Ilang taon na ang nakararaan nang ang mag-asawang Myrna at Ricky ay naghihikahos na maitawid ang kanilang pang araw-araw na pangangailangan at kakanin. Dala ng bugso ng damdamin, pinili ng dalawa na sundin ang kanilang mga puso at magtanan. Hindi na alintana ang kahaharaping pagsubok, basta’t maipaglaban lamang nila ang pag-ibig para sa isa’t isa.
Noong una’y naging masaya sila sa kanilang ginawang pagsasama, hanggang dumating nga ang araw na pumasok na ang malalaking problema. Nagtrabaho si Ricky bilang waiter sa isang restawran at kahera naman si Myrna sa isang supermarket. Nagdalantao ang babae, ngunit naging maselan ang kaniyang kalagayan. Kaya’t kinailangan ni Ricky na magdoble-kayod para sa kaniyang binubuong pamilya.
“Pasensiya ka na ha? Pangako, kapag gumanda ang pakiramdam ko, tutulong ako upang makahanap ng pagkakakitaan,” mahinang sambit ni Myrna.
“A-ayos lamang. Huwag ka nang mag-alala pa, ako na ang bahala. Basta magpalakas ka lamang at magpagaling,” tugon naman ni Ricky sa asawa. Pinilit niyang ipakita na ayos lamang ang lahat at walang problema, pero sa likod ng kanyang isipan, nagkukubli ang katotohanang hindi sapat ang kaniyang kinikita upang mapunan ang kanilang lahat na pangangailangan.
Isang umaga noon, habang nasa trabaho si Ricky, nakatanggap siya ng tawag mula sa isang kapitbahay, dala-dala ang masamang balita tungkol sa kanyang asawa.
“Ricky, Diyos ko po! Pumunta ka sa ospital ngayon din! Ang asawa mo nawalan ng malay at du*guan!” Natatarantang sabi ng babae sa telepono.
Bahagyang natulala si Ricky na tila ba nanigas ang buong katawan mula sa kanyang kinatatayuan. Ilang saglit pa ay agad siyang nagpaalam sa kanyang amo at dali-daling nagtungo sa ospital.
Nadatnan niyang nakahiga ang kanyang asawa sa Emergency room at wala pa ring malay.
“Dok, ano po ang nangyari? Ayos lamang po ba ang asawa ko?” tanong ng lalaki sa doktora na nagtuturok sa swero ng kanyang asawa.
Huminga ng malalim ang doktor at saka bumaling ng tingin sa kanya, “Pasensiya na po kayo mister… Ginawa po namin ang lahat, subalit mahina ang kapit ng bata kaya nakunan po ang inyong asawa…” malungkot na tugon ng doktora.
Pumatak lamang ang mga luha mula sa mata ng lalaki at nagtungo sa lugar kung saan nagpapahinga ang kaniyang misis. Bahagya niyang hinalikan ang noo ng asawa at saka hinawakan ang mga kamay. Napakalungkot na pangyayari sa kanilang buhay, na ang unang supling nila ay hindi man lang nasilayan ang ganda ng mundo.
Hindi naging maganda ang epekto ng pangyayaring iyon kay Myrna. Madalas siyang tulala at umiiyak. Nawalan rin siya ng ganang mabuhay, pati na ang kanyang relasyon sa asawa’y nanamlay na rin. Tila ba nawalan na rin ng pakialam ang lalaki sa kanya dahil sa mapait na pangyayaring iyon. Hindi rin nito naibigay ang suporta na kinakailangan ng asawa sa mga panahong kailangan siya nito.
Hanggang sa isang araw, tila isang malaking pagbabago ang dumating sa buhay ni Myrna. Pinilit niyang ibangon ang sarili mula sa kinalulugmukang kalungkutan at lakas-loob na tumayo mula sa mapait na sitwasyong iyon.
“Nawalan na ako ng anak… nawawalan na rin ng asawa… mas lalong hindi pwedeng mawala ko ang sarili ko,” bulong ng babae sa kanyang sarili na may haplos ng lakas galing sa kaibuturan ng kanyang puso.
