Inday TrendingInday Trending
Sa Hirap o Ginhawa

Sa Hirap o Ginhawa

Hindi na magkandaugaga si Rebecca sa pagpapaligo ng dalawa sa kaniyang apat na anak. Hirap man kumilos ‘pagkat dalawang buwan na lamang din ay kabuwanan na ng kanyang pinagbubuntis. Kahit dama na ang pagod ay hindi niya ito alintana. Dahil higit kailan pa man ay ngayon siya kailangan ng kaniyang pamilya.

Nabaldado kasi ang kaniyang asawang si Nestor dahil pinilit nyang iligtas ang isang ginoong bulag na patawid noon sa kalsada. Dahil sa pangyayari ay napuruhan ang gulugod nito at naparalisa ang katawan. Kinakailangan nila ng malaking halaga upang mapaopera ito at muli siyang makalakad.

Habang mabilis na tinutuyo ni Rebecca ang mga bata mula sa paliligo ay siyang dating ng kanyang inang si Aling Mercedes. Ang ginang lamang kasi ang kaya niyang pag-iwanan ng kaniyang mga anak.

“Nay, buti na lamang po at dumating na kayo. Mapapagalitan na ako ng amo ko at tanghali na akong makakapagbukas ng pwesto sa palengke,” nangangarag na wika ni Rebecca.

“Buti nga at nagpunta pa ako dito, ano? Kung ikaw naman kasi Rebecca, iniiwanan mo na yang asawa mo, e ‘di sana ay hindi ka todo kung kumayod. Kaya naman ng inaani niyong gulay ang mabuhay kayo ng mga bata,” yamot ni Aling Mercedes.

“Nay, puwede ba? Baka marining kayo ni Nestor! Hinding-hindi ko ho iiwan ang asawa ko lalo na sa kalagayan n’ya ngayon,” tugon ni Rebecca.

“Tingnan mo nga buntis ka na, kayod kalabaw ka pa rin. Ibalik mo na kasi ‘yang asawa mo sa kanila at sila na ang maghirap sa pag-aalaga,” sulsol pa ng ina.

“Nagbibigay naman din sila ng tulong kahit papaano kaso hindi ko naman din sila maubliga sapagkat sapat lamang din naman ang kinikita ng pamilya ni Nestor. At saka matatanda na ang mga magulang niya. Basta ‘nay, hindi ko iiwan ang asawa ko,” giit ni Rebecca sabay halik sa mga bata at saka umalis upang magtungo sa palengke.

Kahit na pinag-uusapan na rin siya ng mga kapitbahay sa kung gaano siya naging martir ay wala siyang pakialam. Buo ang kaniyang loob na iraos ang kaniyang pamilya mula sa pagsubok na ito.

Gabi na at nagmamadali nang umuwi si Rebecca upang sa gayon ay makauwi na rin ang kaniyang ina. Pagkarating niya sa bahay ay agad niyang inasikaso ang kaniyang mga anak. Mabuti na lamang at napatulog na ng kaniyang ina ang dalawang nakatatandang anak nito.

Bago umalis si Aling Mercedes ay muli na naman niyang kinausap ang kanyang anak ukol sa pagbabalik ni Nestor sa kanyang pamilya.

“Kahit gilingin mo pa ang buto mo sa pagtatrabaho ay hindi pa rin sasapat para sa lahat ng pangangailangan n’yo. Tingnan mo ang sarili mo! Aba’y malapit na ang kabuwanan mo. Pati ako ay naaabala na rin. Ibalik mo na ang asawa mo sa pamilya nila upang sila naman ang maghirap sa pag-aalaga. Wala ng pag-asa pa ‘yang asawa mo! Isama mo na rin ang dalawa mong anak na mga nag-aaral para hindi mo na rin iniintindi pa ang iba pa nilang gastusin sa eskwela. Iwan mo rito itong dalawang maliit. Tumigil ka na sa pagtatrabaho sa palengke at pagkasyahin mo na lang ang kinikita ng mga inaani niyo,” pagsesermon ng ginang.

“Kahit kailan, ‘nay, ay hindi n’yo ako maiintindihan. Kahit mahirapan ako, ako ang tatayong haligi sa tahanan namin ngayon. Kailangan ako ng asawa ko. Hindi nagkulang sa amin si Nestor noong malakas pa siya. Kung hindi po bukal ang tulong na ginagawa ninyo sa amin ay isasama ko na lang po ang dalawang bata sa palengke. Mahal ko ang asawa ko, ‘nay. Tutuparin ko ang sinumpaan ko sa altar na makasama siya sa hirap at sa ginhawa,” naluluhang paliwanag ni Rebecca.

Nang makaalis na ang kanyang ina ay dali-dali na niyang pinunasan ang mga luhang tumulo sa kanyang pisngi. Nagtungo siya sa silid kung saan nakaratay ang kaniyang asawa at isang malaking ngiti ang kanyang isinalubong dito. Pinakain niya si Nestor at saka niya painainom ng gamot. Pagkatapos ay nilinisan niya ito at saka hinilot ang mga binti at braso.

Dahan-dahan siyang hinawakan ni Nestor. “Mahal, tama na. Alam kong pagod ka na,” wika ng mister. “Ano ba ang sinasabi mo dyan, mahal? Ayos lang ako. Sandali na lang naman itong pagmamasahe ko sa’yo at mamaya ay matutulog na rin ako,” nakangiting saad ni Rebecca.

