Hindi Tanggap ng Pamilya ng Lalaki ang Kaniyang Nobya Dahil May Anak na Ito sa Pagkadalaga; Maipaglaban Kaya Nito ang Pagmamahalan Nila?
“Diyos ko naman Xander, pipili ka na lamang ng babaeng i-aakyat dito sa bahay, doon ka pa nauwi sa disgrasyada, at ang pangit pa! What happened to your taste?” sinasadya talaga ni Roella na iparinig kay Joyce ang kaniyang mga sinabi.
Ipinakilala ni Xander ang kasintahang si Joyce sa kaniyang matapobreng pamilya. Ganoon na lamang ang pagkadismaya ng kaniyang Mama, lalong-lalo na ang kaniyang Ate Roella, dahil bukod sa may anak na si Joyce, ay hindi pa ito masyadong maganda.
“Ate, mahal na mahal ko si Joyce. Sa lahat ng mga babaeng nakilala ko, siya lang ang nagpakita sa akin nang tapat na pagmamahal. Alam kong hindi pera lang ang habol sa akin ni Joyce, kung iyan ang inaakala ninyo,” pagtatanggol ni Xander sa kaniyang nobya. Nakatungo lamang si Joyce. Nasa komedor siya ng mga sandaling iyon. Nag-uusap ang pamilya sa salas.
“Xander, hindi ko matatanggap ang babaeng iyan. Hiwalayan mo siya kung hindi, hindi ko ibibigay sa iyo ang pamamahala sa ating malls. Isa pa, ayoko sa mga babaeng may bastardo. Gusto ko, dugong Gideon ang nananalaytay sa dugo ng aking magiging apo,” saad naman ni Donya Nueva sa kaniyang kaisa-isang anak na lalaki.
“Look Xander… mas matatanggap ko pa na i-date o pakasalan mo ang mga supermodels na nakilala mo at ipinakilala sa amin, kaysa sa babaeng iyan! Tingnan mo nga ang hitsura niya, my God! Hindi kayo bagay at hindi siya bagay sa pamilya natin. Well, puwede siya sigurong maging kasambahay? Bagay na bagay sa kaniya kapag pinagsuot mo siya ng uniporme ng mga kawaksi natin!” walang preno ang bibig ni Roella.
Hindi na nakatiis pa si Joyce. Tumayo siya at magalang pa ring lumapit sa kanila.
“Mawalang-galang na ho, siguro hindi po ito ang tamang pagkakataon para magkausap-usap tayo, mas mainam po siguro kung mauuna na po ako. Maraming salamat po sa ipinahanda ninyong dinner,” magalang na pamamaalam ni Joyce.
“Well mabuti pa nga, at sana, this will be the first and last time na makikita ka namin. To tell you frankly and I’m sure narinig mo naman, ayaw ka namin para kay Xander. Imagine, kung itutuloy mo ang relasyon mo sa kapatid ko at magpapakasal kayo, girl, just imagine your day na laging miserable dahil sisiguraduhin naming pagsisisihan mong nilandi at pinatulan mo ang kapatid ko!” matalas ang bibig na sabi ni Roella.
Inawat naman siya ni Donya Nueva.
“Enough, Roella! That’s enough! Huwag kang ganiyan makipag-usap. Nasaan ang class mo? Let me handle this situation. I’m sure that she will understand my point here,” saad ni Donya Nueva sa kaniyang panganay na anak.
“Hija… Joyce right? I’m happy to meet you. Actually matagal ka nang ikinukuwento sa amin ni Xander, and, laging masaya si Xander kapag ikinukuwento ka niya sa amin. You know, Xander is my only son… siya ang magdadala ng aming pangalan bilang mga Gideon. Soon, he will be the president of our malls. I only want the best for my son. And unfortunately, hindi ikaw ang best na iyon, hija…” malumanay na pahayag naman ni Donya Nueva. Bagama’t mahinahon lamang ang tinig nito, tila balaraw naman na tumatarak sa puso ni Joyce ang mga binitiwang salita nito. Nakangiti nga ito, subalit ngiting nag-uuyam at nanunukat.
“Mama, huwag naman pong ganiyan. Mahal na mahal ko po si Joyce at mahal na mahal ko po ang pamilya natin,” naiiyak na sabi ni Xander.
“Then choose! Iyang babaeng iyan, o ang pamilya mo?!” tungayaw ni Roella.
Parang batang naupo sa sofa si Xander.
“Hindi na po kailangang mamili ni Xander, Donya Nueva, Miss Roella. Hindi na po. Ako na mismo ang mamimili. Tama po kayo. Kapag pinakasalan ko si Xander, magiging miserable ang buhay ko, buhay ng anak ko, at magiging anak namin ni Xander. Kasi lalaki silang may lolang bakulaw at tiyahing halimaw!” banat ni Joyce na ikinanlaki ng mga mata ng mag-ina. Natahimik sila dahil hindi nila inasahang sasabihin iyon ni Joyce laban sa kanila.
“Ayokong manirahan, makahalubilo, at lumaking masama ang ugali ng magiging anak ko. Mayayaman nga po kayo, naturingang edukado, pero mas masahol pa sa pusalian ang mga asal ninyo. Parang hindi kayo tao.”
“At ikaw Xander, batay sa ipinakikita mo ngayon, paano ka magiging matatag na haligi ng tahanan sa bubuuin nating pamilya kung ngayon pa lamang ay nanginginig na ang mga tuhod mo sa pamilya mo? Ayokong dumating sa puntong kokontrolin nila ang buhay-mag-asawa natin. Tinatapos ko na ang lahat,” saad ni Joyce sabay walang lingon-likod na lumabas ng mansyon ng mga Gideon.
Hindi na nga pinilit pa ni Xander ang pakikipagrelasyon kay Joyce. Wala namang pagsisisi sa puso ni Joyce dahil nakita niya kung gaano kagaspang ang pag-uugali ng Mama at Ate nito. Ayaw niyang lumaki sa ganoong kapaligiran ang magiging anak niya, at ayaw niyang magpaka-teleserye ang araw-araw niya. Naisip niya, pagtutuunan na lamang niya nang pansin ang pagpapalaki sa kaniyang anak, at kung may darating mang pag-ibig, titiyakin niyang matatanggap at mamahalin din nito ang kaniyang anak.
Makalipas nga ang dalawang taon at nakasumpong ulit ng pag-ibig si Joyce, na tinanggap ang kaniyang sitwasyon, sampu ng pamilya nito.