Inday TrendingInday Trending
Nagalit ang Dalaga sa Inihaing Pagkain, Kaya Ipinahiya Niya’t Ininsulto ang Pagkatao ng Kaniyang Kapwa; Tama ba ang Kaniyang Ginawa?

Nagalit ang Dalaga sa Inihaing Pagkain, Kaya Ipinahiya Niya’t Ininsulto ang Pagkatao ng Kaniyang Kapwa; Tama ba ang Kaniyang Ginawa?

“Hello po, good evening,” nakangiting bati ni Lira, sa pamilyang Balona. Ang bigating kliyente nila.

Kasama ng mag-asawa ang apat nitong anak. Ang panganay na si Troy, na siyang ikakasal ilang araw na lang ang bibilangin at tatlo pa nitong anak na sina Bless, Drake at ang bunsong si Mae. Si Lira ang napag-utusang makipag-usap sa pamilyang Balona, upang ipaliwanag rito ang mga serbisyo na kaya nilang ibigay upang mapaganda ang enggrandeng kasal ni Troy.

Bago pa man nila sisimulan ang usapan ay nag-order ang mag-asawang Balona ng makakain nila. Ilang minuto ang lumipas ay nai-serve na ng chef ang kanilang pagkain. Ngunit imbes na matuwa ang buong pamilyang Balona sa kakaibang ini-representa ng chef ay pinandirihan iyon ng dalawang babae.

“Yuck! Ano’ng pagkain ito papa?” Nangingiwing wika ni Bless, na animo’y isang nakakadiring pagkain ang inilapag sa hapag.

“Special Valenciana po ang tawag d’yan ma’am,” nakangiting wika ni Chef Arthur.

“Eww! Kadiri naman ng itsura nito. Ayokong kainin ang pagkaing ito. Kulay pa lang alam mo nang hindi masarap,” nakangiwi pa ring wika ni Bless.

Agad namang sinaway na Mr. Balona ang anak. Ngunit imbes na tumigil ito’y mas lalo pang binastos ng dalaga ang chef na walang ibang hangad kung ‘di ang pakainin sila ng masarap.

“Alisin mo nga ang pagkaing ito sa harapan namin! Ano ba naman ‘yan! Dito kami pumasok upang kumain, hindi para sumuka sa pagkaing inihahain mo. Wala ka bang alam na lutuin, kung ‘di iyong mukhang t@eng recipe lamang na iyon!” nanggagalaiting wika ni Bless.

Hindi alintana ang mga taong ngayon ay sa kanila nakatuon ang buong atensyon.

“Actually ma’am, iyan po ang specialty namin dito. Lahat ng taong kumakain rito sa restaurant namin ay iyan ang pinakaunang hinahanap,” mahinahon pa ring paliwanag ni Chef Arthur.

Panay naman ang saway ng mag-asawa pati na ang mga kapatid ni Bless sa kabastusang asal nito sa punong tagapagluto. Ngunit talagang maldita ang babae at ayaw magpaawat sa sariling pamilya. Kaya hindi na nakatiis si Lira, tumayo siya upang pagsabihan ang babaeng spoiled brat.

“Huminahon ka na muna Miss Bless, sa nakikita ko’y wala namang kasalanan ni Chef Arthur. Una sa lahat ay ang mama at papa mo ang um-order ng Valencia’ng kinaiinisan mo’t tinawag mong t@e,” mahinahong awat ni Lira.

“Huwag kang nangingialam rito, Miss Lira!” Galit na baling ni Bless sa kaniya.

“Hindi po nakakadiring pagkain ang inihain nila sa’tin, Bless. Kung hindi mo iyon gusto’y hindi ibig sabihin na hindi na rin iyon gusto ng iba. Matuto po tayong rumespeto sa kapwa natin, lalong-lalo na kung ang mga taong iyon ay nagsisikap upang mabuhay.

Walang masamang intensyon si Chef Arthur. Ang tanging hangad niya ay mapasaya tayo sa pagkaing kaniyang pinaghirapang lutuin,” patuloy pa rin sa pangangaral ni Lira. “Kung hindi ka nasanay sa pagkaing ngayon mo lang nakita ay mas maiging manahimik na lamang at matuto tayong mag-appreciate ng effort sa kapwa natin.

Imbes na manggalaiti sa galit ay pasalamatan natin ang mga taong nag-aasikaso sa’tin. Hindi nakakabawas ng moral ang ugaling iyon. Ngunit iyang ipinakita mong kabastusan ngayon ay walang nakakabuting maganda para sa’yo. Nagmukha kang palengkerang mangmang,” pang-iinsulto ni Lira, sa mahinahong tono.

“Tingnan mo ang mga taong ngayon ay nakatingin sa’yo,” turo ni Lira sa mga taong ngayon ay nakatingin pa rin sa pwesto nila. “Lihim kang pinagtatawanan ng mga iyan. Kung titingnan ka’y isa kang sopistikada at tila may mataas na pinag-aralan. Pero deep inside pala’y may kabulukan ang ugali mo at ignorante. Valenciana lang ay hindi mo pa alam. Sa totoo lang Miss Bless, wala sa pagkain ang problema, kung ‘di nasa sa’yo mismo,” prangkang wika ni Lira.

Agad namang napahiya si Bless sa dere-deretsong pahayag ni Lira. Yumuko ito at walang sabi-sabing bumalik sa kinauupuan. Binalingan ni Lira ang punong tagapagluto na tila nalungkot sa nangyari.

“Pasensiya ka na po Chef Arhtur, maaari na kayong bumalik sa pwesto ninyo. Tandaan niyo chef na walang masama sa niluto niyo. Masarap ang pagkaing inihain mo, kaya nga kayo dinudumog ng mga customer niyo dahil sa sarap ng luto mo,” ani Lira na pinapalakas ang loob ng punong tagapagluto na kanina’y tila nawalan ng kumpiyansa sa sarili.

“Salamat, Lira. Pasensiya na rin,” nakayukong wika ni Chef Arthur.

“Wala kang kasalanan, chef.”

Lihim namang nagpasalamat ang mag-asawang Balona, sa ginawa ni Lira sa spoiled na anak. Kwento ng dalawa’y gano’n raw talaga si Bless, kapag hindi nito gusto ang isang bagay— pagkain man iyon o gamit. Nambabastos ito at walang pakialam sa ibang tao. Ngunit tila napahiya talaga ito sa mga sinabi ni Lira kanina.

“Sana nga magbago na ang anak naming iyon, Lira. Pasensiya na sa inasal niya ah. Hindi ko nga alam kung saan ako nagkulang sa pangangaral kay Bless, sana nga dahil sa ginawa mo’y magbago na siya,” malungkot na wika ni Mrs. Balona.

“Sana nga po Mrs. Balona,” ani Lira.

Hindi nakakabawas ang pagpapahalaga sa bawat pagod ng kapwa natin. Kaunting bagay man iyon o malaking bagay, imbes na magreklamo ay matutong magpasalamat.

Advertisement