Sinimulan ni Myrna gumawa ng mga kakanin na kaniyang ibinenta sa mga kapitbahay. Dahil sa taglay na galing sa pagluluto, dumami ang kanyang mga kostumer. Hanggang sa nakakuha siya ng puwesto sa palengke at doon nagsimula ang malaking pagbabago sa kanilang buhay.
Lumipas ang isa, dalawa, tatlo hanggang walong taon na pagbebenta, napalago ni Myrna ang kaniyang negosyo. Tumigil na noon ang kanyang asawa sa pagtratrabaho at nagtayo ng sariling kompanya gamit ang perang naipon ng babae.
Buong suporta naman si Myrna sa plano ng asawa. Hanggang sa nagkaroon sila ng mga restawran at catering business. Magmula noon, si Ricky na ang humawak ng mga negosyo. Naging maayos ang takbo ng kanilang relasyon hanggang sa tuluyan nang nilamon ng salapi ang lalaki. Isang problemang kahaharapin na naman ng mag-asawa.
Sa lumipas na mga buwan ay ginagabi ng uwi si Ricky na siya namang ipinag-alala ni Myrna. Kaya’t isang hapon ay minabuti niyang puntahan ang asawa upang ipagdala ng paborito nitong kare-kare sa kanilang opisina. Imbes na ang lalaki at masurpresa, tila ba si Myrna pa ang labis na nagulat sa nakita.
“A-anong ibig sabihin nito?” mangiyak-ngiyak na tanong ni Myrna, habang tinitingnan si Ricky at ang sekretarya nitong si Diana na magkakandong at naghahalikan.
“M-Myrna…” mahinang bulong ng lalaki.
“Oh sabihin mo na sa kanya, Ricky, ang plano natin. Matagal na panahon na rin naman natin iniisip iyon ‘di ba?” mataray na saad naman ng haliparot na si Diana.
“Ang ano? Anong mayroon? Bakit kayo magkakandong at naghahalikan?!” naguguluhang tanong pa rin ng babae.
“Myrna kasi… gusto ko na sana makipaghiwalay at makisama na kay Diana. Hindi naman tayo kasal at wala rin naman tayong anak, at hinding-hindi na tayo magkakaanak dahil sa naging problema bahay-bata mo ‘di ba?” nauutal na paliwanag ng lalaki.
“Pero paano ako? Paano tayo? Ako ang naging katuwang mo sa pagbuo ng lahat ng ito. Tapos iiwanan mo lamang ako basta? Wala lang ba ako sa’yo?” lumuluhang tanong naman ni Myrna.
“Mas sariwa si Diana, mas napupunan niya ang mga pangangailangan ko at higit sa lahat mabibigyan niya ako ng anak. Ikaw kasi Myrna at nagkakaedad na at hindi na ako naliligayahan pa sa’yo. Kung nais mo, babayaran na lang kita ng malaki at magpakalay-layo ka na!” mungkahi naman ni Ricky.
Para bang nawasak ang buong katauhan ni Myrna sa pang-iinsultong narinig. Pinunasan niya ang mga luha at saka nagpagpag ng damit.
“Hindi ko kailangan ng pera mo. Aalis na lamang ako. Sana ay maging maligaya kayo…” walang emosyong pahayag ng babae.
“Bye!” sigaw naman ni Diana habang pinipilantik ang mga daliri kasunod ng nakakainsultong tawa.
Nagpakasaya si Ricky kapiling ang bagong kinakasama. Para siyang aso na sunod nang sunod sa naisin ng dalaga. Kung anong matipuhang bilhin ay agad niyang ibinibigay, kahit na gaano kamahal o kataas man ang presyo nito.
Naging maluho ang kanilang pamumuhay, lalo na si Diana na lagi na lamang nakakura ang kamay upang humingi ng pera sa lalaki. Hanggang sa dumating ang araw na wala nang maibigay si Ricky. Bumagsak ang kanyang mga negosyo at naubos ang kanyang pera sa luho ng babae. Doon lamang niya napagtanto na ang tunay na swerte ng kanyang negosyo ay ang masipag at matiyaga niyang asawa noon.
