Ang Aginaldo ay Para sa Kaniyang Inaanak at Hindi Para sa mga Magulang Nito; Tama ba ang Nais ng Kaniyang Kumare na Imbes na Gamit ang Ibigay ay Perahin na Lamang?
“Uyy! Mars, kumusta ka na nga pala?” magiliw na bati ni Helen kay Pia. “Kailan ka pa dumating?”
“Kahapon lang, Helen. Ikaw, kumusta?” Balik bati ni Pia.
“Ayos lang din. Nga pala mars, magpapasko na ah. Ano nang ganap? Matagal nang naniningil ang mga inaanak mo sa’yo. Dalawang taon ka ring absent sa pasko, dahil nasa ibang bansa ka. Baka naman ngayon, may maiaabot ka na,” patawa-tawang wika ni Helen.
“Ahh, oo nga pala mars ‘no. Malaki na siguro ang inaanak ko. Ikumusta mo nga pala ako sa kaniya ah,” nakangiting wika ni Pia.
“Hala! Iyon lang mars? Mangungumusta ka lang?”
“H-ha? May dapat pa ba akong gawin, mars?” Takang wika ni Pia.
“Wala kang pamasko?”
“Ahh, iyon ba? Meron naman mars. Siyempre babawi ako sa nakalipas na dalawang taon. Papuntahin mo na lang siya bukas sa bahay, mars. May ibibigay ako sa kaniya,” ani Pia.
“A-anong ibibigay mo, mars?” usisa ni Helen.
“Bagay na magugustuhan ni Alfred, mars.”
“Naku! Laruan na naman ba ang ibibigay mo, mars? Huwag nang laruan, mars. Kasi maisisira lang din naman iyon sa kaniya. Perahin mo na lang. Siyempre big time ka na kaya alam kong malaki-laki ang ibibigay mo kay Alfred,” pabirong wika ni Helen.
“H-ha? Kaso, mars, may nabili na akong gamit para kay Alfred. Sayang naman kung hindi ko iyon maibibigay sa kaniya.”
“Ibigay mo na lang sa iba, mars. Ang kay Alfred, gawin mo na lang pera. Ako na ang bahalang bumili ng dapat sa kaniya,” ani Helen.
Agad namang nagsalubong ang kilay ni Pia sa sinabi ni Helen. “Kanino ko naman ibibigay ang gamit na nabili ko para sa anak mo, Helen? Hindi ba’t mas okay na si Alfred ang tanungin natin kung gusto niya ba o hindi iyong ibibigay ko sa kaniya.
Kasi siya naman ang inaanak ko’t hindi naman ikaw. Bakit parang ang lumalabas sa usapang ito’y ikaw ang namimiling ibigay ng mga ninong at ninang ng anak mo? Parang ikaw pa yata ang inaanak ko, kung maka-request ka,” pabirong wika ni Pia, ngunit birong totoo.
“Hindi naman sa gano’n, mars. Ang ibig sabihin ko lang naman ay mas okay na pera na lang ang ibigay mo sa inaanak mo. At least nagagamit pa’t hindi nasasayang. Kapag kasi damit ang ibibigay mo’y ilang suotan lang ay hindi na kakasya sa inaanak mo. Kapag naman laruan ay nasisira niya lang agad. At least kapag pera ay may mapupuntahan pa, hindi ba, mars?” Paliwanag ni Helen.
“Naiintindihan kita, Helen. Pero ang hindi ko maitindihan ay ang pag-request mo sa’kin ng ganyan,” ani Pia. “Kinuha mo akong ninang at walang pagdadalawang isip na tinanggap ko iyon, Helen. Noong nasa simbahan tayo at binibinyagan ang anak mo’y naaalala ko pa ang mariing bilin ni Father na kami ang pangalawang magulang ng mga inaanak namin.
Kami ang gagabay sa inaanak namin kapag lumilihis na sila sa maling direksyon ng buhay nila. Kami ang tatayong mga magulang nila kapag wala na ang tunay nilang mga magulang. Hindi naman sinabi ni Father na maging galante kami sa mga inaanak namin kapag magpa-Pasko.
Huwag niyo naman masyadong abusuhin ang salitang Ninang at Ninong. Hindi kami tumat@e ng pera, Helen. Kung ano man ang kaya naming ibigay sa mga anak niyo, sana’y pasalamatan niyo na lang,” mahabang litanya ni Pia sa kumareng akala yata’y gano’n lang kabilis kumita ng pera.
“Ipinapaliwanag ko lang naman sa’yo, Pia, ang mga dapat at hindi dapat. Kung ayaw mong magbigay ng pera’y wala akong magagawa. Sabihin mo na lang na talagang kuripot ka kaya ayaw mong magbigay ng pera. Alam ko naman na mumurahin lang ang ibibigay mong gamit sa anak ko. Kaya nga mas gusto kong pera na —”
“Diyos ko, Helen! Mumurahin man o mamahalin ang gamit na ibibigay ko’y dapat mo pa rin iyong pasalamatan. Alam mo kung bakit?” singit ni Pia sa sasabihin sana ni Helen. “Kasi hindi ko nakalimutang bigyan ng regalo ang anak mo sa araw ng Pasko.
Doon pa lang dapat, Helen, ipinagpapasalamat mo na iyon sa’kin. Pero dahil ambisyosa ka kaya ganiyan ang ugali mo. Ibibigay ko pa rin iyon kay Alfred. Kung ayaw mo’y itapon mo!” inis na tinalikuran ni Pia ang kumare.
Kailan pa naging napakalaking bagay ang pagbibigay ng aginaldo sa mga batang inaanak natin? Tama si Pia, isang malaking pasasalamat na ang bagay na naalala ka ng ninong o ninang mo sa araw na Pasko.
Hindi naman ang mga magulang ang dapat na pasayahin ng isang ninong o ninang, kung ‘di ang batang inaanak nila. Kaya sana’y huwag masyadong mataas ang ekspektasyon ng mga magulang. Magpasalamat na lamang.