Inakala ng Babae na Hindi na Darating ang Kaniyang Parsela; Laking Gulat Niya nang May Tumawag sa Kaniya Alas Onse ng Gabi
“Oh! Jennifer, akala ko ba ngayon ang dating ng parcel mo?” sita ni Jonas ang kaniyang kuya. “Mag-aalas syete na ng gabi pero wala pa rin. Baka naligaw na ang mag-dedeliver no’n sa’yo,” dugtong pa nito sabay silip sa relong pambisig.
“Hindi ko nga rin alam kuya e. Kanina ko pa iyon inaabangan. Wala pa namang nagte-text sa’kin na nakansela na ang parcel ko,” ani Jennifer sabay buntong hininga.
“Baka bukas na ihahatid iyon. Pumasok ka na sa loob at magpahinga,” ani Kuya Jonas.
Ayaw pa sana ni Jennifer na pumasok sa loob ay wala siyang magawa kung ‘di sundin ang kapatid. Tama naman ito, baka bukas na maihahatid ang parcel niya. Gabing-gabi na rin naman at baka hindi na nagawa pa ng delivery man na ihatid ang order niyang dalawang Linggo na niyang hinihintay.
Patulog na si Jennifer nang biglang tumunog ang kaniyang selpon. Nagtataka man kung sino ang tumatawag sa kaniya sa gayong mag-aalas onse na ng gabi ay pinili pa rin niyang sagutin iyon.
“Hello, Ma’am Jennifer? Ako nga po pala si Ian, nasa labas na po ako ng gate niyo ma’am. Pasensiya na po kung ngayon ko lang nadala ang parcel niyo ma’am. Hintayin ko po kayo rito sa labas. Salamat po,” dere-deretsong wika ng lalaki sa kabilang linya.
“Ah. Sige kuya, hintayin niyo po ako,” ani Jennifer.
Nagmamadali siyang nagbihis ng damit at agad na bumaba. Nakita nga niya ang delivery boy sa labas ng gate nila. Nakatayo at tila pagod na pagod na.
“Naligaw po ba kayo, kuya?” Tanong ni Jennifer sa binata.
“Hindi naman po ma’am,” nakangiting wika ni binata habang inaabot ang parcel ni Jennifer. “Inuna ko po kasi iyong mga malalapit lang saka po ako dumiretso dito sa inyo. Gabing-gabi na nga po ma’am e. Kaso hindi po pwedeng hindi ko maihatid ang lahat ng ito,” ani Ian sabay tingin sa mga kahon-kahong nasa loob ng sako.
“Lahat ‘yan?” manghang tanong ni Jennifer.
“Opo ma’am. Natagalan ako kasi medyo trapik ang mga dinadaanan ko kanina. Tapos may mga kustomer pang ang tatagal lumabas. Minsan halos dalawang oras akong naghihintay sa mga dini-deliveran ko. Minsan pa ma’am may kustomer na ayaw mag-reply, kahit anong tawag ko e ayaw sagutin.
Kaya minsan nakakapag-abono pa ako sa opisina namin. May mga quota kasi kaming sinusunod. Kapag hindi namin naihatid o kinuha ng kustomer iyon. Kami ang mag-aabono. Ang hirap nga po e. Pero ayos lang. Ang mahalaga may trabaho,” nakangiting wika ni Ian.
“Naku! Kawawa ka naman kuya,” malungkot na wika ni Jennifer saka inabot rito ang kaniyang bayad kasama ang tip.
Magaan na tumawa si Ian sabay kamot ng sintido. “Salamat rito ma’am ah. Malaking bagay na ang tip ninyo sa’kin. Mahirap man po ang ginagawa namin, sulit naman ito kapag nakakatagpo kami ng kustomer na kagaya niyo ma’am. Salamat po ulit. May pambili na ako ng gatas ni baby,” anito sabay ngiti ng malapad.
“Paano ‘yan kuya? Gabing-gabi na hindi niyo na po naaabutan ang baby niyo na gising? Malamang kasi sa mga oras na ito’y mahimbing nang natutulog ang mga bata,” nag-aalalang wika ni Jennifer.
“Opo. May anim na paghahatiran pa ako ng mga parcel, ma’am. Kaya malamang madaling araw na akong makakauwi nito. Tama ka po tulog na tulog na po ang dalawa kong anak, pag-uwi ko. Kaya bumabawi na lang po ako sa kanila kapag wala akong trabaho. Kasi kapag may trabaho ako. Uuwi ako ng madaling araw, maaga naman akong umaalis.”
“Naiintindihan ka naman siguro ng mga anak mo kuya. Kasi kumakayod ka naman para sa kanila. Hayaan niyo kuya. Ipag-pi-pray ko na sana hindi ka pag-antayin ng matagal ng paghahatiran mo para makauwi ka na kaagad,” nakangiting wika ni Jennifer.
“Naku! Maraming-maraming salamat po ma’am kung isasama ninyo ako sa dasal ninyo,” masayang wika ni Ian at nagpaalam na’t may anim pa itong hahatiran ng order.
“Ingat ka po palagi kuya,” ani Jennifer saka tuluyang nagpaalam sa mabait na delivery man.
Ang hirap maging delivery man o riders na tagahatid ng mga orders, lalo na’t may mga taong walang konsiderasyon sa kapwa nila tao. Isipin po sana natin na mahirap ang maghintay, lalo na’t marami pa silang obligasyong hahatiran. Maging mabuti po sana tayo sa mga riders natin at huwag silang pahirapan.