Inday TrendingInday Trending
Simpleng Regalo Lamang ang Kayang Ibigay ni Ninang T’wing Kapaskuhan; Masama bang Magbigay ng Mumurahing Regalo sa Inaanak?

Simpleng Regalo Lamang ang Kayang Ibigay ni Ninang T’wing Kapaskuhan; Masama bang Magbigay ng Mumurahing Regalo sa Inaanak?

“Merry Christmas, mare,” nakangiting wika ni Olivia, sa kumareng si Jean. “Maligayang Pasko, inaanak. Ito oh,” abot ni Olivia sa laruang hindi na niya inabala pang balutin ng Christmas wrapper.

“Thank you po, ninang,” masayang wika ni Vien saka nagmano kay Olivia.

Taon-taon ay naglalaan si Olivia ng pera upang makabili ng pamaskong handog sa kaniyang mga inaanak sa binyag. Madalas ay mumurahing laruan o mumurahing damit lamang ang kaniyang binibili sa mga ito. Ang mahalaga’y naalala niya’t nabigyan ng handog ang mga inaanak.

“Pasensiya ka na, Vien ah. Hayaan mo babawi na lang si ninang kapag yumaman na ako,” nakangiting wika ni Olivia.

“Okay lang po ninang. Ang mahalaga’y may bago na naman po akong laruan na galing sa inyo,” malambing na wika ni Vien.

Barbie Doll na may kasamang Doll House ang ini-regalo ni Olivia sa inaanak. Kaya halata ang saya sa mukha ng paslit. Masaya si Olivia, kapag nakikita niya ang saya sa mukha ng kaniyang mga inaanak, sa t’wing nireregaluhan niya ang mga ito.

“Pasensiya ka na Mareng Jean ah. Palagi na lang ganiyan ang naibibigay ko sa anak mo. Kung hindi damit ay laruan,” kakamot-kamot na wika ni Olivia. Nahihiya siya dahil hindi siya galanteng magbigay sa kaniyang inaanak. “‘Yan lang kasi ang nakakayanan ng budget ko.”

Agad namang sumilay sa mukha ni Jean ang pagkaaliw sa kumare. “Ano ka ba naman, mare. Pasalamat na nga lang ako sa’yo at naaalala mo pa iyang inaanak mo tuwing Pasko. Iyong iba nga niyang ninang at ninong ay hindi siya naaalala kahit na kapitbahay lang naman namin halos ang iba,” ani Jean. “Para sa’kin ay sapat na ang effort mong puntahan si Vien at bigyan ng mumunting regalo, Mareng Olivia.

Ang mahalaga naman ay nakita kong masaya siya sa handog na binigay mo. Kapag nakita kong masayang-masaya siya gaya ng nakikita ko ngayon ay masaya na rin ako’t labis na nagpapasalamat sa’yo, bilang ikaw ang ninang niyang matiyagang magpunta rito kahit sa malayo ka na nakatira ngayon,” nakangiting dugtong ni Jean.

“Kaya nga mare e. Masaya rin kasi ako sa t’wing nakikita ko silang sabik at masaya sa regalong dala ko. Pakiramdam ko talaga ako si Santa Claus,” biro pa ni Olivia. “Pero seryoso mare, nagpapasalamat pa rin ako sa inyong lahat na mga kumare ko. Kasi hindi kayo kailanman naging demanding sa’kin.

Masasabi ko pa ring napaka-swerte ko sa mga nagiging kumare ko. Kung ano lang iyong kaya kong ibigay sa mga anak niyo’y pinapasalamatan niyo na ako’t hindi kailanman man nagreklamo o nagdemand ng higit pa. Hindi gaya ng ibang kakilala ko na hinihingan nila ng malaking pera ang mga kumare nila. Kaya salamat, Mareng Jean ah. Maswerte ako sa inyo,” seryosong wika ni Olivia.

Magaang tumawa si Jean, dahil sa sinabi ni Olivia. “Sa totoo lang Mareng Olivia, kung ako ang reregaluhan mo’y baka nagdemand na nga ako sa’yo ng higit pa. Kasi siyempre hindi naman ako matutuwa kung laruan lang ang ibibigay mo sa’kin.

Pero anak ko ang binibigyan mo kaya wala akong karapatang magreklamo kung nakikita ko namang masaya siya sa ibinigay mo. Kayong mga ninang ni Vien. Hindi niyo kailangang isipin ang mararamdaman ko sa ibibigay niyo sa anak ko. Makita ko lang na masaya siya at kuntento sa ibinigay niyo’y masaya na rin ako bilang ina,” paliwanag ni Jean kay Olivia.

“Salamat mare ah. The best kumare ka talaga,” nakangiting wika ni Olivia.

“Asus! Nambola pa ito,” natatawang wika ni Jean. “Kayong mga kumare ko ang dapat kong pasalamatan. Sa pagpayag niyo pa lang na maging pangalawang ina at ama ng anak ko’y malaking bagay na sa’kin. Gabay at patnubay lang para sa anak ko, Mareng Olivia ay sapat na upang pasalamatan ko kayo.

Bunos na lang iyang aguinaldong iyan tuwing pasko. Kaya nga kahit minsan hindi na nakakaalala ang ibang ninang at ninong ni Vien, ay ayos lang. Paggabay lamang nila kay Vien ay pinapasalamat ko na iyon sa kanila nang malaki,” ani Jean saka niyakap ang dating kaibigan na ngayon ay kaniya ng kumare.

Napaka-suwerte ng lahat ng ninong at ninang kapag kagaya ni Jean ang magiging kumare mo. Hindi mo kailangang maging galante sa iyong mga inaanak tuwing sasapit ang kapaskuhan. Kung ano ang kaya mong ibigay ay sapat na. Ang inaanak mo ang iyong pinapaluguran, hindi ang mga magulang nila.

Advertisement