Hindi Niya Alam ang Gagawin sa Nakitang Kababuyan ng Ama, Kaibigan Niya ang Nagtulak sa Kaniyang Gawin ang Tama
“O, Agnes, bakit naiyak ka na naman? Pinagsalitaan ka na naman ba ng mga maldita nating katrabaho, ha? Sabihin mo sa akin kung anong ginawa sa’yo, ako ang gaganti para sa’yo!” sambit ni Seline sa kaibigan, isang tanghali nang maabutan niya itong nakain ng almusal habang umiiyak.
“Hindi, Seline, wala silang ginawa sa akin,” hikbi ni Agnes saka pinunasan ang kaniyang luha’t humigop ng mainit na sabaw.
“Eh, bakit ka naiyak d’yan? Pinapakaba mo naman ako, eh! Alam mo namang ayokong umiiyak ka!” sambit pa ng kaniyang saka siya inabutan ng panyo.
“Ayoko kasi mawalan ng tatay,” tipid niyang kwento sa gitna ng kaniyang mga paghikbi.
“Bakit, may sakit ba ang tatay mo? Mawawala na ba siya sa mundong ‘to?” pang-uusisa pa nito.
“Hindi, pero sigurado ako mawawalan ako ng tatay kapag sinumbong ko siya sa mga pulis,” sagot niya na ikinakunot ng noo nito.
“Ano bang nangyayari, Agnes? Sabihin mo sa akin ng diretso, pangako, tutulungan kita, huwag ka nang humagulgol d’yan!” inis na nitong sambit dahil sa putol-putol niyang kwento ngunit dahil nga siya’y nabalot na ng emosyon, hindi niya ito inintindi at patuloy na umiyak hanggang sa niyakap na lamang siya nito.
Nang mawala ang ina ng dalagang si Agnes, walong taon na ang nakalilipas, ang kaniyang ama na ang tumaguyod sa kanila ng kaniyang bunsong kapatid na babae. Ito ang siyang nag-alaga at nagpakain sa kanilang magkapatid at siyang sumuporta sa pangarap niyang maging isang guro dahilan upang ganoon na lang siya dumepende at mapalapit dito.
Tanging saya at kapayapaan sa puso at isip ang kaniyang nararamdaman sa tuwing kasama niya ang kaniyang ama at kapatid na siyam na taong gulang pa lamang. Bibo kasi ang kaniyang kapatid at palaging nagpapakitang gilas sumayaw dahilan upang labis silang maaliw dito. Ito ang dahilan para tuluyan niyang malimot ang mapait na pagkawala ng kaniyang ina at makuntento sa buhay na mayroon siya ngayon.
Ngunit nitong mga nakaraang araw, napansin niyang tila tumamlay ang kaniyang kapatid. Kung dati’y pagkauwi niya, agad itong sasalubong sa kaniya upang magpatulong sa mga takdang-aralin, ngayo’y palagi itong nakatungo o kung hindi nama’y nagkukulong sa sariling silid na labis niyang pinagtataka.
Tanungin man niya ang kaniyang ama tungkol dito, sinasabi lang nito, “Baka nagdadalaga na, anak, ganiyan ka rin no’n, eh,” dahilan upang ipasawalang-bahala niya ito.
Kaya lang, hindi talaga siya mapakali sa biglaang pagbabago ng kaniyang kapatid. Kahit kasi kausapin niya ito at tanungin, hindi siya iniimik nito. Makikita niya na lang na puro bokya ang grado nito sa mga takdang-aralin at pagsusulit kaya napagpasiyahan niyang obserbahan ito.
Isang araw, maaga siyang umuwi galing trabaho. Naabutan niyang natutulog ang kaniyang kapatid na panigurado’y galing eskwelahan kaya minabuti niya munang magpalit ng damit at panandaliang pag-aralan ang mga araling ituturo niya kinabukasan.
Maya maya pa, narinig na niya ang pagdating ng kaniyang ama. Napangiti lang siya dahil alam niyang paglulutuan sila nito ng masarap na hapunan. Ngunit, hindi pa ito nagtatagal na nakapasok sa kanilang bahay, narinig niyang sumisigaw ang kaniyang kapatid na tila ba nahingi ng tulong.
Pagkababa niya, kitang-kita niya sa siwang ng silid nito ang kababuyang ginagawa ng kaniyang ama rito dahilan upang labis siyang matakot.
Ayaw niyang mawala ang kaniyang ama dahil ito na lang ang tangi niyang sandalan sa buhay ngunit ayaw niya ring masira ng tuluyan ang buhay ng pinakamamahal niyang bunsong kapatid dahilan upang ganoon na lang siya maiyak habang nasa trabaho kinabukasan.
Noong araw na ‘yon, ikinuwento niya lahat ng nakita sa matalik niyang kaibigan na isang guro rin. Mapabuntong-hininga lang ito at sinabing, “Kahit saan mo tingnan, Agnes, mali ang ginagawa ng tatay mo. Nasisira niya ang buhay ng kapatid mo at maaari niya ring gawin sa’yo ‘yon. Kailangan mong isalba ang buhay niyong magkapatid. Tama ang ginawa mo, nag-iisip ka muna dahil kung nagsusumigaw ka nang makita mo ‘yon, baka ngayon, wala na kayong dalawang magkapatid,” saka siya nito mariing na niyakap.
Wala na siyang sinayang na oras noong araw na ‘yon. Agad niyang sinundo sa paaralan ang kapatid. Pagkayakap niya rito, agad na itong umiyak, “Nakita kong nakita mo ang ginawa sa akin ni papa, ate,” hikbi nito.
“Oo, pasensiya ka na kung natakot si ate, ha? Ngayon, isusumbong na natin siya pulis,” pagpapakalma niya rito habang mahigpit na hawak ang kamay nito saka na sila agad na nagpunta sa pulisya.
Agad namang rumesponde ang mga pulis at matagumpay na nahuli ang kaniyang tatay. Nagmakaawa ito sa kaniya at tinatanggi ang reklamo niya ngunit dahil sa testimonya ng kaniyang kapatid na takot na takot dito, napatunayan ang kababuyan nito at tuluyang nakulong.
Hindi man niya alam kung paano maibabalik ang dating sigla ng kapatid at kung paano niya ito bubuhayin, laking tuwa niya na rin dahil wala nang peligro sa buhay nilang dalawa. Basta’t magkasama, sigurado silang magagawa nilang harapin ang bukas at tuluyang makababangon mula sa mapait na nakaraan.