Isang Sorpresa ang Gagawin Sana ng Isang Pamilya sa Ilaw ng Tahanan Dahil Kaarawan Nito; Sila Pala ang Masosorpresa
“Ganito ang gagawin nating sorpresa sa Mama ninyo sa birthday niya. Kunwari, wala tayong balak sa kaniya dahil mga mga abala tayo sa mga ginagawa natin. Ako, sa work… kayo sa school. Tapos, pagkauwi niya rito mula sa office, nakatago na tayo sa mga sulok-sulok. Pagbukas niya ng ilaw, saka tayo lilitaw at babatiin natin siya ng Happy Birthday!” nakangiting sabi ni Andres sa kaniyang mga anak na sina Kael, Noemi, at Vergie.
Malapit na ang ika-40 taong kaarawan ng kaniyang misis na si Elvira. Habang nasa trabaho ito, palihim niyang ch-in-at ang mga anak na magkita-kita sila sa isang coffee shop upang mapag-usapan ang kanilang sorpresa sa ilaw ng tahanan. Si Andres ay kauuwi lamang din sa trabaho, at ang mga anak naman ay galing sa paaralan.
Nagpalakpakan naman ang tatlong anak. Parang sila pa ang mas nasasabik sa pasabog nila para sa kanilang ina.
“Hindi po ba tayo mag-iimbita, Papa?” tanong ng panganay na si Kael.
“Mag-iimbita. Kaya kayo na ang bahalang magsabi sa ating mga kaanak hinggil sa balak natin. Para sa mga maagang makakapunta, dapat magpunta sila sa bahay nang mas maaga. Kailangan nilang sumama sa sopresa natin. Kapag hindi naman sila makakasama sa sopresa pero pupunta sila, kailangan medyo late na sila dumating para hindi mabuko ang balak natin.”
At nagkasundo-sundo na nga ang mag-aama. Balak ni Andres, kunwari ay papasok siya sa araw na iyon. Subalit ang totoo niyan, gugugulin niya ang oras ng kaniyang kunwaring pag-alis para sa pamimili ng mga kailangan para sa handa nito, gayundin ang pagbili ng cake, at kaunting palamuti. Ang mga bata naman ay pinagpaalam na niya sa mga guro nila, na nagkataon naman kasing pagsusulit kaya half day lamang ang mga mag-aaral. Si Kael naman na nasa kolehiyo na ay nagkataong walang klase sa araw na iyon.
Mahigpit ang bilin ni Andres na huwag bibigyan ng kahit na anomang ideya ang kanilang Mama sa gagawin nilang pasabog. Kapag nag-aya ito ng pagkain sa labas o pamamasyal, kailangan nilang magdahilan na hindi sila maaari sa araw na iyon.
Hindi nga nagkamali si Andres. Sa ikatlong araw bago ang aktuwal na kaarawan niya, binuksan ni Elvira ang ideya sa pagdiriwang ng kaniyang kaarawan sa nalalapit na Biyernes.
“Kain na lang tayo sa labas… tinatamad na akong magluto sa birthday ko eh,” sabi ni Elvira.
“Naku Ma, kailangan pala namin mag-overnight sa bahay ng kaklase namin para asikasuhin ang defense namin. Baka hindi ako makasama,” alibi ni Kael. Palihim siyang tumingin sa kaniyang ama.
“Ako naman Ma, may seminar akong kailangang daluhan. Good for two lang ang puwedeng maisama, eh hindi ba, nangako na ko rito kina Noemi at Vergie na sila naman ang isasama ko kapag pinapunta ako ng kompanya sa conference. Tatlong araw pala iyon. Nataon pa sa birthday mo,” kunwari ay palusot naman ni Andres.
“Okay… ganoon ba? Kayo ang bahala. Pagbalik na lang ninyo. Magluluto na lang ako kahit simpleng food lang,” pagkikibit-balikat naman ni Elvira.
Tuwang-tuwa naman ang mag-aama dahil umaayon ang mood ni Elvira sa kanilang mga plano. Nasabihan na ang kanilang mga kaanak at malalapit na kaibigan ng pamilya para sa sorpresa. Sumang-ayon naman ang mga ito at nangakong walang sasabihing anuman sa birthday celebrant.
At dumating na nga ang araw na pinakahihintay ng lahat. Walang pumansin kay Elvira sa araw na iyon. Sinadya talaga nila para magtampo kunwari ito upang talagang masorpresa sa kanila mamaya.
