May Pangako ang Anak sa Kaniyang Ina na Hindi Niya Nagawa; Matupad Pa Kaya Niya Ito Hangga’t May Pagkakataon Pa?
Habang nasa kotse pabalik sa Sitio Mapayapa, ginugunita ni Roxanne ang kaniyang pagkabata, sa pangangalaga ng kaniyang Mama na si Natasha.
“Magandang umaga sa pinakamamahal kong unica hija! Anong gusto mo sa almusal?” laging itatanong nito.
“Pancakes!” lagi naman niyang isasagot.
Matiyaga naman siya nitong dadalhin sa kusina at ipakikita nito ang kaniyang pagluluto.
“Ganito Roxanne ang pagluluto ng pancakes ha… para kapag wala na si Mama, alam mo ang gagawin mo. Basta susundin mo lang ang mga dapat gawin at hinding-hindi ka malilito,” ipapaalala naman nito sa kaniya.
Naging bonding ng mag-inang Roxanne at Natasha ang pagbe-bake. Dahil sa turo nito, naging mahusay sa baking si Roxanne, bagay na napansin naman ni Natasha.
“Ang galing-galing naman ng baby ko sa pagbe-bake! Baka naman maging isang magaling na baker ka na niyan ha?” biro ni Natasha.
“Opo Mama. Gusto ko talaga maging isang magaling na baker. Sisikat po ako, promise!” pangako ni Roxanne sa kaniyang Mama.
“Manang-mana ka talaga sa Papa mo. Mahusay din sa pagbe-bake, at pagluluto iyon. Marahil, sa kaniya mo nakuha ang husay mo sa pagkakalkula ng mga sangkap. Mas mahirap ang baking kaysa sa pagluluto,” paliwanag ni Natasha.
“Talaga po Mama? Kung narito lang po sana si Papa, sigurado pong matutuwa po siya sa akin,” sabi ni Roxanne. Matagal na kasing sumalangit ang kaluluwa ng kaniyang Papa.
“I’m sure proud na proud sa iyo ang Papa mo sa langit huwag kang mag-alala, baby,” sabi naman sa kaniya ni Natasha.
Itinuloy naman ni Roxanne ang kaniyang pangako sa ina. Nang matapos niya ang hayskul, kumuha siya ng kursong Culinary Arts, upang mapaghusay at mapagbuti pa niya ang kaniyang kasanayan sa pagluluto, gayundin ang baking. Todo-suporta naman sa kaniya si Natasha. Nangako ito sa kaniya na pagpapatayuan siya nito ng sariling bakeshop kapag nakatapos na siya.
Sa buong panahon ng kaniyang pag-aaral, nakasuporta sa kaniya ang kaniyang Mama hanggang sa makatapos siya ng pag-aaral. Kaya lang, hindi niya natupad ang kaniyang pangako sa kaniyang ina. Naglihim siya rito na nagkaroon siya ng nobyo. Napag-alaman niyang nagbunga ang kanilang pagmamahalan dalawang buwan pagkatapos ng kaniyang pagtatapos.
“Pananagutan kita, Roxanne. Pero sana, pumayag ka sana na sumama na sa akin sa Maynila. Doon tayo bubuo ng pamilya,” sabi ni Nolan, ang kaniyang nobyo.
Tila pinagbagsakan naman ng langit at lupa si Natasha nang malaman ang nangyari sa kaniyang anak. Hindi ito ang inasahan niya. Nakikita niya ang pagiging matagumpay sa buhay ng kaniyang unica hija. Mataas ang naging pangarap niya para sa kaniya, subalit sa isang iglap lamang, mababago pala ang takbo ng buhay nito.
Walang nagawa si Natasha nang magpasya si Roxanne na tuluyang sumama kay Nolan at iwan ang kaniyang Mama sa Sitio Mapayapa. Ayaw naman kasi nitong sumama sa kaniya. Ayaw nitong iwan ang kanilang lumang bahay na nagsisilbing alaala nga naman ng kaniyang ama.
Hindi naging madali ang buhay-may-asawa ni Roxanne. Ang totoo, nabigla siya sa mga nangyari. Hindi niya inasahang maaga siyang magiging ina at asawa. Hindi na niya nagawa ang mga gusto niyang maging. nadagdagan pa ang kaniyang mga anak, kaya lalo siyang hindi pinayagan ng mister na magtrabaho, o magawa ang kaniyang pinagtapusan sa kolehiyo. Kung nakakapag-bake man siya, iyon ay para lamang sa kaniyang pamilya.
Isang araw, nabalitaan nga ni Roxanne na may dinaramdam daw ang kaniyang Mama. Pinayagan naman siya ni Nolan na dalawin ito sa kanilang dating bahay. Alzheimer’s disease daw ang sakit ng kaniyang Mama kaya pinapauwi siya ng kaniyang tiyahin, na nakasa-kasama nito simula nang mag-asawa siya at manirahan siya sa Maynila.
Naputol ang pagmumuni-muni ni Roxanne sa tinig ng driver na nasa harap na sila ng kanilang lumang bahay. Agad na bumaba si Roxanne at nagtatatakbo sa loob. Nakita niya ang kaniyang tiyahin na agad na sumalubong sa kaniya. Dinala siya sa bakuran at naroon ang kaniyang inang nakangiti sa mga halaman.
Nang makita siya ni Natasha, hindi siya nito nakilala, bagay na nagpatigalgal kay Roxanne.
“Sino ka?” tanong ni Natasha kay Roxanne.
“Ma… si Roxanne ito. Ang anak mo…” naiiyak na pagpapakilala ni Roxanne. Tila sinundot ng sanlibong karayom ang puso niya sa nakitang kalagayan ng ina.
“Roxanne? Ang anak kong mahusay magluto at gumawa ng cake… wala na siya, nag-asawa na siya, hindi na nga ako dinadalaw eh. Alam mo, nangako sa akin ang anak ko na iyon na tutuparin niya ang pangarap namin na magtatayo kami ng bakeshop, pero iniwan niya ako…”
Niyakap na ni Roxanne ang kaniyang ina. Humagulhol siya.
“Ma… I’m sorry… ako po ito si Roxanne… I’m sorry kung hindi ko po natupad ang mga pangako ko sa iyo dahil sa maaga kong pag-aasawa. Huwag po kayong mag-alala. kahit na ganito ang nangyari sa inyo, tutuparin ko pa rin ang pangako ko sa inyo. Pangako,” saad ni Roxanne.
Tila saglit namang bumalik ang alaala ni Natasha at nakilala si Roxanne kaya niyakap siya nito. Inihilig nito ang kaniyang ulo sa ulo ni Roxanne. Isang tanawing walang katumbas na halaga!
Sa maiksing panahon ay ginawa nga ni Roxanne ang kaniyang pangako sa kaniyang ina. Nakapagpatayo siya ng bakeshop, sa pagsang-ayon na rin ng kaniyang asawa. Ginawa rin niya ang lahat upang makasama ang kaniyang ina habang nabubuhay pa ito. Naisip niya, hindi pa huli ang lahat. Nagkamali man ang tao sa una, may pagkakataon pa rin siyang makabawi.