Inday TrendingInday Trending
Dinukot ng Isang Hindi Kilalang Lalaki ang Dalaga; Makatakas Pa Kaya Siya Rito?

Dinukot ng Isang Hindi Kilalang Lalaki ang Dalaga; Makatakas Pa Kaya Siya Rito?

“Heidi, ikawalong taong kaarawan mo na bukas, anong gusto mong pagkain? Kahit ano, kahit gaano karami, sabihin mo lang sa akin, ibibigay ko,” nakangiting sambit ni Gido sa dalagang kasama niya sa bahay, isang umaga nang dalawin niya ito sa pinasadya niyang bahay sa ilalim ng kaniyang bahay.

“Gusto ko ng cake, spaghetti, menudo, lumpia, pritong manok at lechong baboy, Gido,” masayang sagot ni Heidi habang pinapakita rito ang mga guhit niyang iba’t ibang klaseng pagkain.

“Ah, eh, hindi ako marunong gumawa ng cake, eh, kung bibili naman ako, makukwestiyon ako,” kamot-ulong tugon nito.

“Marunong akong gumawa kahit walang oven!” sabi niya nang may nangungusap na mga mata.

“Eh, hindi ko naman alam kung saan bibili ng mga sangkap no’n,” depensa niya pa.

“Pwede mo ba akong isama sa palengke? Alam ko lahat ng sangkap no’n, magtanong-tanong na lang tayo kung saan pupwedeng bumili,” ika niya dahilan upang agad itong mapailing-iling.

“Huwag na, ako na lang,” tipid nitong sambit saka muli nang sinuot ang sumbrero niya at tila paalis na.

“Isama mo na ako, please? Kahit cake na lang ang handa ko. Pangako ko pa sa iyo, hindi ako gagawa ng hindi mo gusto,” habol niya saka labis na nakiusap sa lalaki.

“Sige, ilista mo na lahat ng kakailanganing sangkap at kuhanin mo ‘yong posas. Magsuot ka rin ng face mask at sumbrero baka may makakilala sa’yo,” wika nito na agad niyang sinunod nang may kagalakan sa puso.

Walong taon na ang nakalipas simula nang dukutin ng isang lalaki ang noo’y sampung taong gulang na si Heidi.

Simula noon, hindi na niya nasilayan ang buhay sa labas. Tanging ang mahihinang mga busina ng kotse at ingay ng makina ng mga motorsiklong dumadaan ang kaniyang naririnig mula sa basement ng naturang bahay na pinagdalhan sa kaniya ng lalaking ito na hindi niya naman talaga kakilala.

Sa katunayan, inamin nito sa kaniya na kinuha siya nito dahil labis itong nahumaling sa ganda niya. ‘Ika pa nito, “Ibang klase ang ganda mo, Heidi, hindi ko mapigilan ang sarili ko,” dahilan upang labis siyang matakot dito noong una.

Ngunit kahit pa napupuno ng takot ang musmos na puso at pag-iisip niya, araw-araw niyang kinakalma ang sarili upang makapag-isip ng teknik kung paano makakalabas doon hanggang sa umabot na siya ng walong taon doon.

Mabait naman ang naturang lalaki dahilan upang hindi siya mahirapang pakisamahan ito kaya lang, nang siya’y magdalaga na at magkaroon na ng buwanang dalaw, doon na siya madalas na galaw*n nito na labis niyang pinandidirihan.

Pilit man siyang magsisisigaw at pumalag dito, wala siyang magawa kung hindi ang tiisin ang pahirap na ito.

Kaya naman, nang malapit na ang kaniyang kaarawan, gumawa siya ng plano kung paano makakalabas. Alam niyang hindi siya matatanggihan nito dahil espesyal na araw niya kaya naman hiniling niyang sumama rito sa palengke.

Noong araw na ‘yon, nang masunod na niya ang lahat ng pinag-uutos nito, agad na silang umalis. Tuwang-tuwa siyang makakita muli ng mga ibon, puno at mga sasakyan na halos ikaiyak niya.

“Masaya ka ba?” nakangiting tanong nito sa kaniya dahilan upang mapatango-tango siya, “Huwag kang gagawa ng ayaw ko, ha? Kung hindi habang-buhay kitang ikukulong sa silong,” pagbabanta pa nito sa kaniya habang nagmamaneho’t nakakabit ang kabilang posas sa kamay niya habang ang kabila’y nasa kamay nito.

Nang makapunta na sila sa palengke, sinadya niya itong dalhin sa maraming tao at doon na niya unti-unting kinalas ang posas na nakakabit sa kaniya sa pamamagitan ng susing kinuha niya sa kotse nito kanina.

Nang makalas na niya ito, dali-dali siyang tumakbo papunta sa mas maraming tao at doon na siya nawala ng naturang lalaking iyon. Naririnig man niya ang tawag nito at alam niyang hinahabol siya nito, mas lalo niya pang binilisan ang pagtakbo at agad na humingi ng tulong sa isang sekyu sa isang pribadong gusali malapit doon.

Doon na niya tuluyang nakuha ang kalayaang matagal na niyang minimithi dahil nang sabihin niyang siya’y nakidnap, agad itong tumawag ng pulis.

Hindi siya nagdalawang-isip na ikwento sa mga pulis kung anong ginagawa sa kaniya ng naturang lalaki, kung saan ito namamalagi at kung anong pangalan nito dahilan upang bago pa man ito makaalis ng naturang lalawigan, agad na itong madampot ng mga pulis.

Ganoon na lang ang saya niya, lalo pa nang muli niyang makita ang kaniyang mga magulang na halos mahimatay sa sobrang saya na muli siyang makasama.

“Ito ang pinakamagandang regalong natanggap ko sa loob ng walong taong pagtitiis sa madilim na lugar na iyon,” hagulgol niya habang yakap-yakap ang kaniyang mga magulang na hindi tumigil sa paghahanap sa kaniya.

Advertisement