“Basta ang hudyat, pagbukas niya ng ilaw, lalabas tayong lahat at babatiin natin siya ng Happy Birthday! Si Kael naman ang magpapaputok ng party poppers,” muling paalala ni Andres.
Pagsapit ng gabi, walang kailaw-ilaw sa loob ng bahay. Nakatago na sila sa kani-kanilang mga puwesto. Alam nilang ilang sandali na lamang ay uuwi na si Elvira. Alas 7:00 ng gabi ang madalas na uwi nito ngunit umabot ng 8:00 ng gabi, subalit wala pa ito.
“Baka kumain lang sa labas dahil alam niyang wala tayo,” sabi ni Andres.
Hanggang sa maramdaman nilang may paparating na mga yabag. Narinig ang pag-ingit ng tarangkahan. May pumasok. Maya-maya, nag-click ang susian ng pinto; nariyan na si Elvira. Naghanda na sila. Bumukas ang pinto, at pumasok ang isang katawan ng babae…
Subalit ang hindi nila inasahan, isang bulto pa ng katawan ang pumasok. Katawan ng isang lalaki. Nasaksihan ng lahat ang pagyakap ng katawan ng babae sa naturang katawan. Maliwanag ang sinag ng buwan, kaya’t kitang-kita ng mga matang nakakubli sa dilim ang maharot na galaw ng mga anino.
“Darling, sa wakas nadala rin kita rito sa bahay habang wala sila. Mabuti ka pa talaga hindi ako iniwan sa mismong araw ng birthday ko,” maya-maya ay nagsalita ang babae. Tinig ni Elvira.
“Ayos nga na wala sila, at least nakatipid tayo sa motel ngayon. Tara na, at nang madala na kita sa ikapitong glorya sa araw ng birthday mo,” nang-aakit namang turan ng lalaki sa baritono nitong tinig.
At naglapat ang kanilang mga labi.
“Mahal na mahal kita, Elvira. Iwanan mo na kasi iyang mister mo, at magsama na tayo. Hindi ka liligaya sa kaniya. Mas masarap ang batang gaya ko, kayang-kaya kitang dalhin sa pinakamasarap na rurok na gusto mo, na sabi mo, kahit kailan eh hindi niya naibigay sa iyo. Ako ang magpaparanas sa iyo.”
“Sabi mo iyan darling ah? Sige nga, mamaya patunayan mo iyan. Pero bago natin kainin ang isa’t isa, eh kumain muna tayo nang bahagya at nagugutom ako.”
Binuksan ni Elvira ang ilaw. Bumaha ang liwanag sa bahay. Subalit tila tinuklaw siya ng ahas nang makita ang mga tao sa paligid: magmula sa kaniyang mga magulang, mga biyenan, mga kaibigan, at higit sa lahat, ang kaniyang mga anak at asawa. Nakatingin ang lahat sa kanila ng kaniyang kalaguyo, na mahihinuhang nasa 25 hanggang 29 na taong gulang lamang.
Pakiramdam niya ay binuhusan siya ng malamig na tubig, at mas matindi pa sa pinagbagsakan ng langit at lupa ang pakiramdam ni Elvira. Hindi siya maaaring tumanggi dahil nakita at narinig nang lahat ang ginawa at pinag-usapan nila ng lalaki.
“A-Akala ko… w-wala kayo, a-anong ibig sabihin nito…”
“Ikaw ang magpaliwanag. Ano ang ibig sabihin nito?! Mga hayop kayo!”
Iyon na yata ang pinakamadilim na bahagi ng buhay ni Elvira, lalo’t nasaksihan ng kaniyang mga anak at mahal sa buhay ang kaniyang pagtataksil. Ganoon na lamang ang galit ng kaniyang mga magulang sa kaniyang ginawa, na naroon din at nasaksihan ang lahat. Hindi na sinampahan ng kaso ni Andres ang misis, subalit binilinan niya ito na huwag na huwag nang magpapakita sa kaniya kahit na kailan.
Sa halip na si Elvira ang masorpresa, si Andres at ang kaniyang pamilya ang higit na nasorpresa sa ginawang pagtataksil nito.
Kinalimutan ng mag-anak ang malagim na sandali na iyon sa kanilang buhay. Pinayagan pa rin naman ni Andres na dalawan nila ang ina, subalit hindi na niya kakayaning masorpresa ulit siya nito ng kataksilan.