Tumakas sa Kasal ang Babae at Malas na Maling Kotse ang Nasakyan; Maling Lalaki Tuloy ang Naka-Honeymoon Niya
“Quennie Rosales, tinatanggap mo ba si Ross Villareal bilang iyong asawa?” isang mahabang katahimikan ang sumunod sa tanong ng pari. Kasunod ay bulungan ng ilang kamag-anak at kaibigang naroon.
Si Quennie ay nanlalamig at litong-lito sa gagawin. Pinilit lang siya ng mga magulang na magpakasal sa kasosyo ng mga ito sa negosyo. Napakayaman ng lalaki, ayos lang naman ang hitsura, ngunit talagang hindi niya ito gusto. Ilang buwan pa lang nung pinakilala ito sa kaniya at pinagbantaan lang siya ng ina na tatanggalan ng mana kaya siya um-oo sa kasal. Ngunit ngayong nasa altar na sila ay mukhang ‘di niya kaya yatang panindigan ang desisyon niya.
“Ahm…” ang tanging nasambit ni Quennie saka nagkunwaring nahimatay. Nakapikit siya ngunit naramdaman niya ang pagkakagulo ng mga tao sa paligid. Nang lumapag ang likod niya sa malambot na bagay at marinig ang boses ng bestfriend niyang si Jam ay saka lang siya dumilat.
“Jam, sorry. Ayaw ko kasi talagang magpakasal kay Ross. Please, tulungan mo naman akong makatakas oh. Dito ka lang, ako nang bahala, basta sabihin mo na lang nalingat ka lang saglit tapos nawala na ako.” Iyon lang at kumaripas na ng takbo si Quennie. Dali-dali siyang nagtago sa likod ng isang kotse nang makitang may mga bisita doon. Nang mukhang mamamataan siya ay napilitan siyang sumakay sa kotseng hindi naka-lock ang pintuan.
Sa tagal ng paghihintay ni Quennie na makaalis lahat ng bisita ay hindi sinasadyang nakatulog siya. Nagising siya nang may isang lalaki ang bumuhat sa kaniya.
“Aaaay! Hoy! Sino ka, ibaba mo ko!” sigaw niya saka nagpumiglas. ‘Di naman niya inaasahang ibababa nga siya nito kaya napasubsob siya sa daan. Tinapunan niya ng masamang tingin ang isang lalaki na inis ding nakatingin sa kaniya.
“Sino ka ha?! Nasaan tayo? Saan mo ko dinala, ha?!” tuloy-tuloy na tanong ni Quennie nang mapansing nasa magubat na lugar sila. Mukhang sasiraan pa yata sila sa gitna ng daan.
“Hoy miss! Para sabihin ko sa’yo, ako ang agrabyado rito. Anong ginagawa mo sa kotse ko?” malamig ang titig nito sa suot niyang wedding gown. Doon lang napagtanto ni Quennie na baka nga ito ang may-ari ng kotse kung saan siya nagtago, malamang nakatulog siya. Nais niyang sipain ang sarili sa nangyari, malas niya pa dahil ang nasa bag niya lang ay pitaka ngunit walang cellphone.
Mabuti na lang at may cellphone ang lalaki at may tinawagan ito. Maya-maya lang ay may dumating na isang lalaking naka-motor. Ipinasa nito ang susi ng motor at sinuot ng lalaki ang helmet, iniabot nito sa kaniya ang isa pa.
Napilitan din siyang sumakay na lang sa motor dahil alam niyang wala siyang pagpipilian. Nagulat siya nang tumigil sila sa tapat ng isang beach, at sa harap noon ay isang modernong bahay. Tuloy-tuloy na pumasok lang ang lalaki sa bahay nang hindi man lang siya nililingon.
“Ma’am pasensya na ho at tatlong araw pa raw ang aabutin bago mapalitan ang gulong ng kotse ni Sir Duke. Binilin niya na mag-utos lang daw kayo sa akin kapag may kailangan kayo,” sabi ng mabait na matandang tagapangalaga sa bahay na iyon. Nagpasya si Quennie na huwag na muna ring tawagan ang pamilya niya, malamang ay pababalikin lang siya ng mga ito at pipiliting magpakasal.
