Inday TrendingInday Trending
Minahal at Pinagkatiwalaan Niya ang Nobyong Online Lamang Nakilala; Pagsisihan Niya Kaya ang Kaniyang Ginawa o Hindi?

Minahal at Pinagkatiwalaan Niya ang Nobyong Online Lamang Nakilala; Pagsisihan Niya Kaya ang Kaniyang Ginawa o Hindi?

“Ibalik mo sa’kin ang lahat ng perang ipinadala ko sa’yo, Simon! Kung hindi ay kakasuhan kita ng estapa!” gigil na sigaw ni Lisa sa nobyong nanloko sa kaniya.

  • Nakilala niya si Simon sa sikat na dating app. Ang buong akala niya’y single ito at walang sabit. Kaya nang niligawan siya ng lalaki ay walang pagdadalawang-isip niya itong sinagot. Ngunit makalipas ang dalawang taon mahigit ay malalaman na lamang niyang may asawa’t tatlong anak na pala ito.

    “Ibabalik ko sa’yo ang lahat ng ibinigay mo, Lisa. Pero sana huwag mo akong mamadaliin. Hindi ko naman hiningi ang lahat ng iyon sa’yo ah? Ikaw ang kusang nagbigay no’n kasi ang sabi mo’y mahal mo ako. Tapos ngayon, babawiin mo’t susumbatan mo ako,” mahinahong wika ni Simon.

    “Kung alam ko lang na may asawa’t mga anak ka, sa palagay mo ba’y mamahalin kita at padadalhan ng pera?” gigil pa ring wika ni Lisa. “Kung alam ko lang, Simon, na niloloko mo lang pala ako’y hindi na sana umabot ng dalawang taon ang panggagamit mo sa’kin. Minahal mo ba talaga ako?”

    “Alam mong minahal kita, Lisa, kahit na sa chat lang tayo nagkakilala,” walang pagdadalawang-isip na wika ni Simon. “Kung may pagkakamali man ako sa’yo, Lisa, iyon ay ang inilihim ko sa’yong may pamilya na ako. Lahat ng pag-uusap natin noon at lahat ng sinabi ko sa’yo, lahat ay totoo. Binigyan mo ako ng mamahaling relo.

    Nagalit ako sa’yo at ibinalik ko iyon. Kaso pinagpilitan mo sa’kin na bukal iyon sa loob mong ibigay sa’kin. Pangalawang bigay mo sa’kin ay pera. Nagalit ka pa kasi ilang Linggo ko ng hindi kinukuha sa money remittance na pinadalhan mo. Ilang beses kitang pinagsabihan na huwag panay bigay ng pera sa’kin kasi kaya ko namang kumita ng pera sa sarili kong paraan.

    Hindi pa naman ako naghihikahos at kahit papaano’y napapakain ko pa naman ang sarili ko. Pero ayaw mong magpaawat. Ang lagi mong dahilan ay katuwang kita sa lahat ng bagay. Ginusto mong lahat ang ginagawa mo, Lisa. Kaya nagtataka ako kung bakit kailangan mong isumbat sa’kin ang lahat ng kusang loob mong ginawa. Kung ang tanging kasalanan ko lang ay ang pagsisinungaling sa tunay na estado ko sa buhay,” mahaba at puno ng emosyong wika ni Simon.

    “Dahil sinungaling ka, Simon!” Mangiyak-ngiyak na wika ni Lisa. “Pinaniwala mo akong sa dulo tayo ang magsasama. Pinaniwala mo ako na mahal mo ako at wala nang iba. Oo! Ang ta*nga-ta*nga ko kasi naniwala agad ako sa’yo. Pero ano bang magagawa ko? Minahal ka ng puso ko. Kaya gusto kong maging parte ng buhay mo, kasi akala ko parte na ako.

    Nasa ibang bansa ako. Kumakayod at nagtatrabaho. Nangarap na sa pag-uwi ko dito sa Pinas ay ikaw na ang mauuwian ko. Dahil mahal na mahal kita, kaya ayokong nakikitang nahihirapan ka. Kaso niloko mo lang ako. Hindi pera ang isyu rito, Simon. Ang pinaka-nagpasakit sa’kin ay ang malamang ginag@go mo lang pala ako,” humihikbing wika ni Lisa.

    Hindi na niya naitago ang emosyong kanina pa nais lumabas sa kaniyang mga mata. Nasasaktan siya dahil minahal niya ng totoo si Simon. Ang dami na sana niyang pangarap para sa kanilang dalawa, kaso ito lamang ang kaniyang maabutan. Ang buong katotohanang niloloko lamang pala siya ng lalaki.

    “Patawarin mo ako, Lisa. Alam kong hindi sapat ang hinihingi kong ito. Pero sana pagdating ng araw ay mapatawad mo ako,” nakayukong wika ni Simon.

    Ano pa nga bang magagawa niya? Oo! Mahirap kapain ang pagpapatawad sa ngayon, dahil nasasaktan pa siya ng sobra-sobra sa nasaksihan. Pero hindi naman ibig sabihin no’n ay hindi na siya mag-mo-move on sa sakit. Kailangan niyang ipagpatuloy ang buhay. Magagawa niya lamang iyon kapag pinatawad niya si Simon sa kasalanang ginawa nito.

    “Ibalik mo ang lahat ng perang ibinigay ko sa’yo, Simon. Kahit huwag na iyong mga gamit na naibigay ko na. Iyong pera na lang. At pangako ko sa’yo na hinding-hindi ko na kayo guguluhin pa ng pamilya mo. Iyon na lang ang hinihingi ko na sana pagbigyan mo,” nakikiusap na wika ni Lisa.

    Pumunta sila sa Barangay at doon nangako si Simon na ibabalik ang otsyenta mil na perang naipadala ni Lisa sa kanila, patunay sa mga resibong ipinakita ni Lisa sa kapitan. Kung tutuusin ay kulang pa iyon, dahil ang ibang resibo’y naitapon na niya. Ngunit sapat na iyon upang matapos na ang gulo.

  • Isang aral ang natutunan ni Lisa. Huwag basta-basta magtitiwala, lalo na’t hindi mo pa lubusang kilala ang isang tao. Kahit nga kakilala mo na’y niloloko ka pa. Ano pa kaya’t sa social media mo lamang ito nakilala.

    Advertisement