Inday TrendingInday Trending
Pinaghinalaan ng Ina ang Kaniyang Anak na Nagbubulakbol Lamang at May Ginagawang Kalokohan; Nagulat Siya sa Kaniyang Natuklasan

Pinaghinalaan ng Ina ang Kaniyang Anak na Nagbubulakbol Lamang at May Ginagawang Kalokohan; Nagulat Siya sa Kaniyang Natuklasan

“Ano ka ba naman, Joseph! Bakit naman ganiyan ang mga marka mo sa card! Tumino ka naman! Puro bulakbol kasi ang inaatupag mo kaya palakol na naman ang grado mo sa Science at Math! Diyos ko namang buhay ito! Kailan ba ako matatapos sa mga problema ko!”

Hindi na lamang umimik si Joseph, 17 taong gulang, at nasa panghuling taon sa Senior High School. Sadyang may kapurulan ang kaniyang isip, kaya hirap na hirap siya sa asignaturang Science at Math. Subalit hindi iyon ang matagal nang pinagngingitngit sa kaniya ng inang si Aling Helena. Noong nakaraang taon kasi, nawala siya sa tamang landas matapos mag-cutting classes sa mga eskuwela at maghapon sa computer shop. Napabayaan niya ang pag-aaral.

Labis na lungkot kasi ang kaniyang naramdaman nang iwanan sila ng kaniyang ama at sumama sa ibang babae. Simula noon ay naging bugnutin na rin si Aling Helena. Naiwan dito ang mag-isang pagtataguyod para sa kanila. Lagi na lang itong nakabulyaw. Nawalan tuloy ng amor si Joseph upang magpatuloy sa pag-aaral.

Subalit naayos naman niya ito. Kaya lang, parang nawalan naman ng tiwala sa kaniya ang ina. Sa tuwing napapagabi siya ng uwi, iniisip kaagad nito na nasa lakwatsahan siya.

“Ikaw na lang ang inaasahan ko, Joseph! Huwag ka namang gumaya sa ama mo na napakawalang kuwenta! Hayun, tingnan mo ang ginawa ng ama mo. Pinagpalit tayo sa isang babaeng ni hindi ko mapinta ang mukha! Ayusin mo ang pag-aaral mo para kapag nakatapos ka, makahanap ka ng magandang trabaho! Huwag puro bulakbol at walang mangyayari sa kinabukasan mo, bata ka!”

Makalipas ang ilang buwan, napapansin ni Aling Helena na laging gabi na umuuwi si Joseph. Naoobserbahan din niyang tila lagi itong pagod o hapong-hapo.

“Mare, mukhang may hindi magandang ginagawa si Joseph. Natatakot akong komprontahin eh. Baka kapag nalaman ko ang totoo, hindi ko kayanin,” nasabi ni Aling Helena sa kaniyang kaututang-dila at kapitbahay na si Aling Zening.

“Bakit? Paano mo naman nasabi? Eh hindi ba nahilig sa computer games iyan? Iyan na naman ba?”

“Hindi eh… gabi na siya kung umuwi, namamayat, at parang tahimik. Tapos mukhang pagod na pagod. Mukhang… mukhang gumagamit ng ipinagbabawal na gamot eh. Naghihintay lang ako ng tiyempo na hulihin siya. Sa palagay mo ba?” tanong ni Aling Helena.

“Mabuti pa, magpunta ka sa paaralan niya at kausapin mo ang gurong tagapayo niya. Para malaman mo, kung hanggang tanghali lamang ang pasok nila, aba’y dapat nasa bahay na siya ng hapon, at walang dahilan para gabihin. Mag-imbestiga ka muna, siyempre hindi naman aamin kaagad ang isang taong nasukol. Kailangan may ebidensiya ka bago mo siya komprontahin,” payo ni Aling Zening.

Sumang-ayon naman si Aling Helena. Nagsadya siya sa paaralan nang hindi nalalaman ni Joseph. Gusto niyang malaman kung ano ang mga pinagkakaabalahan nito sa paaralan. Mabuti na lamang at bakante naman ang kaniyang gurong tagapayo kaya nakausap siya nito nang masinsinan.

