Inday TrendingInday Trending
Ice Candy ni Manang

Ice Candy ni Manang

“O, paki-ingatan naman ‘yang painting! Galing pa ‘yan sa ibang bansa. Diyos ko, hindi niyo ‘yan kayang bayaran,” pasigaw na mando ni Maria sa dalawang lalaking nagbubuhat ng kaniyang gintong kabayong obra papasok sa kanilang bagong condo unit.

“Honey, this place is awesome. Just like me!” kinililig na sinabi ng babae sa kaniyang mister na si Dominic.

“All for you, honey!” nakangiting sagot naman ng lalaki.

Halos isang taon palang na magkakilala ang dalawa at mabilis na binigay ni Maria ang kaniyang palad upang magpakasal sa lalaki kahit nga sa messenger lamang sila nagkakilala. Bukod sa magandang pisikal na kaanyuan ni Dominic na una niyang kinahumalingan ay hindi rin maitanggi ni Maria sa kaniyang sarili na ito na ang lalaking makakapag-ahon sa kaniya sa rurok ng kahirapan. Foreign kasi ito at umuwi lamang para makapagpakasal silang dalawa. Bumalik din kaagad si Dominic sa France dahil nandoon ang kaniyang negosyo, nangako na lamang ito na ipi-petisyon siya kapag ayos na ang lahat ng kaniyang papeles. Matagal nang pangarap ni Maria na makapangasawa ng may ibang lahi na mayaman dahil pagod na siya sa kakatrabaho. Gusto na raw niyang mahiga na lamang sa pera.

“Ay, nasa condo kami pero bakit may nagtitinda ng ice candy sa katabing unit? Yuck, ang cheap!” isip-isip ni Maria nang mapansin niya ang nakapaskil sa katabi nilang pinto na karatula. Inikot na lamang niya ang kaniyang mga mata saka tinuloy ang malakas niyang pagmamando sa mga nagbubuhat ng kanilang gamit. Gusto kasi niyang ipangalandakan sa lahat na mayaman sila at dapat kainggitan.

Ilang linggo na ang nakakalipas at napapansin niyang maramimg bumibili ng ice candy sa katabi nilang pinto, panay kasi ang tunog ng doorbell nito.

“Makabili nga, nang mahusgahan kung masarap,” saad niya sa sarili sabay pindot ng doorbell sa kabilang pinto.

“Hello, bagong lipat ako rito. Katabing pinto niyo lang, pabili naman ng ice candy, ‘yung buko pandan,” maarteng sinambit iyon ni Maria sabay abot ng pera sa babaeng nagbukas ng pinto. Pinuno niya ng alahas ang kaniyang kamay bago siya lumabas kanina para naman masilaw kaagad ang sino mang tatanggap ng bayad niya.

“Okay po, ma’am,” sagot ng ale.

“Nakatira sa condo pero mukhang mahirap. Kaya siguro nagtitinda ‘to,” isip-isip ni Maria sabay ngiti at kinuha niya ang ice candy na tila ayaw madumihan ang kaniyang mga daliri saka siya pumasok sa kaniyang bahay.

“Masarap! Tutal, mukhang kailangan ng pera ni ale, lagi na akong bibili sa kaniya, nakakaawa naman!” pahayag niya sa sarili habang walang arte niyang nilamukos ang plastik ng ice candy.

Ilang buwan pa ang lumipas at unti-unti na niyang nakikilala ang kaniyang mga kapitbahay. Mabangong-mabango na rin ang pangalan niya sa lugar na isa sa pinakamayaman doon. Araw-araw rin siyang bumibili ng kung ano-anong pagkaing binebenta ng katabi niyang unit.

Hanggang isang araw, habang kumakain si Maria ng paborito niyang ice candy sa labas ng kaniyang pinto ay napansin niya ang isang babaeng papalapit. Napakaganda nito, bukod sa mukhang mayaman ay napakabango pa ng itsura ng babae.

“Ay, dapat maging magkaibigan kami! Parehas kaming mayaman,” isip-isip kaagad ni Maria. Laking gulat naman niyang nag-doorbell ito sa katabi niyang unit.

“Hello, paborito mo rin ba ang ice candy riyan kay manang?” mabilis niyang usyoso sa babae.

Hindi naman siya napahiya dahil kaagad na ngumiti at hinarap siya nito. “Masarap ba?” nkangiting balik na tanong ng magandang babae.

“Oo, pero sa totoo lang. Hindi talaga ako kumakain ng ganito kasi pang mahirap, ‘di ba? Pero dahil naawa ako kay manang diyan kaya bumibili ako,” pabulong na sagot ni Maria sa babae.

“Ganun ba? Nakakalungkot naman pala,” wika ng babae sa kaniya. Sakto namang nagbukas ang pinto at sinalubong ito ng matandang nagtitinda ng ice candy. Mabilis na kinuha ang mga gamit ng babae. Ngumiti lamang ito sa kaniya saka tuluyang pumasok.

“Manang, saglit lang,” mabilis na pahayag ni Maria. Tinignan lamang siya ng matanda na tila naghihintay ng itatanong niya rito.

“Sino ‘yun?” diretso niyang tanong ni Maria.

“Si Madam Elena, amo ko,” maiksing sagot ng ale sa kaniya.

“Ha? Amo? Akala ko ikaw nakatira diyan? Tapos kaya ka nagtitinda ng ice candy kasi alam mo na, mahirap ka lang!” baling ni Maria.

“Naku, hindi po. Si Madam Elena ang gumagawa niyan lahat. Hilig kasi niya ang ice candy at pagbi-bake tapos binibigay niya sa’kin. Ang bait nga niyan ni madam kasi pumayag siya na ibenta ko ‘yung gawa niya at ‘yung kita ay binibigay niya lang sa’kin. Hindi siya dito nakatira, bumibisita lang siya rito kapag gusto niya magbake, storage room kasi niya ang bahay na ‘to. Saka mahirap man ako, hindi ako tinuring na mababa ni Madam Elena, hindi katulad ng iba riyan,” sagot ng ale sabay ngiti sa kaniya.

Halos mabulunan si Maria sa kaniyang narinig. Dali-dali siyang pumasok at naramdaman niya ang pamumula ng kaniyang mukha. Kaagad niyang kinuha ang telepono at nagtanong sa mga kaibigan na tiga-roon. Napagalaman niyang si Elena pala ang may pinakamaraming unit sa naturang condominium. Mayroon din itong sarili niyang kumpanya na siya mismo ang nagpundar.

Napaupo si Maria at tila nahimasmasan, saka niya napagtanto na hindi lahat ng nagtitinda ng kung ano-ano ay hikahos na sa buhay. Hindi rin lahat ng mayaman at maalahas na tulad niya ay talagang mayaman.

Napayuko na lamang ito saka tinitigan ang hawak niyang ice candy. “Sinong makakapagsabi na mayaman ang amo mo? Grabe, Maria, masyado kang naging mayabang,” pahayag niya sa pagkain.

Advertisement