Hindi Makaalis sa Bawal na Relasyon ang Dalaga Dahil sa Pagtanaw ng Utang na Loob sa Karelasyon; Sino Kaya ang Makapagpapaalis sa Kaniya sa Naturang Sitwasyon?
Tinitingala ng kaniyang mga kasamahan si Trisha: bakit nga ba hindi, maganda na, mabait, matalino, mahusay makisama, at higit sa lahat, kagalang-galang pa. Iba kasi ang pagdadala sa sarili ni Trisha; unang kita pa lamang sa kaniya, naiilang na ang mga lalaking nagtatangkang manligaw sa kaniya dahil sa paraan niya ng pagsasalita. Sabi nga ng mga lalaki, napakapalad daw ng lalaking mamahalin ni Trisha.
Ngunit hindi nila alam, sa perpektong imahe ni Trisha, na tila ba hindi gagawa ng anumang mali sa buhay, isang lihim ang pinakaiingatan niya. Ayain mo na siya’t lahat sa lahat ng araw, kahit gabi, huwag lamang ang araw ng Sabado. Tuwing Sabado, may iba siyang pinupuntahan. Nakalaan ang mga Sabado sa iisang lalaki lamang, at hindi ito maaaring malaman ng kahit na sino.
Kagaya ngayon. Maaga pa ay nasa isang malaking bahay na si Trisha na nasa loob ng isang eksklusibong subdibisyon. Pinupuntahan lamang niya ito tuwing Sabado. Nagluto siya ng masarap na pagkain at inihanda ang bote ng red wine.
Tamang-tama, narinig na niya ang ugong ng kotse. Sinulyapan niya ang kaniyang sarili sa salamin. Nariyan na si Armando, ang kaniyang nobyo, ang may-ari ng kompanyang kaniyang pinagtatrabahuhan. 65 taong gulang. May asawa. Pamilyado. Ang isang gaya ni Trisha na may magandang imahe sa kaniyang mga katrabaho, ay isa palang kabit.
“Natagalan ka yata, babe?” usisa ni Trisha sa kaniyang nobyo, na sa trabaho ay boss ang tawag niya.
“Oo. Nahirapan akong tumakas kay Minda eh,” sagot ni Armando. Si Minda ay ang misis nitong kilalang butangera at palaaway.
“Tamang-tama, luto na ang food. Nagluto ako ng paborito mong kare-kare, saka handa na ang red wine. Tara na,” aya ni Trisha sa kaniyang kasintahan.
Habang sila ay kumakain, nagkumustahan sila na tila ba hindi sila nagkikita araw-araw sa kompanya ni Armando.
“Balita ko nililigawan ka ni Peter ah, iyong assistant junior manager?” usisa ni Armando. Napatingin at napangiti naman si Trisha.
“Ah… iyang makulit na iyan. Oo. Nagpapalipad-hangin. Sabi ko nga, wala pa sa isip ko na makipagrelasyon. Kaya huwag kang mag-alala, hindi pa man siya nakaka-first move eh sablay na. Basted na,” natatawang sabi ni Trisha.
“Trish… sinabi ko naman sa iyo, hindi ba? Do entertain suitors. Sabihan mo lang ako. Our relationship is not a typical lover-mistress thing. Actually, hindi nga mistress ang tingin ko sa iyo. Mas nakikita pa kitang partner in life ko kaysa kay Minda. Hindi naman ako magiging maramot sa iyo. Kung may nagustuhan kang ibang lalaki at nagustuhan ka rin, ayos lang sa akin na sagutin mo siya,” saad ni Armando.
“Armando, alam ko, naiiba ang kuwento natin… salamat sa lahat ng naitulong mo sa akin: pinag-aral mo ako at talaga namang nakatulong ka sa pamilya ko. Tatanawin kong malaking utang na loob ang lahat,” saad ni Trisha.
Ginagap ni Armando ang mga kamay ni Trisha.
“Trish, babe… alam ko naman na kaya mo ginagawa ito ay dahil sa utang na loob sa akin. Pero para sabihin ko sa iyo, siguro sapat na yung nasira ko ang buhay mo dahil ginawa kitang… other woman ko… I took advantage of you. Alam ko naman sa simula pa lang na hindi mo naman talaga ako mahal, na ginagawa mo ito dahil nga sa utang na loob na iyan.”
“Pero to tell you honestly, mahal na mahal kita. I’m giving you the freedom to choose your life naman. Hindi mo deserve ang ganitong buhay, Trish. Kung ako ang magiging sagabal upang matagpuan mo ang lalaking magmamahal sa iyo na ikaw lang at walang kahati sa kaniya, at hindi ka kailangang itago dahil bawal, go lang. Ganiyan kita kamahal,” madamdaming saad ni Armando habang umiinom ng wine.
“Bakit ganiyan ang mga litanya mo? Are you breaking up with me?” tanong ni Trisha.
Hindi sumagot si Armando. Kinuha niya ang kanang kamay ni Trisha.
“Minda was diagnosed with Parkinson’s Disease. Nang malaman ko iyon, nakonsensya ako, Trish. Naramdaman ko ang pagkukulang at kataksilan ko sa asawa ko. Hindi ko na siya mahal pero asawa ko siya. Sumumpa kami sa dambana na magsasama sa hirap at ginhawa. Legally, ako ang husband niya at responsibilidad kong alagaan siya. Kaya… Minda and I will migrate to States. Doon na muna kami.”
Nalungkot man si Trsiha dahil talaga namang minahal niya si Armando, napagtanto niyang may punto naman ito. Hindi pa rin tama ang kanilang relasyon. Pakiramdam niya, nabunutan siya ng malaking tinik sa kaniyang dibdib. Maitatama na niya ang mga mali sa buhay niya.
Maayos na naghiwalay sina Trisha at Armando. Minabuti ni Trisha na magbitiw sa kaniyang tungkulin at umalis sa kompanya ni Armando upang magsimula ng kaniyang panibagong buhay.
Ilang buwan lamang, nakatagpo siya ng panibagong trabaho, at doon niya natagpuan ang isang lalaking magbibigay sa kaniya ng buhay na hindi itinatago, at higit sa lahat, legal sa mata ng Diyos at tao.