Hindi Niya Sinabi sa Pamilya na Naloko Siya ng Recruiter; Mag-Isa Siyang Nagdusa sa Isang Banyagang Lugar
“Ayos lang naman dito, Ate. Wala kang dapat ipag-alala. Ang lamig nga rito sa hotel na tinutuluyan namin,” pagsisinungaling ni Kath sa kaniyang kapatid.
Kailangan niya kasing siguraduhin na hindi alam ng kapatid ang totoong lagay niya sa ibang bansa kung saan siya nagtatrabaho.
Nilibot niya ang kaniyang paningin sa masikip, madilim, at madumi niyang kwarto.
Kitang kita niya pa ang mga nagtatakbuhang daga na ninanakaw pa ang kaniyang kakarampot na pagkain.
“Sige po, Ate. Tinatawag na ako ng mga kasamahan ko. Ingat kayo riyan,” pagpapaalam niya rito.
Ang alam ng kaniyang kapatid at magulang ay mayroon siyang maayos na buhay at trabaho sa ibang bansa. Hindi alam ng mga ito na naloko siya ng taong nag-recruit sa kaniya.
Hindi sapat ang kaniyang pera para umuwi at lubos siyang nanghihinayang sa perang ibinigay sa kaniya ng kaniyang Ate para lamang makapagtrabaho sa ibang bansa.
“Kath,” tawag sa kaniya ng kaniyang katrabaho na si Bella. Pilipino rin ang babae.
“Ano ‘yun, Bella?” tugon niya.
“Uuwi kasi ako sa darating na bakasyon natin. Tatanong ko lang kung gusto mo bang sumabay?” tanong nito habang abala sa pagpupunas ng mga lamesa.
Malungkot siyang napangiti. Gusto man niyang bumalik sa Pilipinas ay hindi niya pwedeng gawin iyon.
Kailangan niya munang magkaroon ng sapat na pera upang mabayaran ang utang niya sa kaniyang kapatid, pati na rin ang pamasahe niya. Hindi niya iyon magagawa dahil kakarampot ang kinikita niya bilang serbidora.
“Sa susunod na siguro. Wala pa akong ipon e,” malungkot na wika niya.
“Aalis na rin ako rito at hindi na babalik pa. Gusto ko nang makasama ang pamilya ko,” nakangiting kwento ni Bella.
“Sa tamang panahon ay magagawa ko rin ‘yan, Bella. Hayaan mo’t susubukan kong tawagan ka kapag nakauwi rin ako sa ‘Pinas,” nakangiting pangako niya sa babae. Kahit paano ay napalapit na siya sa babae dahil ito ang nag-iisang nakakausap niya.
Habang naglalakad pauwi ay alerto ang kaniyang paningin sa bawat establisyimentong nadaraanan. Naghahanap kasi siya ng iba pang trabaho dahil kailangan na kailangan niya iyon.
Nang makauwi ay nagkasya siya sa pagkain ng biskwit at kape dahil masyadong mahal ang mga bilihin doon.
Maya maya ay napangiti siya nang makita niyang tumatawag ang kaniyang Ate.
“Ate! Ano’t napatawag ka?” masiglang pagbati niya. Sabik siyang marinig ang boses ng kapatid. Baka sa boses nito ay mabusog siya at matanggal ang kaniyang gutom.
“Gusto ko lang marinig ang boses mo, Kath. Kamusta ka riyan? Maayos ka naman, ‘di ba?” rinig niyang tanong ng kapatid.
“O-oo naman ate. Busog na busog nga ko at kakakain lang namin sa labas,” sa hindi mabilang na pagkakataon ay pagsisinungaling niya.
“Naghahanap ako ng iba pang trabaho. Nasibak na naman kasi si Tatay sa trabaho niya at paubos na ang gamot ni Nanay,” sambit ng kaniyang Ate na parang naiiyak na ito. Ramdam niya sa tinig nito ang bigat na dinadala nito.
“Hintayin mo lang ako at matutulungan din kita, Ate,” malungkot na pangako niya. Gustong gusto niya na itong makita at yakapin nang mahigpit.
Kailangan na talaga niyang mag-ipon at makauwi na. Kahit ilang trabaho pa ang kaniyang pasukin ay hindi siya magrereklamo at gagawin ang lahat ng kaniyang makakaya.
Halos araw araw ay gumagala siya upang maghanap ng kahit anong trabaho lamang ngunit sa kaniyang pagkadismaya ay wala siyang makita.
Isang araw ay pagod na pagod at gutom na gutom siyang naglalakad. Pakiramdam niya ay lumulutang na siya at pasuray suray na ang paglalakad niya.
