“B*bo! Palibhasa walang laman iyang utak mo! Ang dali mong maniwala sa mga pinagsasasabi sa iyo ng kung sino-sino! Buti na lang at nagawan ko ng paraan agad. Kung hindi ko sila napakiusapan na hindi na natin kukunin ang mga inorder mo ay siguradong baon na ako sa utang ngayon. Hindi naman kasi ikaw ang mamomroblema kung saan pupulot ng perang pambayad sa mga pinagbibibili mo!”
Tandang-tanda pa ni Iza ang mga binitawang salita sa kaniya ni Ira, ang nag-iisa at nakababata niyang kapatid nang malaman nito na umorder siya ng mga medical equipment at supplies para sa nanay nilang may malubhang karamdaman.
Sa pag-aakala na makakatulong ang mga iyon para gumaling ang kanilang ina ay walang pagdadalawang-isip niyang inorder ang mga iyon. Hindi niya lubos akalain na may mga dagdag pang mga gamit na kailangan ding bilhin at bayaran para mapagana ang mga medical equipment maliban pa sa bayad sa pagdeliber ng mga ito sa kanilang bahay. Ang resulta, tripleng halaga ang kailangan niyang bayaran para magamit ng kaniyang ina ang naturang mga equipment.
Mahina kasi ang utak ni Iza. Ni hindi nga siya nakatapos ng elementarya dahil hindi niya magawang ipasa ang Grade 3. Hindi niya namalayan na niloloko na siya ng saleslady para makakubra ito ng malaking komisyon.
“Lumayas ka sa bahay na ito! Pabigat ka lang sa buhay ko! Ayos lang sana kung nagpapasok ka ng pera sa pamilyang ito! Pero hindi ka tumatagal sa trabaho dahil sa kab*bohan mo! Palamunin ka na nga wala ka pang ibang ginawa kung hindi bigyan ako ng problema! Wala akong balak na pasanin ka habang buhay! Kailangan ko ring isipin ang sarili ko! Wala akong balak na lumubog sa kumunoy mo!”
Hinding-hindi makakalimutan ni Iza ang huling tagpo nila ni Ira.
Ilang araw matapos ilibing ang kanilang ina ay mabigat na problema na naman ang binigay ni Ira sa kaniyang kapatid. Ang natitira nilang pera ay pinamuhunan niya sa negosyo ng kaniyang kaibigan. Nagtiwala si Iza sa kaniyang kaibigan. Hindi niya akalain na itatakbo nito ang pera nilang magkapatid.
Walang-wala si Iza nang umalis siya sa tirahang kinamulatan niya simula pagkabata. Ni hindi na niya nagawang makapag-empake ng kaniyang mga gamit dahil agad siyang pinagtabuyan ni Ira palabas ng kanilang bahay nang ipinaalam niya dito na hindi na niya mahagilap ang kaniyang kaibigan at wala pala talaga itong pinapatakbong negosyo.
Ilang buwang namuhay bilang palaboy sa kalye ang dalaga. Umaasa sa kaunting limos ng mga taong magagawi sa kaniyang kinaroroonan para maibsan ang kaniyang gutom. Natutulog sa kapirasong karton malapit sa isang simbahan.
Ang akala ni Iza ay sa kalye na siya babawian ng buhay ngunit dahil sa pagkakasagip niya sa anak ng mag-asawang negosyante noong muntik na itong masagasaan ng isang rumaragasang sasakyan ay nagbago ang takbo ng kaniyang buhay.
Kinupkop si Iza ng mag-asawang Castillo. Tinuring nilang parang tunay na anak ang dalaga. Pinag-aral nila ito. Kumuha rin sila ng tutor na aagapay sa kaniya sa kaniyang mga aralin.
“Walang bagay na madali. Lahat pinaghihirapan. Kung talagang desidido kang matuto kahit gaano kahirap, kahit gaano pa katagal bago ka makapagtapos ng pag-aaral hindi ka susuko. Walang taong b*bo sa mundo pero maraming tamad mag-aral. Marami ang walang pasensiya na magsumikap matuto ng mga mahihirap na aralin. Ang gusto lang nilang matutunan ay iyong mga bagay na may interes sila. Kung ngayong kababalik mo lang sa pag-aaral ay susuko ka na, paano mo mapapatunayan sa kapatid mo na nagkakamali siya? Na hindi ka b*bo. Kung ngayon pa lang ay bibitaw ka na patuloy kang maloloko ng mga taong nakakasalamuha mo.”
