Itinuring Niyang Anak ang Batang Inaalagaan; Ganoon na Lamang ang Lungkot Niya nang Kinailangan Nilang Maghiwalay
“Ngayon ang unang araw mo sa trabaho ‘di ba, Sarah? Ingat ka ha. Galingan mo!”
Malawak na ngumiti si Sarah sa kaibigan na nakilala niya sa agency. Iyon ang unang araw niya sa trabaho kaya hindi maaalis sa kaniya ang kaba.
Balita niya ay napakayaman ng bagong pamilyang pagsisilbihan. Tumawag ang mga ito sa kanilang agency para kumuha ng yaya na mag-aalaga sa anak habang abala ang mga ito sa trabaho. Siya ang na-assign sa trabaho kaya heto siya at patungo na roon.
“Dito na po tayo, Ma’am. Eto ho ang address na hinahanap niyo,” wika sa kaniya ng taxi driver nang huminto ang sasakyan.
Agad siyang nagpasalamat sa taxi driver at lumabas mula sa sasakyan. Bumungad sa kaniya ang napakagarbo at napakalaking bahay. Hindi maikakaila ang karangyaan ng mga nakatira doon.
Mas lalo siyang kinabahan at palihim niyang nahiling na sana ay mababait ang kaniyang magiging amo.
“Ikaw na ba ang bagong yaya? Ako si Margareth at ang asawa ko namang si Jaime ay nasa trabaho pa. Halika at ipapakilala ko muna sa iyo ang aalagaan mo,” magiliw na bungad sa kaniya ng isang sopistikadang babae.
Mukhang dininig naman ng Diyos ang kaniyang munting hiling dahil mabait ang babaeng amo sa kaniya. Ipinakilala siya nito sa ibang kasambahay bago siya nito ipinakilala kay Joshua, ang batang kaniyang aalagaan.
“Hello, Joshua. Ako si Manang Sarah,” wika niya sa palakaibigan na tono ngunit imbes na ngumiti ay umatras ito bago tumakbo papasok sa isang kwarto. Agad itong tinawag ng ina ngunit hindi na ito bumalik pa.
“Ganun talaga siya. Ayaw niyang makihalubilo sa kahit na sino,” paliwanag ng ina ng bata.
Totoo ang sinabi ng ina ni Joshua. Likas na mahiyain ang bata. Wala itong ginawa kundi ang magpinta ng kung ano ano sa loob ng kwarto at lalabas lamang ito kung nagugutom.
Parehong abala ang magulang nito. Umaalis ang mga ito nang tulog pa ang bata at uuwi kapag tulog na ito.
“Hindi ka pa ba matutulog?” tanong niya nang maabutan niya itong nagkukusot ng mata habang yakap yakap ang isang notebook.
“Inaantay ko pa po sina Mommy,” malamlam ang matang sagot nito. Bakas sa mukha nito ang pinipigilang antok.
Ngumiti siya at tinabihan ang bata.
Itinanong niya ito tungkol sa kung ano ano hanggang sa mapukaw niya ang interes nito nang sabihin niyang mahilig rin siyang mag-drawing noong bata siya.
“Tingnan mo, Manang! Nag-drawing ako kanina. Ipapakita ko ‘to kay Mommy at Daddy para payagan nila akong isali ito sa contest sa school!”
Sabik nitong ipinakita sa kaniya ang iginuhit nito. Napangiti siya nang makita ang larawan nito kasama ang kaniyang magulang.
“Wow! Ang ganda, Joshua! Siguradong matutuwa ang mga magulang mo sa’yo!” sinsero niyang komento.
“Talaga po? Yehey! Excited na ako na umuwi sila!” bulalas nito.
Sa unang pagkakataon ay nakita niyang ngumiti ito sa kanya. Sinamahan niya ito na maghintay kahit na hirap na rin siya labanan ang antok.
Nang marinig nito ang kotseng pumaparada ay agad itong kumaripas ng takbo upang salubungin ang magulang.
“Mommy! Daddy! Tingnan niyo! Nag-drawing ako!” excited na salubong ng bata.
Ngunit sa pagkadismaya ni Sarah ay nilampasan lang ito ng pagod na mga magulang.
“Sasali ako sa contest next week!” patuloy na paghabol ng bata sa nanay nitong hindi man lang simulyapan ang anak.
“Sige, kung anong gusto mo, Joshua,” pagod na sagot lang ng ama nito.
Hindi man ito binigyan ng kahit kakarampot na atensyon. Kitang-kita ni Sarah ang pagkabigo sa mata ng bata.
