Lalayas-Layas Tapos ay Babalik-Balik; Ito Pala ang Dahilan ng Kaniyang Pagbabalik Matapos Niyang Layasan ang Mister
“Oh! Bakit bumalik-balik ka pa rito?” sarkastikong wika ni Jobert sa asawang si Maymay.
“Siyempre bahay ko rin ito kaya babalik talaga ako,” ani Maymay na binalewala lamang ang nang-iinis na boses ng asawa. “Bakit bawal na ba akong umuwi rito? May bago na bang titira sa bahay na ito?”
“Alam mo, Maymay, kailanman ay wala akong ginagawang masama. Sa isip mo lang ‘yan. Iwasan mo kasi ang mag-isip palagi, ayan tuloy lalayas-layas ka. Nagpapagod ka lang, tapos uuwi-uwi ka rin naman,” ani Jobert sa tonong tila pagod na sa kakapaliwanag sa asawa.
“Sino bang nagpalayas sa’kin?! Hindi ba’t ikaw naman?”
“Hindi kita pinalayas, Maymay. Ikaw ang nagsabing lalayas ka na kasi pagod ka na sa pakikisama sa’kin. At pagod ka nang intindihin ang ugali ko. Lumayas ka kasi napagalitan kita. Hindi naman kita papagalitan, kung di naman dahil sa’yo,” ani Jobert.
Hindi sa lahat ng bagay ay babae ang walang kasalanan. Napupuno din ang mga lalaki lalo na kung sadyang wala na sa lugar ang ugali ng asawa nila, gaya ni Maymay. Napagalitan niya ito kasi pagod siya sa trabaho, pag-uwi niya’y makikita niya ito sa kapitbahay, nagsusugal.
Walang linis ang bahay, kung anong itsura ng bahay nila pag-alis niya kaninang umaga papasok sa trabaho’y gano’n pa rin ang itsura pag-uwi niya. Kahit pagsaing ay hindi nito ginawa dahil mas inuna ang pagsusugal. Ang dalawa nilang anak ay nasa kapitbahay. Sinong asawa ang matutuwa? Tapos ito pa ang nagalit at lumayas.
“Aminado ako sa kasalanan ko. Pero hindi naman tamang pagalitan mo ako nang gano’n, Jobert. Ikaw nga marami ka rin naman ginagawang tiniis ko. Pero ikaw isang pagkakamali lang. Grabe na ang galit mo!” pangangatwiran pa ni Maymay.
“Tulad ng ano?”
“Ng pag-iinom mo gabi-gabi.”
“Umiinom ako para makatulog, Maymay. Ang dami mong reklamo, ang daming binibintang sa’kin. Kahit wala akong ginagawang masama. Ginagawa ko naman ang lahat para sa pamilya natin, pero para sa’yo ay kulang pa rin ang lahat ng ginagawa ko. Tapos ikaw pa ang may ganang mapagod. Ako ba Maymay, tinanong mo ba ako kung ayos pa ba ako?” dere-deretsong wika ni Jobert.
“Ikaw nga hindi mo kailanman naisip na napapagod din ako. Galing akong trabaho, pagod akong uuwi ng bahay. Siyempre kung pwede lang ay gusto kong magpahinga na lang sana, kaso kailangan ko pang kumilos – magluto at maglinis, kasi ikaw nandito ka lang naman sa bahay pero imbes na asikasuhin ako at linisin ang mga dapat linisin ay nandoon ka sa mga kaibigan mo, nagtotong-its, kung hindi naman ay nakikipag-tsismisan.
Kaya hindi mo naaasikaso ang mga kailangan mong asikasuhin dito. Pero naringgan mo bang nagreklamo ako sa’yo, Maymay. Pinapabayaan na lang kita kasi napapagod na akong mag-salita sa’yo. Isang beses lang kitang napagalitan, dahil nakakapuno na ang ugali mo. Malaki ka na at alam mo na dapat ang mga obligasyon mo. Kaya kung pagod ka na’y bahala ka na. Gawin mo ang gusto mong gawin,” bagot na wika ni Jobert.
“Ginagawa ko naman ang mga dapat kong gawin ah! Sadyang reklamador ka lang talaga kaya lahat ng ginagawa ko’y hindi mo napapansin,” pangangatwiran ni Maymay.
“Nagrereklamo ako hindi para inisin ka. Nagrereklamo ako para ayusin mo ang sarili mo. Nagrereklamo ako kasi hindi tama ang ginagawa mo. Pero imbes na tanggapin mo nang maayos ang reklamo ko’y minamasama mo iyon, kaya ka ganiyan,” paliwanag ni Jobert sa asawa.
“Mag-matured ka na, Maymay. May dalawang anak na tayo at hindi na tayo, bumabata. Imbes na mag-isip ka ng para sa sarili mo lang ay isipin mo ang mga bagay na ikakabuti ng pamilya natin. Hindi iyong kapag napagalitan ka’y lalayas ka kaagad. Diyos ko! Ang tanda na natin para sa ganiyang drama mo. Kung lalayas ka ulit ay huwag ka nang bumalik pa. Hindi ko kailangan ng asawang pasaway,” seryosong wika ni Jobert.
“Sorry na. Pangako, hindi ko na ulit gagawin ang mga bagay na iyon. Alam kong kasalanan ko kaya ka nagalit. Ayaw lang tanggapin ng pride ko ang kamalian ko kaya lumayas ako. Akala ko susuyuin mo ako, pero nagkamali ako,” nakayukong wika ni Maymay.
“Paano ka matututo kung hindi kita titiisin. Kung gusto mong lumaya na’y pababayaan kita, Maymay. Kung pakiramdam mo’y nahihirapan kang pakisamahan ako, may mga bagay ka ring ginagawa na nahihirapan ako. Sana tandaan mong mag-asawa tayo, kaya dapat lang siguro na magtulungan tayo,” ani Jobert saka niyakap ang asawang panay ang hingi ng patawad.
Simula noong araw ding iyon ay nangako si Maymay na babaguhin na ang sarili at iisipin na ang makabubuti sa pamilya nila. Ang buhay may asawa’y hindi madali. May kaniya-kaniyang ugali ang bawat isa. Nasa sa inyo na lamang kung paano niyo iyon tatanggaping pareho.