
Nakaligtaang Pagkakataon
Ilang oras na lang at sasapit na ang pinaka-masayang araw na pinakahihintay ng lahat sa buong taon, ang pasko.
Nakahanda na ang lahat sa pagsasaya! Lahat ay nag-aabang sa orasan at hinihintay ang unti-unting pagsapit ng kaarawan ng ating pinakamamahal na Diyos.
Ilang segundo na lang at papatak na ang alas-dose, nakahanda nang sumigaw at tumalon sa kagalakan si Armie kasama ang kaniyang mga kaibigan na kasama niyang naninirahan sa Maynila upang magtrabaho. Matagal na silang magkakaibigan at pamilya na ang turingan sa isa’t-isa. Iisa lamang sila ng probinsyang pinanggalingan at naging kaagapay nila ang isa’t-isa sa lahat ng problema at pagsubok na hinarap sa kanilang pagluwas sa Maynila sa kagustuhang magkaroon at magbigyan ng mas maginhawang buhay ang kanilang mga pamilya.
Bago pa pumatak ang alas-dose ay biglang may nagtext kay Armie na nagpawala sa mga ngiti sa labi ng dalaga. Lahat ng kagalakan at kasabikan sa pasko ay nawala at tila ba nawalan ng halaga ang pinaka-paborito niyang okasyon sa buong taon.
Habang nagtatatalon sa tuwa at galak ang kaniyang mga kaibigan ay nakatingin lamang si Armie sa kawalan at nabitawan ang kaniyang cellphone na kani-kanina lang ay hawak ng dalaga. Hindi siya makapaniwala sa nabasa sa text na kaniyang natanggap mula sa kapatid.
“Armie? Beshy, okay ka lang ba?” tanong ni Rica sa dalaga nang napansin nito ang kakaibang kinikilos ng kaibigan.
Ilang segundong tiningnan lang ni Armie si Rica. Hindi pa rin talaga siya makapaniwala sa kaniyang nabasa. Tila ba ayaw tanggapin ng kaniyang buong pagkatao ang nalaman.
Dahan-dahan siyang lumapit sa kaibigang si Rica at wala sa sarili na sinabing, “Beshy, saktan mo nga ako. Saktan mo ako ng malakas.”
“Ha? Nababaliw ka na ba, beshy? Hindi ka pa nga nakakainom ng alak niyan ha!” hindi alam ni Rica kung matatawa o mag-aalala sa inaasta ng kaibigan.
“Sige na, please…” halos pabulong na pagmamakaawa ni Armie. Nagkatinginan naman ang magkakaibigan. Wala silang ideya kung ano ang nangyari kay Armie.
Hahawakan na sana ni Joseph ang dalaga nang bigla na lamang itong humagulgol ng iyak.
Makalipas ang ilang oras ay napatahan din nila si Armie. Napag-alaman nilang nasa ospital pala ang ama ni Armie at nag-aagaw buhay. Nawalan na daw ito ng heartbeat kaya nagpanic ang kapatid ni Armie at hindi na napigilang sabihin sa kaniyang ate ang kalagayan ng kanilang ama.
Hindi maganda ang relasyon ni Armie sa kaniyang ama. Ito kasi ang sinisisi ni Armie kung bakit kinailangan nilang maranasan ang lahat ng hirap sa buhay at kung bakit pati sila ay iniwan ng kanyang ina noong sila ay mga bata pa. Ito ang dahilan kung bakit malayo ang loob ng dalaga sa kaniyang ama at nagtanim ito ng hinanakit sa lalaki.
“Ano ba kasi talaga ang nangyari, Armie? Anong kalagayan ni tito?” malumanay na tanong ni Joseph sa dalaga. Mamasa-masa pa ang mata at halatang wala pa masyado sa kanyang sarili si Armie.
“Hindi ko pa alam. Ang alam ko lang ay tatlong beses siyang ni-revive ng mga doctor at kasalukuyang nakaratay pa sa ospital ngayon at walang malay,” nagsimula na namang magpa-unahan ang mga luha ni Armie, “wala man lang akong kaalam-alam sa nangyayari sa kanya.”
Hindi alam ng mga kaibigan ng dalaga kung paano papagaanin ang loob ng kaibigan kaya niyakap na lamang nila ito at hindi iniwan. Sinamahan nila si Armie sa buong magdamag na pag-iyak nito.
Agad din nilang ginawan ng paraan upang makauwi agad ang dalaga sa lalong madaling panahon sa kanilang probinsya upang makita ni Armie ang kaniyang ama. Mabuti na lamang din at napayagan naman ang dalaga na mag-leave sa trabaho.
