Isang Dating Kaklase ang Biglang Nakipag-ugnayan sa Babae at Nagsasabing Ninang Siya ng Anak Nito; Matapos Bigyan ng Pamasko ang Inaanak, Bakit Bigla Siya Nitong B-in-lock?
Malapit na ang Pasko, ngunit hindi kagaya ng ibang mga Pasko, ngayon ang unang beses na walang mga pagtitipon dahil nga sa nararanasang pandemya. Masayang-masaya naman si Rowena dahil kahit na hindi nakapunta ang kaniyang mga inaanak sa kaniya upang makapagmano, marami pa rin ang bumati at nangumusta sa kaniya. At dahil sadyang galante si Rowena pagdating sa kaniyang inaanak, pinadadalhan niya pa rin ang mga ito ng pamasko.
Bago mag-Pasko, isang mensahe sa Messenger ang nakita niyang ipinadala sa kaniya. Napunta ito sa spam message. Hindi niya marahil friend ang nagpadalang netizen. Nang suriin niya kung sino ito, namukhaan kaagad niya: ang dati niyang kaklase sa hayskul na matagal na niyang hindi nakita. Bumati ito sa kaniya ng ‘Merry Christmas!”
Gumanti naman siya ng pagbati. “Merry Christmas din,Lotlot! Kumusta ka na?”
Maya-maya, tumugon naman ang kaniyang kaklase na nagngangalang Lotlot.
“Uy kumusta ka na! Kilala mo pa ba ako? Si Lotlot ito na kaklase mo noong sa hayskul. Long time no see ah. Mabuti nga nakita kita rito sa social media eh.”
“Ayos naman ako. Heto may sarili nang pamilya. Ikaw ba? Kumusta? Nasaan ka ngayon?” ganting tanong ni Rowena.
“May anak na rin ako kaya lang walang asawa! Baby girl. Oo nga pala, ikaw pala ang ninang nito. Inilagay kita sa listahan noong bininyagan. Baka naman, ninang! Mamamasko po!” saad nito.
“Ay talaga? Nakakatuwa naman na may anak ka na rin. Puwede bang makita siya? Saka ninang pala niya ako? Bakit ngayon mo lang sinabi, eh ‘di sana nakapunta ako sa binyag?” turan ni Rowena. Sanay na siya sa mga ganoong paandar ng mga kakilala, na kesyo siya raw ang ninang ng kanilang mga anak, bagay na ikinagugulat na lamang niya.
“Sige, video call tayo. Papakita ko siya sa iyo.”
Maya-maya, tumatawag na nga sa pamamagitan ng video call si Lotlot.
“Wow, ang ganda-ganda naman ng ninang ng anak ko! Mukhang hiyang na hiyang ka sa life mo ngayon ah? Dati payatot ka lang saka tatahi-tahimik, ngayon mukhang asensado ka na,” saad ni Lotlot sa kabilang linya. Makikitang kalong nito ang isang sanggol, na sinasabi nitong inaanak niya.
“Ikaw naman! nambola ka pa, Lotlot. Hindi ka pa rin nagbabago. Taklesa ka pa rin! Teka, siya na ba ang inaanak ko? Napaka-cute naman niya! Anong pangalan niya?” usisa ni Rowena.
“Charmaine Jane ang pangalan niya kaya Ceejay ang magiging palayaw niya,” tugon naman ni Lotlot.
“May itatanong sana ako sa iyo, pero puwede mong hindi sagutin kung hindi ka komportable. Nasaan ang ama niya?” tanong ni Rowena.
“Hay naku huwag mo nang alamin, mare! Kinalimutan ko na. Teka lang mare, medyo kailangan ko kasi talaga ng pambili ng gatas ni Ceejay, hindi kasi ako ginagatasan. Kaya baka naman puwedeng lakihan mo na ang pamasko mo sa kaniya? Sige na maawa ka naman mare, mukhang asensado ka na naman na eh, ” hirit ni Lotlot.
Nagpanting naman ang tenga ni Rowena subalit pinili niyang magtimpi. Hindi niya nagugustuhan ang ginagawa ni Lotlot. Ngayon lamang siya nakaranas ng isang “kumare” na nagdedemand ng pamasko para sa kaniyang inaanak, na kung tutuusin ay hindi naman niya kilala, at hindi pa siya sigurado kung talagang inaanak ba niya.
Subalit nanaig pa rin ang kabutihan sa puso ni Rowena. Wala namang kasalanan ang bata sa katabilan ng dila ng kaniyang ina. Isa pa, Pasko naman.
“Ah sige mareng Lotlot. Padala na lang sa akin ng bank details mo, ipapadala ko na lang.”
Tuwang-tuwa naman si Lotlot. Matapos ang kanilang pag-uusap, agad nitong ipinadala ang bank details sa chat. Pinadalhan niya ng 1,000 piso ito para wala nang masabi. Nagtaka siya dahil nang sinabi niyang nakapagpadala na siya, “seenzone” lamang ang ginawa nito sa ipinadala niyang screenshot ng confirmation receipt ng bank transfer transaction na ginawa niya. Hindi man lamang nagpasalamat.
Maya-maya, isang group message ang natanggap ni Rowena mula sa dati nilang kaklase.
“Mga dating kaklase, nakatanggap ba kayo ng mensahe mula sa dati nating kaklase na si Charlotte Custodio na nagsasabing ninong o ninang kayo ng anak niya? Huwag basta-basta maniniwala at magtiwala. Wala po siyang anak; ang batang ipinakikita niya at sinasabi niyang anak ay pamangkin niya at ginagamit niya lamang upang makakuha ng pera sa atin, pati na sa iba pang mga alumni. Nakalulungkot mang isipin, subalit manggagantso ang babaeng iyan.”
Agad na tiningnan ni Rowena ang profile ni Lotlot sa Facebook, subalit hindi na niya makita, hindi kagaya kanina. Tiningnan niya ang Messenger subalit nakalagay ang “You Cannot Reply To This Conversation” na nangangahulugang na-blocked na siya nito.
Sa pagtatanong-tanong at batay na rin sa mga post at status ng kanilang mga dating kaklase at ka-eskuwela, marami-rami rin pala ang naloko ni Lotlot. Ginamit pa nito ang walang kamalay-malay na pamangkin para lamang makapanghuthot ng pera sa kanila. Wala nang naging balita kung nasaan na si Lotlot dahil mabilis itong nakapagdeactivate ng account: ang sabi ay nasa probinsiya raw ito.
Sa susunod, talagang mag-iingat na si Rowena sa sinumang magsasabing ninang siya ng kanilang mga anak; ayaw niyang kunsintihin ang mga panlolokong naranasan, na hindi niya inakalang magagawa ng isang dating kaklase.