyang asawa eh…” marahang sabi ni Ana at pinisil ang kaniyang kamay.
“Matagal na niya tayong itinakwil kaya wala na akong pakialam ano man ang mangyari sa matandang iyan,” narinig niyang sabi ni Ruben sa isang matigas na tinig.
“Ako din ‘no, bakit mo ba kasi ako pinilit pumunta babe? Hindi mo ba alam kung anong pinagsasabi ng matandang ‘yan tungkol sa relasyon natin?” galit na sabi ni Renzo hula ng Don ay sa kasama nitong kasintahan.
“Babe, anuman ang mangyari ay lolo mo pa rin siya. Alam kong sa loob loob mo ay labis ka ring nag-aalala sa kaniya,” wika ng hindi pamilyar na tinig sa kaniya. Dahil sa bugso ng damdamin ay bigla na lamang napaluha ang Don.
Nagulat ang lahat nang malamang gising pala ito at naririnig sila. Mas lalo silang nagulat sa ginawa ng Don na ni minsan ay hindi nila inaaasahang masasaksihan. Lumuha ito at nanghingi ng tawad.
“Patawad mga apo ko. Naging sakim at makasarili ako. Dapat lang sa akin ang nangyari ngunit nagpapasalamat ako sa Diyos na binigyan niya pa ako ng isa pang pagkakataon upang humingi ng tawad sa inyo. Maiiintindihan ko kung ipagdamot niyo iyon sa akin katulad ng ginawa ko, ngunit hanggat may buhay ako ay susuportahan ko kayo upang maipakitang nagsisisi na ko,” sabi nito habang lumuluha.
Lumambot naman ang puso ng tatlong magkakapatid at nilapitan ang Don. Niyakap nila ito, senyales na iyon lang ang hinihintay nila upang mapatawad ang lolo. Kahit pa minsan silang tumalikod sa isa’t-isa ay hindi na iyon mahalaga. Ang importante ngayon ay pagtanggap at pagpapatawad upang sa wakas ay mabuo ang pamilyang nagkawatak-watak dahil sa galit.