Ikinahihiya ng Dalagita ang Kanilang Munting Bahay; Magbabago Kaya ang Kaniyang Pananaw Kung Pupunta Roon ang Kaniyang mga Kaibigan?
“Sa susunod kina Gelene naman tayo pupunta ha?”
Naghiyawan naman ang mga kaibigan ni Gelene sa sinabi ni Tonette. Namula naman si Gelene. Hindi puwede! sigaw ng kaniyang isipan. Hindi puwedeng magpunta ang kaniyang mga kaibigan sa kanilang bahay, dahil para sa kaniya, maliit at hindi maganda ang kanilang bahay.
“Guys, sasabihan ko kayo ah kapag okay lang sa Nanay ko na magpunta kayo sa bahay. Kuwan kasi, hindi kasi pumapayag iyon na may nagpupunta sa bahay. Na-iistress siya, ganoon…” ang naisip na dahilan ni Gelene. Ang totoo niyan, nagtataka ang kaniyang inang si Aling Bebeng kung bakit ni minsan ay wala pa siyang nadalang kaibigan sa bahay.
“Sige sabihan mo kami ah, kami naman ang pupunta sa inyo,” saad naman ni Jenny.
Nang gabing iyon, hindi makatulog si Gelene. Iniisip niya ang posibleng pagbisita ng kaniyang mga kaibigan sa kanilang bahay. Ikinahihiya niya ang kanilang bahay dahil lubhang maliit ito, isa pa, makalat din ang harap ng kanilang bahay, dahil doon nakatambak ang mga malalaking buslo na ginagamit ng kaniyang ina sa pagtitinda nito ng gulay sa palengke.
Kaya kinabukasan, sinabi ni Gelene sa group chat nilang magkakaibigan na ayaw ng kaniyang ina na magpunta ang kaniyang mga kaibigan sa kanilang bahay.
Makalipas ang tatlong araw, habang sila ay nag-aagahan, may binanggit sa kaniya ang ina.
“Anak, nakita ko pala sa palengke yung kaibigan mo na si Tonette. Nagpaalam sa akin na baka puwede silang makadalaw rito,” balita sa kaniya ni Aling Bebeng habang ngumunguya.
Nanlaki ang mga mata ni Gelene.
“Po? Eh… ano pong sinabi ninyo?” kinakabahan si Gelene.
“Sabi ko ayos lang, wala namang problema sa akin. Sabi ko nga mga bandang Linggo para naman makilala ko ang mga kaibigan mo, para narito lang din ako at maasikaso ko sila,” sagot ni Aling Bebeng.
“‘Nay naman eh… sana nagtanong muna kayo sa akin bago kayo nagbitiw ng mga ganiyang salita!” naiinis na sabi ni Gelene.
“Oh bakit ba? May problema ba? Tao naman natin silang pakikiharapan eh. Nagtataka nga ako sa iyo kung bakit hindi ka nagdadala ng bisita rito. Wala pa akong nakikilala sa mga kaibigan mo,” saad naman ng kaniyang ina.
“Eh kasi naman… nakakahiya sa mga kaibigan ko kung makikita nilang maliit, masikip, at makalat dito sa bahay natin. Baka mamaya layuan na nila ako. Magaganda at maluluwag po ang mga bahay nila!” katwiran naman ni Gelene.
“Anak, wala namang problema sa sinasabi mong makalat. Eh ‘di maglilinis at mag-aayos tayo. Tutulungan pa kita. Sa sinasabi mo namang maliit at masikip, eh wala na tayong remedyo para riyan. Datnan nila kung ano ang madadatnan nila. Malalaman mo kung tunay ka nilang kaibigan. Kapag nilayuan ka nila dahil nakita nila ang kalagayan natin, mga peke sila at kailangan mo na nga silang layuan,” paliwanag naman ni Aling Bebeng.
Walang nagawa si Gelene. Bahala na. May punto naman ang kaniyang ina. Kaya naman sa araw ng Sabado, maghapong naglinis at nag-ayos si Gelene. Kabadong-kabado siya.
Pagsapit ng Linggo, dumating na nga ang kaniyang mga kaibigan sa kanila. Mainit naman silang inestima ni Aling Bebeng. Pinaglutuan sila nito ng masarap na minatamis na saging na may garbansos, pagkatapos ay ulam na sinigang na hipon para sa pananghalian, at meryendang palitaw sa hapon. Busog na busog ang kaniyang mga kaibigan. Walang humpay din ang kanilang tawanan dahil sa mga nakaaaliw na kuwento ni Aling Bebeng.
Ayaw pa sanang magsiuwi ng kaniyang mga kaibigan subalit pinaalalahanan sila ni Aling Bebeng na baka gabihin sila sa daan.
“Sa uulitin po, Aling Bebeng! Salamat po sa masarap na pagkain at kuwentuhan!” sabi ng kaniyang mga kaibigan.
“Ingat kayo mga anak! Sa uulitin!” nakangiti namang pahayag ni Aling Bebeng habang kumakaway.
Habang inihahatid sa labasan, humingi ng paumanhin si Gelene sa kaniyang mga kaibigan dahil sa maliit at masikip nilang tahanan.
“Pasensiya na talaga kayo sa bahay namin ah. Hindi kagaya sa mga bahay inyo: magaganda at maluluwang,” saad ni Gelene.
“Ano ka ba naman, Gelene! Ayos naman sa inyo ah. Hindi naman mahalaga iyon, ang mas mahalaga, iyong mga taong kasama mo sa bahay, gaya ng nanay mo, na mabait, masiyahin, at maasikaso. Nag-enjoy kami! Balik ulit kami sa inyo sa susunod ah? Masarap kasi talaga magluto si Tita,” saad ni Tonette.
Tila nawalan naman ng bigat sa dibdib si Gelene. Pakiramdam niya nabunutan siya ng tinik sa mga sinabi ng kaniyang mga kaibigan.
Simula noon, hindi na niya ikinahiya ang kanilang munting bahay. Walang dahilan upang ikahiya ito, dahil mabubuti naman ang mga puso ng mga taong nakatira rito.