Aksidente Niyang Natuklasan ang Lihim ng Kaniyang Ama; Paano Nito Babaguhin ang Kanilang Pamilya?
“Papa! Hindi po ba kakasweldo niyo lang? May papabili po sana ako. Medyo mahal nga lang po pero bibilin niyo naman po ‘di ba?” pakiusap ni Reina sa kaniyang ama. Pinapungay niya pa ang mga mata dahil alam niyang hindi siya matitiis nito.
May gusto na naman kasi siyang bilhin na bagong kolorete sa mukha kaya nanghihingi siya ng perang pambili sa kaniyang ama.
Alam niya naman na ibibigay nito ang kaniyang gusto. Bata pa lamang siya ay sanay na siyang nakukuha niya ang kaniyang gusto palibhasa ay nag-iisang anak siya.
Isa pa, daddy’s girl siya simula pagkabata. Ang kaniyang ama na itinuturing niyang superhero.
“Naku anak, pwede bang ipagpaliban muna natin ‘yung bibilhin mo?” malambot na wika ng kaniyang tatay.
Agad siyang napasimangot sa isinagot nito. Nagdadabog siyang umakyat sa kaniyang kwarto upang magmukmok at magkulong.
Nakarinig siya ng katok sa kaniyang pinto ngunit hindi niya iyon pinansin. Ilang beses pa itong kumatok bago nakasimangot niyang binuksan ang pinto.
“Reina, pasensiya ka na. May naitatago pa pala ako dito. Ito na lang ang ipambili mo,” nakangiting bungad sa kaniya ng ama.
Nagliwanag ang mukha niya dahil sa perang nakalahad sa kaniyang harapan. Kinuha niya ito sa kamay ng ama saka ito niyakap nang mahigpit.
“Salamat, Papa!” nagniningning ang matang sambit niya.
Habang kumakain sila ay pinag-uusapan ng kaniyang mga magulang ang mga bayarin nila sa bahay.
“Siguro ay marami ka nang naiipon ‘no? Akala mo ba ay hindi ko napapansin ‘yang mga bawas sa perang binibigay mo sa akin,” kastigo ng kaniyang ina.
“Maliit na halaga lang naman. Ipang-iinom ko lang kasama ang mga kaibigan sa katapusan ng buwan,” pagdadahilan ng kaniyang ama.
“Malaman laman ko lang talaga na may babae kang binibigyan ng pera, humanda ka!” banta ng kaniyang ina saka matalim na tiningnan nito ang kaniyang ama na nanatiling tahimik.
Tahimik lamang si Reina kahit gusto niyang kontrahin ang ina. Alam niya kasi na hinding hindi magloloko ang Papa niya.
“At ikaw naman, Reina, tigilan mo ‘yang mga pagpapabili mo at makuntento ka sa binibigay sa’yo. Marami na ngang bayarin tapos sasabay ka pa,” masungit na baling naman ng kaniyang ina sa kaniya.
Kung sa tatay niya ay kaya niyang manghingi ng kahit na anong halaga, sa kaniyang ina naman ay hindi siya uubra. Palagi siya nitong pinapagalitan dahil sa kung anu anong bagay na kaniyang pinapabili.
Nakangiwing tinanggap na lamang niya ang sermon ng ina.
Isang araw ay pauwi na siya galing sa ekswela. Akmang tatawagin niya ang ama nang makitang ibang eskinita ang pinasok nito.
Nagtatakang sinundan niya ang ama at laking gulat niya nang makita itong pumasok sa isang bahay.
Nanlaki ang mata niya nang sinalubong ito ng yakap ang isang dalaga.
Napakaganda nito at sa tingin niya ay iilang taon lang ang tanda sa kaniya.
Tila totoo yata ang sinasabi ng kaniyang ina tungkol sa Papa niya? May babae nga ba ito?
Sa kaniyang pagkagulat ay napatakbo na lamang siya habang gulong gulo ang isip sa nasaksihan.
“Nandito na ‘ko,” anunsyo ng kaniyang ama ng makarating na ito sa bahay.
“Gabi na, ah?” masungit na bungad ng kaniyang ina na nagluluto.
Nang nilapitan siya ng kaniyang ama upang yakapin ay agad siyang tumayo at nagpaalam na matutulog na nang maaga upang umiwas. Hindi niya pa kayang harapin ito.
Namomroblema siya dahil sa kaniyang nakita. Ayaw niyang pangunahan ang nakita at maghinala. Gusto niya munang malaman ang katotohanan galing sa bibig ng kaniyang ama.
“Papa,” tawag niya sa ama nang matiyempuhan niya itong mag-isa sa sala habang nanonood.
“Nakita po kita kanina, may pinuntahan kang babae. Sino po ‘yun?” diretsahang tanong niya gamit ang nanginginig na boses.
“Naghanap nga po ba kayo ng mas bata kay Mama?” muli niyang tanong dito. Kaunti na lang ay babagsak na ang luha sa kaniyang mga mata.
“Hindi na ako magsisinungaling sa’yo, anak–
“Paano niyo po nagawang lokohin si mama?” putol niya sa sinasabi nito. Sa bugso ng emosyon ay hindi niya napigilan na mapasigaw.