“Oh, Diyos ko, gagawin ko po ang lahat, hayaan niyo lang po akong makasama pa ang aking ama kahit kaunting panahon lamang po. Parang awa Niyo na,” paulit-ulit na panalangin ni Armie. ‘Di mapigilan ng dalaga na lumuha habang nanariwa sa kaniyang alaala ang mga panahong sinayang niya na kasama ang ama. Labis na pinagsisisihan niya na mas pinairal niya ang galit sa puso niya.
“Kasalanan mo ang lahat! Hinding-hindi kita mapapatawad kahit kailan!” puno ng suklam na sigaw niya sa ama isang beses na sobrang nainis siya rito.
“Huwag kang mag-alala, hindi ko pababayaan ang mga kapatid. Hindi ko sila iiwan gaya ng ginawa niyo sa’min ni mama,” madiin niyang pahayag sa ama ilang buwan bago siya nagtapos ng kolehiyo at lumuwas ng Maynila upang maghanap ng trabaho kasama ang kaniyang mga kaibigan.
Habang isa-isang nanunumbalik sa kaniyang isipan ang lahat ng alaala niya kasama ang ama ay hindi niya na napigilang humagulgol sa iyak sapagkat napagtanto niya na hindi naman talaga masamang tao ang kaniyang ama. Sadyang sinarado niya lamang talaga ang kanyang puso sa lalaki dahil sa sakit na kaniyang naramdaman ng iwan sila ng ina.
Siguro dahil na rin sa bata pa siya noon at hindi niya pa masyadong naiintindihan ang mga bagay-bagay at mas madali para sa kanya na isisi na lamang sa ama ang lahat, na naging dahilan ng tuluyang paglayo ng kaniyang loob sa ama.
“Patawarin mo ako, anak. Naging duwag at makasarili ang papa. Patawarin mo ako. Hayaan mo man lang sana akong patunayan sa inyo ng iyong mga kapatid na kaya ko kayong buhayin at mahalin kahit ako na lang ang nandito sa tabi niyo. Buksan mo naman ang puso mo sa akin anak,” yun ang huling mga salitang narinig ni Armie mula sa kanyang ama. Iyon ang huli din nilang pag-uusap. Mag-iisang taon na simula ng umalis siya sa probinsya at simula nun ay hindi pa sila nagkaka-usap pang muli.
Bumalik sa kasalukuyan ang isip ni Armie ng lumapag na ang eroplanong sinasakyan. Sa wakas, nakarating na din siya sa Cebu. Halos takbuhin niya ang ospital na kinaroroonan ng kaniyang ama.
Hindi alam ni Armie pero sa bawat hakbang niya ay alam niyang napakahalagang oras ang nasasayang.
“Please, Diyos ko, hayaan niyong umabot ako,” paulit-ulit niyang panalangin sa isip niya.
“Ate!” sigaw ng mga kapatid niya ng makita siya. Nagtakbuhan ang dalawang nakababata niyang kapatid at niyakap siya ng mahigpit. Nakita niya ang mga doctor na nagsitakbuhan sa kwarto na kinaroroonan ng kanilang ama.
Hindi niya pinansin ang dalawang kapatid at sumunod sa mga doctor. Sinubukan siyang paalisin ng nurse ngunit wala itong nagawa dahil sadyang nagpumilit ang dalaga.
“One, two, three… charge!” sigaw ng doctor habang paulit-ulit na pilit ni-rerevive ang wala nang buhay niyang ama.
“No! No! No! Please! Pa! Pa! Papa! Gumising ka!” sigaw ni Armie sa wala ng buhay na ama habang walang tigil ng iyak.
Lalapit pa sana si Armie ngunit natigilan siya ng tumigil na ang doctor sa ginagawa at marahang umiling, “Time of de*ath, 10:47 am.”
Kasabay ng iling ng doctor ang pagtigil ng mundo ni Armie sa mga oras na ‘yun. Wala nang nagawa ang dalaga kundi ang umiyak at magsisi sa lahat ng pagkakataon at panahong kaniyang sinayang na dapat sana ay masaya sila ng kaniyang ama. Kung sana ay mas nagising siya ng maaga, sana nagkaroon pa sila ng panahon maging masaya kasama ang ama.
Hindi maiiwasan sa ating buhay na magkaroon tayo ng sama ng loob sa ating mga magulang. Sa bawat desisyon nila ay apektado tayo. Ang bawat mali nilang desisyon ay para bang malalaking sugat sa ating puso. Ngunit sana, ay huwag nating kakalimutan na gaya natin, mga tawo lamang din ang ating mga magulang. Hindi sila perpekto, tulad natin, nagkakamali rin sila at nadadapa rin.
Ngunit anumang pagkakamali ang magawa nila, sa huli, magulang pa rin natin sila at sila lamang ang may tunay at wagas na magmamahal sa’tin magpakailanman.