Inday TrendingInday Trending
Sinugod ng Ginang ang Babaeng Nagpapadala ng Mensahe sa Kaniyang Asawa, Napahiya Siya sa Eksenang Ginawa

Sinugod ng Ginang ang Babaeng Nagpapadala ng Mensahe sa Kaniyang Asawa, Napahiya Siya sa Eksenang Ginawa

“Bakit ba ang init ng ulo mo ngayon, ha? Tinatanong lang kita kung anong gusto mong ulam, sinisigawan mo na ako agad. Ano bang nangyayari sa’yo, mahal?” pang-uusisa ni Romel sa kaniyang asawa, isang umaga nang mapansin niyang iba ang pinapakitang ugali nito.

“Nakakainis kasi ‘yang babaeng nagpapadala sa’yo ng mensahe, eh! Hindi ba’t binigay no’n ang pangalan niya sa’yo? Ayon, hinanap ko sa social media at pinadalhan ko ng mensahe roon! Aba, ang sabi sa akin, hindi ka raw niya kilala at wala raw siyang pakialam sa akin!” kwento ni Rabiya sa kaniyang asawa habang pinapakita ang mensaheng pinadala sa naturang babae.

“Sabi ko naman sa iyo, huwag mo nang pansinin ‘yon. Hindi ko naman kinakausap, eh. Saka, wala akong balak na ipagpalit kayo ni bunso ro’n,” sabi ng kaniyang asawa dahilan upang lalo siyang mainis.

“Kahit na, ang mga malalanding babaeng katulad no’n na nag-aalok ng katawan sa lalaking may asawa, dapat bigyan ng leksyon!” bulyaw niya sa asawa saka hinablot ang selpon niya sa kamay nito.

“Mahal, naman, huwag ka nang gumawa ng…” hindi na nito natapos ang sasabihin dahil agad na siyang sumigaw.

“Bakit mo ako pinipigilan? Siguro may nangyari na sa inyo, ano?” bulyaw niya dahilan upang ito’y mapailing at mapabuntong-hininga.

“O, sige, bahala ka, makipag-away ka d’yan,” sabi nito dahilan upang lalo siyang maghinala rito.

Sa sandamakmak na masasakit na pangyayaring narasanan ng ginang na si Rabiya sa relasyon nila ng kaniyang asawa simula pa noong sila’y magnobyo’t nobya pa lang, hindi na niya magawang labis na magtiwala rito.

Sa katunayan, kung hindi dahil sa anak niya, hindi na siya magtatagal sa relasyong ito. Ayaw niya lang na lumaking walang ama ang anak niya dahilan upang pagtiisan niya ang lalaking ito na walang alam kung hindi ang magbisyo at mambabae.

Ngunit, nang tumuntong sa edad na dalawa ang kanilang anak, himalang biglang nagbago ang kaniyang asawa. Tumigil ito sa bisyo, nagtrabaho at nagnegosyo dahilan upang biglang umangat ang kanilang buhay.

Dito na unti-unting nanumbalik ang pagmamahal niya rito. Muli nilang naayos ang kanilang pagsasama at muling nagkaroon ng isa pang anak. Ngunit, dahil sa mensaheng nabasa niya sa selpon ng kaniyang asawa, muli na namang nanumbalik ang paghihinala niya rito dahilan upang hanapin niya ang babaeng nagpapadala ng mensahe rito.

Kinausap niya ito at laking pagkainis niya dahil matapang pa ito sa kaniya. Sa katunayan, niyaya pa siya nitong makipagkita upang personal daw nilang mapag-usapan ang isyung ito. Tinakot niya itong magsasama ng pulis ngunit imbis na matakot, sabi pa nito, “Hindi ako natatakot dahil wala naman akong maling ginagawa sa’yo at sa asawa mong hindi ko naman kilala!” na labis niyang ikinapanggigil.

“Hindi niya kilala ang asawa ko? Eh, kanino niya nakuha ang numero no’n? Nakakainis! Malandi na, matapang pa sa legal na asawa!” sambit niya, ilang minuto bago siya tanungin ng asawa niya kung anong gusto niyang ulam.

Kinabukasan, ang araw kung kailan sila nakatakdang magkita ng naturang babae, maaga siyang nag-ayos ng sarili upang maipakita rito ang tunay niyang ganda.

Maya maya pa, nagtungo na siya sa isang pribadong restawrang pinagkasunduan nila at doon na niya ito agad na inaway.

“Alam mo, nagbago na ang asawa ko, eh, tapos dumating ka pa?” bungad niya rito, ngumiti lang ito saka sumenyas na siya’y umupo, “Ano bang gusto mo sa asawa ko, ha? Pera? O, ayan! Tigilan mo na kami!” dagdag niya pa saka inilapag ang isang sobreng naglalaman ng tseke.

“Saglit lang, ha? Pupwede mo bang hinaan ng boses mo? Nakakahiya kasi sa mga customers namin,” sambit nito na labis niyang ikinapagtaka.

“Customers niyo?” pag-uulit niya.

“Oo, ako ang may-ari nito kaya sa makatuwid, hindi ko kailangan ang pera niyo. Sikat ako sa social media dahil sa ganda ng restawran ko kaya siguro may mga taong gumagamit ng pangalan ko. May asawa’t anak din ako, ayon sila, o, sa kabilang lamesa, pinag-uusapan kung kailan namin bubuksan ang mall na pinatayo namin sa Maynila. Mahal na mahal ko ‘yang dalawang ‘yan, lalo na ang asawa kong labis kong pinagkakatiwalaan kahit pa maraming kalokohan dati,” patawa nitong sambit, kitang-kita niya ang kilig sa mga mata nito dahilan upang labis siyang makaramdam ng kahihiyan.

Dahil dito, agad siyang humingi ng tawad sa ginang na ito. Ngumiti lang ito at siya’y pinakain pa sa naturang restawran habang siya’y pinapangaralan tungkol sa pag-aasawa.

Doon niya napagtantong tila hindi pa niya tuluyang nakakalimutan at napapatawad ang mga kalokohan noon ng kaniyang asawa dahilan upang ganoon na lang siya mahirapang magtiwala rito.

Simula noon, ginawa niya ang lahat upang muling ibalik ang tiwala sa asawa dahil sa kabutihang pinapakita na nito sa kanilang pamilya.

“Diyos na ang bahala kung ako’y lolokohin mo pa, basta ako, malinis na ang puso ko dahil lubusan na kitang napatawad,” sambit niya rito dahilan upang siya’y halikan nito sa noo at yakapin.

Advertisement