Inday TrendingInday Trending
Kinakantiyawan ng mga Katrabaho ang Lalaki Dahil Kuripot at “KJ” Raw Siya; Nagulat Sila sa Kaniyang Naipundar Dahil sa Pagiging Masinop sa Pera

Kinakantiyawan ng mga Katrabaho ang Lalaki Dahil Kuripot at “KJ” Raw Siya; Nagulat Sila sa Kaniyang Naipundar Dahil sa Pagiging Masinop sa Pera

“Fredo, tara, sama ka sa amin! Lalabas kami mamaya. Happy-happy lang ba… taya ni Kumpareng Estong!” aya ni Tonying sa kanilang katrabaho sa opisina na si Fredo.

Biyernes na, at kagaya ng nakaugalian, lumalabas talaga ang mga magkakatrabaho upang mag-unwind at magrelax. Subalit hindi ganoon si Fredo; mas gusto pa niyang umuwi sa bahay at magpahinga. “Loner” tuloy ang turing sa kaniya ng mga kasamahan. Minsan, wala nang nagtatangkang mag-aya sa kaniya dahil alam na nila ang isasagot sa kanila: “Hindi ako puwede, sa susunod na lang.”

“Hindi ako puwede, sa susunod na lang…” turan nga ni Fredo.

“Ano pa nga ba? Iyan naman ang laging dahilan mo. Huwag ka naman masyadong magpakasubsob sa trabaho natin, pare. Lumabas-labas ka naman minsan kasama namin, hindi iyong bahay-trabaho, trabaho-bahay ka lang lagi. Paano ka makakakuha ng chicks niyan? Marami tayong mga intern o… ang gaganda at babait pa. Baka mamaya maunahan ka na ng iba,” sabi ni Tonying.

“Saka para hindi ka nasasabihang kuripot at KJ,” dagdag pa nito.

“Hoy tigilan nga ninyo ang mga interns natin ah. Mga bubot pa iyan, huwag ninyong aswangin,” natatawang sabi ni Fredo.

“Oh, eh ‘di sama ka na mamaya?” muling untag ni Tonying.

“Saka na lang siguro, Tonying. Alam naman ninyong kailangan kong umuwi kaagad dahil may klase ako tuwing hapon sa part-time job ko bilang college instructor. Pass na muna ako. Hayaan ninyo kapag lumuwag ang schedule ko, ako mismo ang mag-aaya sa inyo,” turan ni Fredo.

“Eh ano pa nga ba? Sige na nga… wala na akong panama sa part-time job mo. Sige na pare, balik na ako sa cubicle ko,” saad ni Tonying.

Isang CPA o certified public accountant si Fredo mula 8:00 hanggang 5:00 ng hapon, at kapag gabi naman, isa siyang part-time college instructor sa isang pampribadong kolehiyo na matatagpuan lamang din sa kanilang lugar. Tuwing Sabado at Linggo naman ay kumukuha siya ng masteral sa isang open university. Sinasabing napaka-hectic ng schedule ni Fredo kaya wala na siyang panahon para makisalamuha sa iba; at isa pa, ayos lamang iyon sa kaniya dahil sanay naman siyang mag-isa.

Masasabing matipid at masinop sa paggasta ng kaniyang mga kinikita si Fredo. Itinatabi niya ito sa kaniyang bangko. Ang ilan naman, inilalagay sa investment at insurance plan. Katwiran niya, kailangang maging wais kung saan napupunta ang pera dahil hindi naman basta-basta ang pagtatamo nito.

Balak niya kasing bumili ng sariling bahay dahil kasalukuyan lamang silang nakikitira sa kaniyang tiyahin; bagama’t mabait naman ito, iba pa rin talaga kapag sariling gamit at bahay ang ginagalawan. Hindi kailangang makisama at hindi kailangang makaramdam ng ilang at hiya.

Makalipas ang tatlong buwan, nabili na nga si Fredo ang kaniyang bahay. Isang malaki at may dalawang palapag na bahay, na may maluwag na bakuran, at nasa loob pa ng kilalang subdibisyon. Hindi siya kumuha ng housing loan at hindi siya nangutang. Galing mismo sa kaniyang mga pinagpaguran sa full-time at part-time job ang perang ipinambili niya ng kaniyang property.

“Ang husay mo naman, anak! Ngayon, inani mo na ang iyong kasipagan,” sabi sa kaniya ng kaniyang ina.

“Kaya idol kita kuya eh!” sabi naman ng kaniyang kapatid.

“Anak, mag-aasawa ka na ba?” tanong naman sa kaniya ng ama.

Natawa na lamang si Fredo.

“Tay, hindi ho ako mag-aasawa pa, at wala nga akong nobya. Para po sa inyo ito, para sa atin ito. Dito na tayo titira, para may matawag naman tayong sa atin,” pahayag ni Fredo.

Lumipat na nga ang pamilya ni Fredo sa naturang bahay sa lalong madaling panahon. Masaya silang namuhay nang tahimik sa kanilang bagong bahay.

Isang araw, isang malakas na bagyo ang tumama sa Metro Manila. Umabot ng lagpas-tao ang baha. Marami sa mga kasamahan ni Fredo ang naapektuhan. Isa na roon ang pamilya nina Tonying at Estong. Kinailangan na nilang magtungo sa kani-kanilang mga bubong upang hindi malunod sa baha.

Nang sila ay ma-rescue, agad na sinabihan ni Fredo ang dalawang kasamahan na sa bahay na niya sila tumuloy kasama ang kanilang pamilya. Namangha naman ang dalawa dahil hindi nila akalaing nakaya ni Fredo na makapagpundar kaagad ng isang malaking bahay.

“Ang galing mo naman, Fredo. Buti ka pa nakabili ka na agad ng ganitong kalaking bahay, at nasa maayos na lokasyon pa at hindi basta-basta binabaha,” sabi ni Estong.

“Oo nga eh. Alam mo, kung inipon ko lang lahat ng perang ginagamit ko sa pag-iinom namin ng mga kaibigan ko, malamang napalagyan ko na ng ikalawang palapag ang bahay namin, o kaya naman nakalipat na kami sa ibang lugar,” segunda naman ni Tonying.

“Alam ninyo, wala namang masama sa ginagawa ninyo. Karapatan ninyong magsaya, lalo na’t pinaghirapan naman ninyo ang perang gagastusin ninyo. Pero huwag ninyo ring kalimutang magtabi at mag-ipon upang may magamit sa panahon ng pangangailangan,” paalala ni Fredo.

“Paano mo ba ginagawa?” sabay na tanong ng dalawa.

“Simple lamang. Budgeting. Bago ninyo gastusin ang mga pera ninyo, bayaran ninyo muna ang mga sarili ninyo. Magtabi kayo. Mayroon akong tatlong savings: personal, contigency, at emergency funds. Ang ginamit ko rito sa pagbili ng bahay ay contigency funds. Yung emergency funds, hindi ko talaga ginagalaw kahit na anong mangyari. Yung personal, kapag may kailangang-kailangan lang,” paliwanag ni Fredo.

Simula noon ay natuto na ring mag-impok sina Tonying at Estong at tinularan ang ginawa ni Fredo. Imbes na regular na kantiyawan gaya ng dati, ginawa nilang inspirasyon si Fredo upang maiangat din ang estado ng kani-kanilang mga buhay.

Advertisement