Inday TrendingInday Trending
Namayat ang Matabang Dalaga nang Iwan ng Kasintahan, Pumayag Kaya Siya sa Nais Nito nang Muli Silang Magkita?

Namayat ang Matabang Dalaga nang Iwan ng Kasintahan, Pumayag Kaya Siya sa Nais Nito nang Muli Silang Magkita?

“Hoy, Cynthia! Grabe na ang pinayat mo, ha? Ang sexy sexy mo na! Pwede ka nang magmodelo katulad ng pinapangarap mo!” bati ni Miles sa kaniyang kaibigan, isang umaga nang makita niya ito sa palengke habang bumibili ng prutas.

“Oo nga, eh, pinursigi ko talagang maibalik sa dati kong timbang ang katawan ko. Nahihirapan na rin kasi ako, eh, marami na akong mga gamit na hindi nagagamit dahil sa taba ko,” kwento ni Cynthia.

“Iyon lang ba talaga ang dahilan ng pagpapapayat mo?” pabirong tanong nito.

“Oo?” patanong niyang sagot saka tumawa nang malakas, “Pero kasi, malungkot din ako at palaging walang ganang kumain simula noong iwanan ako ng nobyo ko at ipagpalit sa isang balerina,” dagdag niya pa dahilan upang tapik-tapikin siya nito.

“Para ngang biyaya pa ng Diyos ang pagkawala noon sa buhay mo, eh, tingnan mo, bumalik ang dati mong ganda at ang saya-saya pa ng mukha mo, para kang walang problema. Hindi katulad noong kayo pa, para kang may sampung anak na inaalagaan!” sabi nito na labis niyang ikinatawa.

“Grabe ka naman sa akin!” sigaw niya.

“Biro lang! Pero ang payo ko sa’yo, huwag mong pabayaan ang sarili mo, ha? Sigurado kasi ako, kapag nakita ka ulit ng lokong lalaking ‘yon, babalikan ka no’n!” sambit nito nang may pagbabanta sa mata, “O, siya, alis na ako, ang mga anak ko siguradong ngumangawa na sa gutom!” paalam nito saka na siya tuluyang iniwan sa gulayan.

Simula nang ipagpalit ng dating nobyo ang dalagang si Cynthia sa isang maganda at sexy na balerina, biglang bumalik ang katawan niya sa dating proporsyon nito.

Ang dating mahigit kumulang isang daang kilong dalaga na halos hirap nang maglakad at panay kain sa mga fast food chain, ngayo’y bumalik sa dati niyang timbang na limampung kilo at talaga nga namang kaagaw-agaw pansin ang gandang lumitaw.

Sa katunayan, hindi niya naman talaga sadyang mamayat ng ganito at maibalik ang dati niyang alindog. Buong akala niya nga noon, hanggang sa dulo ng buhay niya ganoon na lang ang katawan niya pero dahil sa labis na sakit na naranasan dahil sa ginawa ng kaniyang dating nobyo, bukod sa labis niyang ininda at ikinulong ang sarili sa kalungkutan, wala pa siyang ganang kumain dahilan upang sa loob ng isang taon, naibalik niya ang dati niyang katawan noong bago niya pa makilala ang lalaking ito.

At dahil sa biglaang pagpayat na ito, humina ang resistensiya niya dahilan upang payuhan siya ng doktor na mag-ehersisyo at kumain ng mga masusustansiyang pagkain at doon na niya tuluyang nakuha muli ang dati niyang katawan.

Noong araw na ‘yon, hindi niya maalis sa isip ang sinabi ng kaniyang kaibigan na babalikan daw siya ng lalaking iyon kapag siya’y nakita. Napapaisip siya, “Ano ‘yon, parang katawan ko lang ang nais niya? Babalik siya kasi payat na ako ulit?” dahilan upang subukan niyang magpakita rito kinabukasan.

Dahil nga isa itong swimming instructor, agad siyang nagtungo sa resort na pinagdadausan ng pagtuturo nito. Nag-swimsuit siyang pula at nilugay ang mahaba at kulot niyang buhok.

Tila umayon naman ito sa plano niya dahil nang makilala siya nito, bago pa siya lumublob sa tubig, agad na siya nitong pinuntahan at kinumusta.

“Grabe, Cynthia, ikaw ba talaga ‘yan? Para ka talagang isang anghel!” bati nito dahilan upang siya’y mapangiwi.

O, talaga? Bakit mo ako iniwan dati kung para akong isang anghel?” tanong niya rito dahilan upang mapakamot ito ng ulo.

“Ah, eh, wala naman kasing anghel na mataba,” sagot nito kaya agad siyang napailing.

“Ganoon ba? Alam mo, ayoko rin sa lalaking sa katawan bumabase ng pagmamahal dahil ang isang katulad ko, kailangan ng lalaking mamahalin ako kahit maging kasing laki pa ako ng balyena. Ang pisikal na katawan ay lilipas, maglalaho, pero ang puso, habang-buhay na sasama sa’yo,” sambit niya rito saka niya ito iniwan sa pool na iyon, hiyang-hiya ito sa mga titig ng taong nakarinig sa kanilang usapan.

Doon niya labis na napagtanto ang halaga niya bilang babae. Napag-isip-isip niyang ang katawan niya, hindi isang laruan na pupwedeng itapon kapag marumi na at muling pupulutin kapag nahugasan na.

“Tama nga si Miles, babalikan ako ng lokong ‘yon, pero hindi ko na siya muling tatanggapin,” ‘ika niya nang habulin siya nito at nagmakaawang sila’y mag-usap sa isa sa mga kwarto sa resort na iyon.

Advertisement