“Ayoko na, Ricky. Hindi na ako masaya. Hindi mo na nga mapunan ang pamumuhay na gusto ko eh, tapos nais mo pang manatili akong naghihirap kasama ka?” mataray na sigaw ni Diana sa lalaki.
“P-pero…” ang tanging tugon na lamang ni Ricky habang napapailing sa nangyayari.
At ganoon na lamang siyang iniwan ni Diana. Matapos maubos ang pera at bumagsak ang negosyo ay naiwan siyang mag-isa. Buong pagsisisi niyang naisip ang dating asawa na naging katuwang niya sa hirap at ginhawa.
Makalipas ang halos sampung taon habang nasa parking lot ng isang mall ay may pamilyar na mukhang nakita si Ricky na papasok sa tila mamahaling kotse.
“M-Myrna? Ikaw ba iyan?” namamanghang tanong ng lalaki habang nakatingin sa sosyaling babae na nakasuot ng magandang bestida, mga nagkikintabang alahas at mamahaling sapatos at bag.
“Ricky? Anong nangyari sa’yo?” ‘di makapaniwalang tanong naman ng babae habang tinitignan ang lalaking kaharap na butas-butas ang t-shirt at sira ang pantalon na suot, pati na ang luma at nanlilimahid na sapatos nito.
“Bumagsak kasi ang negosyo ko eh. Tapos iniwan ako ni Diana, dahil naubos ang yaman ko. Pero ikaw mukha nang big time ah?” nakangiting sabi ng lalaki. “Alam ko malaki ang kasalanan ko sa’yo noon, pero baka may pag-asang maging tayo ulit, Myrna? Ibalik natin ang dati…” pagbabakasakali pa nito.
Natawa nang bahagya ang babae at mula sa kaniyang mukha ay gumuhit ang isang mapait na ngiti. “Akala ko ba ay hindi na ako sariwa at hindi na ako ang gusto mong makasama? Ipinagpalit mo ang lahat ng mayroon tayo para sa panandaliang ligaya. Tapos ngayon babalik ka na parang wala lang ang lahat?
Pasensiya ka na, Ricky… pero hindi ko hahayaang mapaso ako ng magkaparehong apoy na sumunog sa akin noon. Mula sa wala, iginapang ko ang sarili upang makarating sa estado ko ngayon. Hindi ako nagmamalaki, pero salamat sa ginawa mo noon dahil mas gumanda ang buhay ko. Isa na akong matagumpay na negosiyante. Mas naging kompleto na rin ako ngayon bilang tao…” naluluhang pahayag ng babae.
Maya-maya pa’y may batang babae na bumaba mula sa sasakyan kung saan papasok sana kanina si Myrna. “Tara na po mommy! Kanina pa po nag-iintay si daddy eh,” nakangiting pag-aaya ng bata na tila nasa edad lima.
“Anak ko pala. Nakapag-asawa kasi ako ng isang tapat at masipag na lalaki, taon na rin ang nakalipas. Pinag-aral niya ako at inalagaan. Sa katunayan nagdiriwang kami ng anniversary ngayon. O siya, mauna na ako ha? Pasensiya ka na sa nangyari sa buhay mo. Dalangin kong maging maayos ka sana,” pagpapaalam ni Myrna kay Ricky at saka pumasok sa loob ng sasakyan.
Naiwan lamang na nakanganga si Ricky sa parking lot at labis na pagsisisi ang nadarama niya sa mga nakita. Ipinagpalit niya ang kanyang tunay na yaman para sa batong ipinangpukpok lamang sa ulo niya. Sinayang niya ang diyamante habang binibigyan ng atensyon ang isang walang halagang bato.
Madalas nakikita lamang natin ang tunay na halaga ng isang tao kapag wala na sila sa buhay natin. Sana ay matutunan nating pahalagahan ang mga taong nagmamahal sa atin ng lubos at huwag silang gamitin para sa pansariling interes lamang, dahil sa pag-ikot ng gulong ng buhay, baka bumalik din sa atin ang mga maling gawaing ating ginawa sa kanila.