“Naku Nanay, napapansin ko nga po na para bang laging inaantok si Joseph sa klase. Kapag naman natatanong, pagod daw. Gusto ko pong itanong sa inyo kung ano ba ang dahilan ng pagkapagod niya sa gabi? Gawaing-bahay po ba?” usisa ng gurong tagapayo.

“Naku hindi ho. Hindi nga ho tumutulong iyan sa mga gawaing-bahay. Iyan nga po ang gusto kong malaman,” saad naman ni Aling Helena at inilahad niya ang kaniyang mga hinuha sa guro.

Kaya nang uwian, minarapat ni Aling Helena na palihim na sundan ang anak. Hindi naman siya nabigo. Sinundan niya ang anak na naglalakad lamang sa pag-uwi. Hindi ito papunta sa direksyon ng kanilang tahanan… kung hindi sa isang construction site.

“Anong ginagawa niya rito?” bulong sa sarili ni Aling Helena.

Mula sa malayo, nakita niyang nagpalit ng damit si Joseph, nagsuot ng sumbrero, at nagsimula nang magpala ng mga buhangin. Napagtanto ni Aling Helena na nagtatrabaho sa naturang construction site si Joseph mula hapon hanggang gabi!

Kaya pag-uwi nito sa bahay, sa halip na pagalitan, ay pinagluto niya ito ng paborito nitong ulam na adobong manok.

“Oh Joseph, anak… nariyan ka na pala. Kumain ka na. Halika at ipaghahain na kita…”

Napatda at nagtaka naman si Joseph sa ikinilos ng ina. Sanay na siyang pinagagalitan nito kapag ganitong gabi na siya kung umuwi. Subalit iba ngayon. Umupo pa ito sa kaniyang harapan at pinanood pa siyang kumain.

“Anak… patawarin mo ko kung kinakailangan mong kumayod, kung kinakailangan mong magtrabaho. Patawarin mo ako kung hindi ko maibigay nang sapat ang mga pangangailangan mo. Alam ko na ang lahat. Sinundan kita kanina…” naiiyak na pag-amin ni Aling Helena.

Tumayo naman si Joseph at niyakap ang kaniyang ina.

“‘Nay, gusto ko lang po kayong tulungan. Hayaan po ninyo akong magtrabaho para kahit paano, mawalan na kayo ng iintindihin. Saka dagdag din iyon sa panggastos dito sa bahay. Mas mainam na po iyon kaysa sa magbulakbol po ulit ako, hindi ba?”

At tuluyan na ngang naiyak si Aling Helena. Niyakap niya ang kaniyang anak. Kaya lamang siya masungit dito dahil nakikita niya ang asawa sa mga ginagawa nito noon. Ayaw niyang magaya ito sa kaniyang iresponsableng mister, na iniwanan lamang sila sa ere.

Hinayaan lamang ni Aling Helena na magpatuloy sa pagtatrabaho si Joseph, basta’t hindi nito pababayaan ang kalusugan at pag-aaral, hanggang sa dumating ang araw ng pagtatapos nito sa hayskul. Dahil nakaipon ito ng sapat na pera mula sa pagtatrabaho, nakapagpatuloy ito sa kolehiyo at napag-aral ang sarili, dahil nagpasya itong mag-working student.

Matapos ang apat na taon, natapos nito ang BS Civil Engineering, nakapagtrabaho, at binigyan siya ng magandang buhay. Nataas pa kaagad ito sa tungkulin. Sino ang mag-aakalang isa itong bulakbol at mahina sa Science at Math noong hayskul?

Napagtanto ni Aling Helena na dapat ay huwag bibitiwan ang paniniwala sa mga anak; na ang mga anak ay kailangan lamang gabayan. Maaaring nagkakamali man sila, subalit maniwala lamang sa kanilang kakayahang magbago para sa ikagaganda ng kanilang hinaharap.

Advertisement