Inday TrendingInday Trending
Isang Food Blogger ang Tila Tatandang Dalaga Dahil Galit Siya sa mga Lalaki; Magbago Kaya ang Pananaw Niya Kapag Nakilala ang Guwapong Chef?

Isang Food Blogger ang Tila Tatandang Dalaga Dahil Galit Siya sa mga Lalaki; Magbago Kaya ang Pananaw Niya Kapag Nakilala ang Guwapong Chef?

“Hay naku! Pare-pareho lang iyang mga lalaking iyan! Kaya ayokong magmahal eh. Wala na yatang matinong lalaki ngayon. Kaya ikaw Bibeth, tigilan mo na iyang kaka-dating app mo! Lalo na iyan. Mas maraming manloloko sa mga ganiyan,” saad ni Lyka sa kaniyang kaibigang si Bibeth.

“Grabe ka naman! Don’t lose hope pa rin sa larangan ng pag-ibig, Lyka. Hopeful pa rin naman ako. Ikaw, kakaganiyan mo magiging matandang dalaga ka niyan!”

“Mas mabuti nang tumandang dalaga kaysa naman mapili at mauwi sa maling tao ‘no. O siya, tara na nga. May gagawin pa ako. Nag-chat na ang editor namin. May ipapagawa na naman. Magkita na lang ulit tayo kapag may nakilala ka na namang manloloko sa dating app,” sabi ni Lyka sa kaniyang matalik sa kaibigan.

Pagdating sa pakikipagrelasyon at pakikipagkilala sa mga lalaki, masasabing pesimistiko ang pananaw rito ni Lyka. Hindi dahil sa naranasan na niyang magmahal, maloko at masaktan, kundi dahil batay na rin sa mga naririnig niyang kuwento mula sa mga kaibigan. Isa siyang blogger sa isang female-lifestyle news site sa internet, at trabaho niyang makapanayam ang mga taong kailangan niyang itampok. Karamihan sa mga nakakapanayam niyang mga strong independent women ay nakaranas ng panloloko mula sa mga lalaki. At iyon ang ayaw niyang mangyari sa buhay niya.

“Lyka, nagbakasyon si Emmy dahil kailangan niya nang mag-maternity leave. So mawawalan ng susulat for our food blogs. I want you to take over muna sa post niya,” saad ng editor kay Lyka.

“Okay po. Ano po ang unang assignment ko as the newly appointed food blogger?” tanong ni Lyka sa editor.

“I want you to interview the hottest bachelor chef in town. He is no other than Yuri Tolentino. Siya ang itatampok natin ngayon,” saad ng editor. Ibinigay nito ang isang papel na naglalaman ng mga impormasyon hinggil kay Yuri Tolentino. Batay sa larawan, masasabing guwapo at “hot” nga ang naturang chef.

“Okay po. Thanks po. Makakaharap ko na naman ang isang playboy na chef. Exciting!” saad naman ni Lyka.

“Lyka, alam kong hindi ka sanay mag-interview ng mga lalaki dahil sanay ka sa female-lifestyle section natin pero puwede ba, pakitunguhan mo nang maayos iyan ha? Bawasan ang taray,” nakangiting paalala ng editor.

Kinabukasan, naghanda na si Lyka. Simpleng puting blouse at maong jeans lamang ang kaniyang isinuot. Itinaas lamang niya ang kaniyang buhok. Nagpaunlak naman ang chef na makapanayam niya ito sa restaurant nito sa Bonifacio Global City.

“Hello. Have a seat.”

Napalunok si Lyka. Isang Adonis ang kaharap niya ngayon. Mas guwapo pala sa personal si Yuri Tolentino. Naamoy niya ang lalaking-lalaking amoy nito. May kakaiba siyang kilig na naramdaman, subalit iwinaksi niya ang kaniyang mga naiisip.

Naging madali naman at maganda ang naging takbo ng kanilang pag-uusap. Hindi makatingin si Lyka kay Chef Yuri dahil tila nanghihigop ang mga tingin nito sa kaniya. Hindi maunawaan ni Lyka ang kilig na kaniyang nararamdaman.

“Would you like to taste me?” tanong ni Yuri.

“I’m sorry?” tanong-paglilinaw ni Lyka.

“I mean, taste my specialty dishes. That is what I meant,” kambyo naman ni Chef Yuri.

Naisip ni Lyka na mas magiging madali para sa kaniya na gumawa ng artikulo kaugnay sa chef kung matitikman niya ang luto nito. Isa sa mga pinakatampok na specialty nito ang pinatuyong nilagang baka. Nilaga ito, subalit walang sabaw. Nang tikman niya ito, tunay ngang napakasarap. Subalit ang mas nakatulig sa naglilikot na isipan ni Lyka ay ang suot na apron ni Chef. Hakab na hakab kasi sa suot nitong polo ang pagkalalaki nito.

“Ang sarap mo, chef…” naiusal ni Lyka. Nanlaki ang mga mata ni Chef Yuri sa kaniyang narinig. Natutop ni Lyka ang kaniyang mga labi. Anong pinagsasasabi niya?

“I’m sorry?” tanong ni Chef Yuri.

“Ang ibig kong sabihin chef, itong luto mo. Masarap. Iyon po. Parang yung kaninang sinabi mo sa akin. Quits na tayo?” namumulang sabi ni Lyka, at nag-peace sign pa siya.

Natawa naman si Chef Yuri.

“Alam mo Lyka, you are so funny. Parang… mas gusto tuloy kitang makilala pa…” saad ni Chef Yuri. Tinitigan siya nito sa mga mata. Tila nahihipnotismo naman si Lyka.

Kung totoo man ang kasabihang “to win a man’s heart is through his stomach,” naging aplikable yata iyon kay Lyka, ngunit baligtad nga lamang. Kaya nabigla ang editor sa sinabi niya nang humingi ito ng feedback hinggil sa nangyaring panayam sa pagitan nila ni Chef Yuri.

“Masarap siya…”

“Ha? Bakit? Paano mo nasabi? Nagtikiman kayo?” gulat na gulat na usisa sa kaniya ng editor.

“Hindi po… ibig ko pong sabihin, masarap siya kausap, at masarap talaga ang luto niya.”

Naging madalas na nga ang pagkikita nina Chef Yuri at Lyka, at hindi naglaon, at nagustuhan na nila ang isa’t isa. Niligawan ni Chef Yuri si Lyka, at nagbakasakali naman siya. Sinagot niya ang chef na sa palagay niya ay “magpapasarap” sa kaniyang nakababagot na buhay. Napagtanto ni Lyka na paano mo malalaman kung masarap ang isang bagong putahe kung hindi ito titikman; parang sa buhay, paano mo malalamang masarap magmahal kung hindi mo hahayaan ang sarili mong mahulog. Kung masaktan man, bahagi iyon ng proseso, dahil sa pagluluto nga, napapaso rin ang mga chef.

Makalipas ang dalawang taon ay nagpakasal na nga sina Chef Yuri at ang food blogger na si Lyka at biniyayaan sila ng dalawang malulusog na anak.

Advertisement