Tuwing nakakaramdam ng panghihina ng loob si Iza ay palagi niyang ginugunita ang mga sinabi sa kaniya ni Mrs. Castillo noong minsang kinausap niya ang ginang dahil nais niyang huwag nang ipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral kaya bagama’t maraming taon ang lumipas hindi nagtagal ay nagbunga ang lahat ng kaniyang pagsisikap. Nakapagtapos ng kolehiyo si Iza. At bilang utang na loob sa mag-asawang negosyante na kumupkop sa kaniya ay namasukan siya sa kompaniya ng mga ito. Nagsimula siya sa pinakamababang posisyon hanggang sa siya ay naging operations manager ng kompaniya.
Habang binibisita ni Iza ang isa sa mga branch ng kompaniya sa Singapore ay hindi niya inaasahang makikita niya si Ira na nagtatrabaho doon. Ang dating supervisor ng isang sikat na hotel sa Pilipinas ay nagtatrabaho na ngayon bilang isang janitress. Malaki ang binagsak ng katawan nito at kitang-kita sa mga mata nito na dumanas ito ng matinding paghihirap.
Bagama’t nasaktan si Iza sa ginawa ng kaniyang kapatid noon ay hindi niya napigilan ang kaniyang sarili na kamustahin ang nag-iisa niyang kamag-anak. Nalaman niyang ang mapagmalaki at ubod ng talino niyang kapatid ay naging biktima ng isang ilegal na recruitment agency. Nahirapang makahanap ng matinong trabaho ang kapatid dahil peke ang kaniyang mga dokumento. Noong umibig ito sa isa niyang katrabaho ay binugaw naman siya nito sa mga dayuhan. Buti na lamang ay nakatakas ito. Isang taong may mabuting loob ang tumulong dito para makapasok bilang janitress ng kompaniya.
“Tutulungan kitang ayusin ang mga papeles mo para hindi ka na mangamba na baka ma-deport ka. Tutulungan din kitang makahanap ng mas magandang trabaho at desenteng tirahan. Pero hanggang doon lang ang kaya kong ibigay sa iyo. Hanggang ngayon ay masakit pa rin sa akin ang ginawa mo. Nasa sa iyo na kung paano mo aayusin ang buhay mo,” saad ni Iza.
“Bakit mo ako tutulungan?” Hindi makapaniwala si Ira na sa kabila ng mga nagawa niya sa kapatid ay tutulungan pa rin siya nito.
“Kung ikaw kaya mo akong lalong ilubog sa putikan noong walang utak ang turing mo sa akin, ibahin mo ko. Hindi ako katulad mo. Hindi ko nilulunod ang mga taong hindi ginagamit ang utak kaya naloko sila ng iba. Lalong-lalo na kung iisang dugo lang ang dumadaloy sa aming dalawa,” matapang na pahayag ni Iza.
Tinupad ni Iza ang pangako niya sa kapatid bago siya umuwi ng Pilipinas.
Si Ira naman ay walang patid sa paghingi ng tawad kay Iza sa tuwing nagkikita sila o nagkakausap sa telepono. Pinag-igihan niya ang pagtatrabaho. Malaki rin ang pinagbago ng kaniyang pag-uugali. Hindi na siya mapagmataas ngayon. Tinutulungan din niya ang mga kapwa niyang Pilipino na naging biktima din ng mga ilegal na recruitment agency.
Bagama’t natagalan bago tuluyang naghilom ang mga sugat sa puso ni Iza, ang ginawa niyang pagtulong sa kaniyang kapatid ang nagbigay daan para magkaroon ng siwang upang maiayos ang relasyon nilang dalawa. Dahil sa pagpapakumbaba at pagbabago ni Ira ang mga sugat ng kapatid ay dahan-dahan niyang ginamot hanggang matanggap niya ang ganap na kapatawarang matagal din niyang inasam.