“Hindi iyon ang ibig kong sabihin, mahal,” wika ni Nestor. “Alam kong malaking pabigat na ako sa’yo. Tama ang nanay mo, ibalik mo na lang ako sa mga magulang ko at sa kanila ipaalaga. Hindi ko na maaatim na maupos ka ng dahil lang sa akin. Ayokong maging pasanin mo habang buhay,” giit ng ginoo.

“Tumigil ka nga d’yan sa mga sinasabi mo. Anong habang buhay? Nadinig mo naman ang doktor ‘di ba? Kailangan lang natin ng sapat na pera at maooperahan ka pa. Kakayanin mong magbalik sa dati. Ako ang mag-aalaga sa’yo dahil asawa mo ako at mahal kita. Hindi kita susukuan, mahal. Kaya sana ‘wag ka ring sumuko,” hindi na napigilan pa ni Rebecca ang umiyak sabay yakap ng mahigpit sa kanyang asawa.

Malalim na ang gabi at hindi pa rin makatulog si Rebecca. Ito lamang kasi ang pagkakataon upang pag-isipan niya ang lahat ng nangyayari sa kanila at kung ano pang mga kailangan niyang gawin upang maisaayos ang lahat. Ngunit kahit anong isip niya ay alam niyang mahirap makuha ang perang kinakailangan upang mapa-opera ang kanyang asawa.

Wala na siyang nagawa pa kundi manalangin na lamang. Ipinagpasa-Diyos niya ang lahat ng hirap na kanilang nararanasan. At kahit anong hirap pa ay hindi niya kinuwestiyon ang Panginoon bagkus ay humingi siya ng dagdag na kalakasan upang sa gayon ay maharap niya ang pagsubok ng matiwasay.

Hindi binigo si Rebecca ng Panginoon. Isang umaga ay nagulat na lamang sila sa isang katok na walang humpay sa pintuan ng kanilang bahay. Dali-dali niya itong binuksan at nakita niya ang isang lalaking nakapostura.

“Magandang umaga, ginang! Dito po ba nakatira si Nestor?” bungad ng lalaki. “Ako po ay pinadala ng aking amo upang ihatid po ang pasasalamat niya,” dagdag pa nito.

Pinatuloy niya ang lalaki sa kanilang tahanan. Nagtungo sila sa silid kung nasaan nakahiga ang paralisadong si Nestor. Nang makita ng lalaki si Nestor ay agad siyang lumapit.

“Ginoo, matagal ko na po kayong hinahanap. Matagal na kayong nais makaharap ng aking amo. Nais niyang magpasalamat sa inyo ng personal,” wika ng lalaki.

“Amo? Magpasalamat? Bakit? Naguguluhan ako, hindi ko maintindihan ang mga sinasabi mo,” pagtataka ni Nestor.

“Ang amo ko po ang bulag na muntik nang masagasaan na tinulungan n’yo. Kung hindi dahil sa inyo ay malamang po ay wala na sa mundong ito ang amo ko. At dahil po d’yan ay nais niya kayong pasalamatan,” wika ng lalaki.

Hindi makapaniwala ang mag-asawa sa kanilang narinig. Kinabukasan ay agad nagtungo sa kanilang tahanan ang bulag na kanyang iniligtas. Mayaman pala ito at nagmamay-ari ng ilang negosyo. Kahit hindi niya makita ang kalagayan ngayon ni Nestor ay batid nito ang hirap na kinakaharap ng ginoo at ng kaniyang pamilya.

“Alam kong hindi sasapat ang kahit anong halaga sa kabutihan na iyong nagawa para sa akin,” saad ng bulag. “Pero tanggapin mo ang aking pasasalamat ng lubos. Nais ko sana na patingnan ka sa isang espesyalista, Nestor. Upang sa lalong madaling panahon ay maoperahan ka. Ako na rin ang sasagot sa pagpapaanak ng misis mong si Rebecca at pag-aaralin ko rin ang inyong mga anak,” dagdag pa ng ginoo.

Laking tuwa ng mag-asawa sa tinuran na ito ng mayamang bulag. Hindi nagtagal ay napaggamot na rin si Nestor at unti-unti nang bumubuti ang lagay nito dahil sa kaniyang therapy. Nakapanganak na rin ng matiwasay si Rebecca. Laking pasalamat ni Nestor sa hindi pagbitaw sa kaniya ng kaniyang asawa sa panahon na siya ay nakaratay.

“Mahal, hindi mo lang alam kung gaano ako nagpapasalamat sa Panginoon at ikaw ang ibinigay niya sa akin. Lalo kitang hinangaan at lalo kitang minamahal,” sambit ni Nestor habang nakatitig sa mata ng asawa.

“Maraming salamat sa Panginoon, mahal ko at unti-unti ka ng naibabalik sa dati mong kalakasan. Hindi binigo ng Diyos ang aking mga panalangin. Tandaan mo, mahal, na hindi natatapos sa hirap ang ating pagmamahalan. Sasamahan kita sa hirap o sa ginhawa, narito ako,” sambit ni Rebecca.

Isang matinding yakap ang tumapos sa lahat ng pighating naranasan ng mag-asawa.

Advertisement