Nakilala agad ni Quennie ang pangalang Duke Chavez. Isa lang naman ito sa pinakamayamang businessman sa bansa. Ngunit sa mga sumunod na araw na nakasama niya ito sa pribado nitong isla ay tila ba lagi itong inis.
Hanggang sa isang araw, hindi sinasadyang narinig niya itong nakikipag-usap sa ama nito sa telepono. Kaya pala ito nasa kaparehong simbahan kung saan dapat siya ikakasal ay ikinasal din pala doon ang ama nito. Tutol pala ang binata sa kasal dahil sa tingin nito ay pera lang ang habol ng babae sa ama nito.
Ngunit natagpuan ni Duke na narinig niya ang usapan nito kaya’t sa kaniya nabunton ang galit nito. Humingi naman siya ng pasensiya ngunit hindi na nakapagpigil nang sambitin nito na lahat naman daw ng babae ay pera lang ang habol sa mga tulad nito.
“Hindi lahat ng babae ganoon ‘no! Mayroon naman gusto lang talaga ng totoong pag-ibig! Sa tingin mo bakit ako tumakas sa kasal ko?!” galit na sabi niya. Ngunit napatigil siya nang mapagtanto ang siniwalat niya.
Kinabukasan ay handa na silang umuwi. Tila may nagbago sa pakikitungo nila sa isa’t isa ngunit mahabang katahimimkan ang namagitan sa kanila. Nagulat si Quennie nang nakasakay na sila sa sasakyan at magtanong si Duke tungkol sa sinabi niya kagabi.
“Tumakas ako sa kasal ko kasi pinipilit lang ako ng mga magulang kong magpakasal para masalba ang business namin. Pero kasi, hindi ko naman mahal yung tao. Kapag nagkataon ay pareho lang kaming magiging miserable,” mahabang litanya niya. Pagkatapos ng kaniyang pagkukwento ay humingi rin ng tawad ang lalaki.
Bago pa man siya mahatid ni Duke ay isang tawag ang natanggap nito, isinugod daw sa ospital ang ama nito! Nagpilit si Quennie na unahin nang puntahan ang papa nito sa ospital bago siya ihatid. Pagdating doon ay naabutan nilang iyak nang iyak ang stepmother ni Duke.
“Duke! Salamat at dumating ka! Mahal na mahal ko ang papa mo, kakakasal lang namin, ‘di ko kaya kung kukunin siya kaagad sa akin,” hagulgol ng babae.
Tila ba nag-aalangan pa na niyakap ni Duke ito. Napangiti naman si Quennie nang makitang tila unti-unti nang natatanggap ni Duke ang relasyon ng dalawa. Mukhang may napagtanto ang binata sa ibinahagi niyang kwento. Hindi na nang-abala pa si Quennie at tahimik na sumakay ng taxi pauwi.
Ilang linggo na ang lumipas ngunit naiisip pa rin ni Quennie ang binata. Masaya siyang makita sa balita na mukhang ayos na ayos ito, habang siya ngayon ay pinagtatampuhan pa rin ng mga magulang. Kaya nga nagulat siya nang makatanggap ng text sa mga ito na isinet-up na naman daw siya sa isang blind date. Upang makabawi sa mga ito ay nagpasya siyang pumunta sa blind date.
Halos matumba siya nang makita kung sino ang ka-date niya. Walang iba kung hindi ang nakangiting si Duke! Pati malalaking isda pala ay kayang bingwitin ng mga magulang niya!
Ngunit mas lalo siyang nagulat sa nalaman. Hindi pala ang mga magulang niya ang nag-request ng date kung hindi ang binata pa mismo. Nasundan pa ng maraming date ang unang pagkikita nila. Marami silang nalaman tungkol sa isa’t isa. Ang date ay nauwi sa engagement, at sabi nga ng kasabihan, “pagkahaba-haba man ng prusisyon, sa simbahan din ang tuloy.”
Tuwang-tuwa rin ang mga magulang ni Quennie hindi lang dahil mayaman ang mapapangasawa ng anak, kung hindi dahil hindi na nila ito kailangan pang hilahin sa altar. Napagtanto nilang mali sila noon.
Masaya si Quennie dahil ikakasal siya dahil sa tunay na pag-ibig, at si Duke na dating hindi naniniwala doon ay labis din ang kasiyahan. Perpekto talaga ang plano ng Diyos.