Nais ng Binatang Makipaghiwalay na sa Kaniyang Nobya; Kailangan ba Talagang may Resibo ang Pagmamahal?
“Ayoko nang makasama ka, Joyce. Napapagod na akong pakisamahan ang ugali mong iyan. Hindi ko na kaya,” desididong wika ni Andoy sa nobyang nagmamakaawa sa kaniya.
“Gano’n na lang ba talaga kadali, Andoy?” umiiyak na wika ni Joyce sa nobyo.
“Hindi naging madali ang lahat, Joyce. Walang madali sa pakikipaghiwalay. Kaso nakakapagod na rin ang paulit-ulit na ganito. Hindi ko na matantiya ang ugaling mayroon ka. Hindi pa tayo mag-asawa pero grabe mo na akong dominahin.
Tinuturing mo akong isang asong dapat ay maging sunod-sunuran na lang sa’yo. Kung anong inuutos mo’y iyon lang rin dapat ang gawin ko. Tila ba tinanggalan mo ako ng karapatang mag-isip. Kasi gusto mo ikaw lang ang nasusunod sa’ting dalawa. Pagod na ako, Joyce, kaya ayoko na! Maghiwalay na tayo,” ani Andoy.
“Ang kapal naman ng mukha mong makipaghiwalay sa’kin. Hindi mo man lang ba naisip, Andoy, na kung hindi dahil sa’kin ay hindi ka magmumukhang tao ngayon?!” umiiyak ngunit may galit na wika ni Joyce.
“Sino ba ang bumili ng suot-suot mong damit ngayon? Hindi ba’t ako! Lahat ng hinihiling mo sa’kin ay ibinibigay ko! Kasi mahal kita. Gusto kong maging maayos at presentable ka.
Sinong tumulong sa’yo para makapagtrabaho ka? Ako! Ako ang nasa tabi mo noong lugmok ka. Tapos ngayong nakakatayo ka na’y makikipaghiwalay ka na sa’kin! Ang kapal-kapal ng mukha mo, Andoy!” Gigil na dugtong ni Joyce.
“Oo, Joyce! Aminado naman akong ikaw ang nasa tabi ko noong panahong madilim ang buhay ko. Ikaw ang nariyan para tulungan akong makabangon at ipinagpapasalamat ko iyon sa’yo. Dahil tama ka! Kung wala ka’y baka ibang Andoy na ang kaharap mo ngayon,” matigas na wika ni Andoy. Pinipigilan ang pagpatak ng luha sa mga mata.
Hindi niya gustong makipaghiwalay kay Joyce. Kung may bagay man na maihahambing kung ano si Joyce sa buhay niya’y isang hangin si Joyce para sa kaniya, na kapag nawala’y mahihirapan siyang huminga at mabuhay.
“Anim na taon tayong magkarelasyon, Joyce. Nakita mo na ang lahat ng kahinaan ko’t gano’n rin ako sa’yo. Kaya nga ang lakas ng loob mong sumbat-sumbatan na lang ako dahil saksi ka sa lahat ng nangyari sa’kin.
Pero iyang ugali mo, Joyce, ang nagtulak sa’kin para iwanan ka. Kung gusto mo’y ibabalik ko lahat ang bagay na ibinigay mo sa’kin. Lahat ng naitulong mo’y ibabalik ko, para gumaan lamang ang bigat na nararamdaman mo,” malungkot na wika ni Andoy.
“Oo! Kung desidido ka na talagang hiwalayan ako’y ibalik mo ang lahat ng bagay na nabili ko sa’yo. Mga perang nasayang ko dahil sa pagmamahal ko sa’yo! Ang ta*nga ko, Andoy, kasi bakit ikaw pa ang minahal ko. Wala ka rin namang kwenta!”
“Kung iyon ang magpapatahimik sa’yo, Joyce,” agad na sang-ayon ni Andoy. “Lahat ng bagay na ibinigay mo’y na empake ko na. Mula noong naging tayo, Joyce, ang natatandaan ko lang na naging masaya tayo’y noong unang taon natin, pagkatapos no’n ay ang pagiging dominante mo na ang naaalala ko,” prangkang pahayag ni Andoy.
“Kailanman ay hindi ako humingi sa’yo ng kahit na anong bagay man o pera. Kaya kong kumayod para buhayin at bilhin ang mga kailangan kong bilhin, Joyce. Ang lahat ng mga naibigay mo sa’kin ay kusang loob mong ibinigay iyon.
Dahil ang sabi mo’y para naman iyon sa’kin. Pero lahat ng bagay na nagawa at ibinigay mo sa’kin ay palagi mong sinusumbat na tila ba nais mong mahalin kita dahil may utang na loob ako sa’yo. Totoong nakakalason na ang relasyon natin, Joyce, dahil sa gano’ng ugali mo. Sa t’wing nag-aaway tayo’y wala ka nang ibang bukambibig kung ‘di ang mga bagay na naitulong at ibinigay mo sa’kin.
Minahal kita, Joyce, dahil iyon ang nararamdaman ng puso ko. Hindi kita minahal dahil sa utang na loob. Pero para sa’yo’y minahal lamang kita dahil sa mga bagay na naibibigay mo sa’kin. Kapag kasama kita’y pakiramdam ko, wala na akong ginawang tama. Ibabalik ko sa’yo ang lahat-lahat. Sana tigilan mo na ang panunumbat mo sa’kin,” ani Andoy. Hindi na napigilan ang pag-alpas ng sari-saring emosyon na kay tagal itinago sa loob.
Hindi na nagawang sumagot ni Joyce dahil sa pag-iyak nito nang sobra. Tama si Andoy. Kapag magmamahal ka’y siguraduhin mong galing iyon sa iyong puso. Hindi dahil sa taba ng wallet ng isang tao.
Kung galing naman sa puso ang ginagawa mo’y hindi mo kailangang isumbat iyon nang paulit-ulit. Nagpaka-ta*nga ka dahil nagmahal ka. Huwag mong isisi sa iba ang kata*ngahan mo dahil desisyon mo naman iyon.
Walang nagawa si Joyce sa naging desisyon ni Andoy. Tuluyan na ngang nakipaghiwalay ang binata sa kaniya at ibinalik na rin ni Andoy ang lahat ng gamit na ibinigay niya rito.
Ang pagmamahal ay hindi grocery store na kailangan mong resibuhan sa t’wing maglalabas ka ng pera. Kusa mo itong ibinibigay nang walang nag-utos sa’yo o kahit namilit man lang.