Nang tumunog ang kaniyang cellphone ay pagod na sinagot niya ito.
“Kath! Inatake na naman si Mama. Nag-aalala ako dahil sabi ng doktor ay kritikal ang lagay niya,” naiiyak na pagbabalita ng kaniyang ate.
Wala siyang nagawa kundi umiyak na lang din. Gusto na niyang umuwi at magpahinga na lamang dahil sa pagod ngunit kailangan niyang maghanap pa ng trabaho.
Hilong hilo na siya, at pakiramdam niya ay mawawala na siya sa kaniyang sarili.
Habang tinatahak niya ang madilim at walang katao-taong kalsada ay may nakita siyang matandang babae na nakabulagta sa tabi ng daan.
Mukhang hinimatay ito. Nakita niya ang bag nito na at ang wallet nito.
Tinitigan niya lamang ito na habang maraming naglalaro sa kaniyang isipan. Gusto niyang kunin na lamang ang pera at tumakbo na.
Tila isang magnanakaw na nilinga niya ang paligid at nanginginig na inabot ang bag ng matanda.
Ngunit biglang tumunog ang kaniyang telepono. Kinakabahang sinagot niya ito.
“Kath! Maayos na ang lagay ni Mama ngayon. Salamat sa Diyos,” natutuwang wika ng kaniyang Ate.
Bigla siyang natauhan at naiyak nang malakas. Wala na sa isipan niya ang masamang balak.
Ibinaba niya ang tawag upang tumawag ng ambulansya. Pinakiramdaman niya ang pulso ng matanda. Nakahinga siya nang maluwag nang maramdaman iyon.
Habang nasa ospital ay sising sisi siya sa naisip niyang gawin. Sa kaniyang pagkalito ay nakalimutan niyang may Diyos pa pala na tutulong sa kaniya sa oras ng pangangailangan.
Nalaman niya na Pilipino pala ang matandang babae na iniligtas niya. Laking tuwa niya nang malaman na ligtas na ito mula sa panganib.
“Hija, niligtas mo ang buhay ko. Maraming salamat,” pagpapasalamat nito.
“Walang anuman ho,” nanghihinang sambit niya.
Napahawak siya sa kama nang makaramdam siya ng pagkahilo. Hindi niya na alam ang sunod na nangyari dahil biglang nagdilim ang paligid.
Pagkagising niya ay nakahiga na siya sa kama sa ospital. Nang maalala ang babayaran niya ay agad siyang tumayo para umalis ng ospital.
“Hija, hindi ka pwedeng umalis dahil nanghihina ka pa,” pigil sa kaniya ng matanda. Ito ang matandang dinala niya sa ospital. Katabi nito ang isang matandang lalaki na sa hinuha niya ay asawa nito.
“Wala po akong pambayad dito,” pagpupumilit niya.
“Kami na ang nagbayad bilang pasasalamat namin,” nakangiting sambit ng matanda.
“Gusto ka naming tulungan sa kahit na anong paraan. Nahimatay ka dahil sa pagod at gutom kaya’t alam kong nangngailangan ka. Kahit magtagal ka ng isang linggo rito ay ako ang bahala,” muli nitong wika.
Isang ideya ang nabuo sa kaniyang isipan. Nahihiya man ay naglakas loob pa rin siya na magsabi rito.
“Kung ganoon po ay tulungan niyo akong umuwi. Iyon lamang po ang hiling ko. Tatanawin ko po itong malaking utang na loob,” mabilis na sagot niya.
Nakangiting tumango lamang ang mag-asawa saka hiningi ang numero at buong pangalan niya. Halos maiyak siya sa tuwa at nagpasalamat sa dalawa.
‘Di nagtagal ay may tumawag sa kaniya at ipinaalam sa kaniya kung kailan siya lilipad pauwi.
Nang makalapag sa Pilipinas at eroplano ay labis ang kaniyang saya. Dumiretso siya sa pinakamalapit na simbahan upang ipagpasalamat ang mga biyaya at humingi ng tawad sa kaniyang mga kasalanan.
Pagkauwi niya ay sinalubong agad siya ng kaniyang Ate at mga magulang. Mainit na yakap ang ibinigay ng mga ito sa kaniya.
“Maligayang pagbabalik!” masayang wika ng nga ito.
Ganoon na lamang ang pag-iyak ng kaniyang kapatid nang malaman nito ang kaniyang pinagdaanan ngunit masaya siya na muling makauwi sa kaniyang pamilya.
Ngayon ay nasa totoong tahanan siya, kung saan siya masaya at mabubuhay nang masaya. Hinding hindi na niya ulit iiwan ang kaniyang pamilya.