Naramdaman niya ang presensiya ng kaniyang ina.
“Reina, bakit ka nasigaw?” inis na usisa ng kaniyang ina na mukhang patulog na.
“Mama! Si Papa po, may babae! Nakita ko po siya!” agad na sumbong niya rito.
“Ano?” galit na sigaw ng kaniyang ina. Sinugod nito ang asawa saka pinagpapapalo.
“Paano? Paano mo nagawa sa akin ito, Robert?” maya maya ay umiiyak na napaupo ang kaniyang ina sa sofa.
“Hindi ko siya babae. Anak ko siya, ang Ate Kim mo,” maya maya ay mahinang wika ng kaniyang ama.
Nanlaki ang mata niya sa narinig.
“Hinding hindi ko matatanggap ang anak mo sa labas, Papa!” galit na sigaw niya.
Agad siyang umakyat sa kaniyang kwarto at kinandado iyon.
May kapatid pala siya. Hindi pala siya ang nag-iisang anak. Umiiyak na nagmukmok siya sa kaniyang silid.
Nang gabing iyon ay nag-usap nang masinsinan ang kaniyang Mama at Papa. Pulos galit na sigaw ang narinig niya mula sa ina subalit sa huli ay nagkaayos rin ang dalawa.
Ayon sa kaniyang Papa ay nabuo ang kaniyang kapatid bago pa magpakasal ito at ang ina niya.
Lumaki ang kaniyang kapatid sa bahay-ampunan dahil mas gusto raw nitong manirahan doon kaysa sumiksik sa pamilya nila.
Ngayon ay patapos na ito ng kolehiyo. Nagtatrabaho rin ito sa isang restawran upang may maipangbayad sa pangungupahan nito at sa eskwela.
Sa nalaman ay bahagyang lumambot ang puso ni Reina. Lumaki siya na ibinibigay ng kaniyang Papa ang lahat ng naisin niya samantalang ang kaniyang kapatid ay namuhay nang mag-isa habang itinatago ito ng kaniyang ama.
Iyon ang araw na makikilala niya ang kaniyang Ate Kim.
“Magandang umaga po,” nahihiyang bati sa kanila ng dalaga. Pumasok ito sa kanilang bahay at naupo.
“Kim. Ako si Tita Esther mo, asawa ng Papa mo. Pero pwede ring Mama ang itawag mo sa akin,” pagbibiro ng kaniyang ina.
Kita ang gulat at saya sa mukha ng kaniyang Ate Kim. Marahil ay inaasahan nito na magagalit sila.
“Ako si Reina,” malamig na pagpapakilala niya. Nakayuko lamang siya dahil sa hiya. Pinaghinalaan niya kasi ito na kabit ng kaniyang ama.
“Alam ko. Sa wakas ay nakita na rin kita. Lagi kang kinukwento ni Papa,” malambing na wika nito.
Naiwan silang magkapatid sa sala. Hindi naman malaman ni Reina kung paano niya pakikitunguhan ang kaniyang kapatid.
“Ang swerte mo sa magulang mo, ano? Kumpleto sila at naalagaan ka. Masarap siguro sa pakiramdam,” pagbasag ng kaniyang Ate Kim sa katahimikan.
“Alam mo, gustong gusto kong magkaroon ng kapatid. Kapag kasi mayroon ako kahit kapatid, ibig sabihin nun ay may pamilya ako at hindi ako nag-iisa. Kaya nga tuwang tuwa ako nung ipinakita ni Papa ang ‘yung picture mo,” kwento nito. Sa labi nito ay may nakapaskil na malawak na ngiti.
Naluluhang napatango na lamang siya dito. Alam niya kasi na hindi ito nakaranas na magkaroon ng buong pamilya.
Marami silang napag-usapan at nakita niya na napakabait nito. Kailanman ay hindi ito naghangad na humingi ng kung ano anong materyal na bagay sa kanilang Papa.
Tuluyan nang natibag ang yelo na ibinalot niya sa puso at natanggap niya na ang katotohanan na mayroon siyang kapatid.
Nagkaroon siya ng reyalisasyon na mas masaya nga kung mayroon siyang kapatid – kapatid na lalapitan sa oras ng problema, hihingian ng tulong at makakasama lagi.
Dapat ay hindi niya sinasarili ang mga regalong ibinigay sa kaniya ng Panginoon lalo na ang kaniyang mga magulang.
“Sana ay ‘matanggap mo na magkapatid tayo, Reina. Matagal ko nang gusto na magkaroon ng pamilya,” sinserong wika nito.
“Hindi po. Masaya nga po ako na may Ate na ko,” sa wakas ay nakangiting wika niya rito.
Naghapunan sila nang magkakasama. Puno ng kuwentuhan at tawanan ang lamesa noong gabing iyon.
Dahil lubhang napakabait ng kaniyang Ate, maging ang kaniyang ina ay napalapit rito. Namuhay sila bilang isang masayang pamilya nang pumayag ang kaniyang Ate Kim na pumisan sa kanila.
Tuwang tuwa naman si Reina sa mga nangyari. Bagaman aksidente ang pagkakatuklas niya ng lihim ng ama ay may maganda iyong kinahinatnan – ang pamilya nila ay mas pinagtibay ng pagsubok.