“Pagod lang sila sa trabaho kaya ganon. ‘Wag ka nang mag-alala,” pag-amo niya sa bata habang mabining hinahaplos ang likod nito.
Parang kinurot ang kaniyang puso nang makita ang luhang tumulo mula sa mga mata ng paslit. Gusto niyang palakasin ang loob ng bata kaya naman hindi niya maiwasang mangako rito.
“Sasali ka sa contest ‘di ba? Mag-practice ka lang nang maiigi, ako na ang bahala sa Mommy mo! Sisiguraduhin kong papayagan ka nila!” nakangiting pangako niya rito.
Agad na tumigil ang luha ng bata at sa gulat niya ay niyakap siya nito nang mahigpit.
Napangiti na lang si Sarah. Tuluyan na kasing napalapit ang loob niya kay Joshua.
Tinupad niya naman ang pangako sa bata kaya nakasali ito sa contest.
“Manang! Manang Sarah! Tingnan mo po, nanalo ako!” sumisigaw na bungad ni Joshua.
Ipinakita nito sa kaniya ang pininta nito at muntik na siyang maluha nang makita ang larawan. Silang dalawa ni Joshua.
“Talaga? Joshua, ang galing mo!” pigil ang luhang puri niya sa bata.
Napakatalentado talaga nito. At alam niyang gusto gusto nito ang ginagawa, kulang lang ito sa atensyon ng magulang at tiwala sa sarili kaya naman parati niyang pinalalakas ang loob ng bata.
Naging mas malapit silang dalawa, at itinuring niya itong parang tunay na anak.
Sinusuportahan niya ang bata sa lahat ng gusto nito at binuhusan niya ito ng pagmamahal kahit na hindi niya ito kadugo.
Ngunit sadyang walang permanente sa mundo dahil pagkatapos ng halos limang taon niyang paninilbihan ay kinausap siya ng kaniyang amo.
“Sa Amerika na kami titira. Doon na rin magpapatuloy ng pag-aaral si Joshua. Maraming salamat sa serbisyo mo, Manang Sarah,” walang kaabog-abog na pagbabalita ng kaniyang amo.
Balde balde ang iniluha nila ng alagang si Joshua nang magkawalay sila. Subalit sa kabilang banda, masaya rin siya dahil mas maraming oportunidad ang naghihintay rito. Alam niyang malayo ang mararating ng talento ng pinakamamahal na alaga.
Umuwi siya sa probinsiya at doon na nanirahan.
Sa tagal ng panahon ay hindi na siya nagkaasawa o nagkaanak dahil medyo may edad na siya gayunman ay nakontento siya sa simpleng buhay-probinsiya.
“Manang Sarah, may naghahanap sa’yo. Taga-Maynila yata at mukhang magara ang kotse,” isang araw ay humahangos na balita ng kapitbahay niyang si Gigi.
Hindi niya alam kung sino ang tinutukoy nito ngunit nang makita ang pamilyar na lalaki sa kaniyang harap ay kusa siyang naiyak. Gaano man kahabang panahon ang lumipas ay hinding hindi niya malilimot ito.
“Joshua! Alaga ko!”
“Manang!”
Niyakap nila ang isa’t-isa. Ilang taon na ang lumipas noong huli silang magkita. Binatang binata na ito!
“Medyo nakikilala na nila ang pangalan ko, Manang. Nanalo ako sa marami-raming contest,” masayang pagbabalita nito sa kaniya. Sa mata nito ay muli niyang nakita ang pamilyar na kislap.
Ngumiti siya dito at hinawakan ang pisngi nito.
“Proud na proud ako sa’yo, Joshua.”
“Hindi ako makakarating dito kung wala kayo, Manang Sarah. Salamat sa pagtitiwala na kaya ko noong hindi ko rin pinagkakatiwalaan ang sarili ko,” emosyonal na wika ng lalaki.
Bago ito umalis ay ipinagawa nito ang kaniyang kubo. Hindi raw nito maatim na hindi siya komportable habang natutulog. Ayaw niya man ay mapilit ito.
Nang matapos ang bahay ay malawak ang kanilang ngiti. Ang pinakaunang makikita sa loob ng kaniyang bagong bahay ay ang ipininta nitong larawan nilang dalawa ilang taon na ang nakalilipas.
Lilipas ang panahon, makakalimutan ang alaala ngunit ang una at ang pinakaespesyal na regalo ay nakapinta at hindi basta basta mabubura ng distansiya at panahon.