Hindi Bilib ang Isang OFW sa Negosyong Naisip ng Kaniyang Kapatid; Pag-Uwi Niya ay Laking Gulat Niya sa Pag-Asenso Nito
“Kuya, ano na ang balita sa perang kailangan para sa pagpapatayo ng negosyo natin? Nasasayangan kasi ako dahil tumatakbo ang oras. Baka mamaya ay maunahan na tayo sa pwestong gusto kong kunin,” saad ni Kyle sa kaniyang kapatid na si Renz.
“Sigurado ka ba na pinag-isipan mong mabuti iyan. Hindi kasi biro ang isang daang libong piso. Alam mo namang hindi ko lang basta pinupulot ang pera dito sa ibang bansa,” tugon naman ng nakatatandang kapatid.
“Hindi naman natin malalaman, kuya, kung hindi natin susubukan. Sa lahat naman ng uri ng negosyo ay walang kasiguruhan. Pero napag-aralan ko ito at maganda talaga kung magtatayo ng litsunan ng manok sa kanto. Wala pang nagtitinda nito sa lugar natin. At isa pa ay talagang pinag-aralan ko kung paanong timpla ang ating gagawin,” wika pa ni Kyle.
“Bigyan mo pa ako ng dalawang linggo para pag-isipan ko. Pag-isipan mo rin maigi kasi baka nabibigla ka lamang,” sambit muli ni Renz.
Halos anim na buwan nang inaawitan ni Kyle ang kaniyang nakatatandang kapatid na magsosyo sila sa isang negosyo. Ngunit sa tuwing tinatawagan nito ang kuya niya ay hindi siya nakakatanggap ng konkretong sagot. Lagi na lamang pag-iisipan niya.
Hindi naman lahat ng puhunan ay manggagaling sa kaniyang kapatid. Maging si Kyle ay maglalabas din naman ng pera para sa nasabing litsunan ng manok. Ngunit tila walang tiwala itong si Renz sa kaniyang kapatid kaya hindi niya magawang maglabas ng pera.
“Ilang beses ka nang tinatawagan ng kapatid mo bakit hindi mo pa ba bigyan ng kailangan niya para masimulan na ang negosyong sinasabi niya,” saad ng kasintahan ni Renz na si Joan.
“Kilala ko ang kapatid ko na ‘yun. Padalus-dalos sa mga desisyon. Baka mamaya ay hindi niya talaga alam kung ano ang papasukin niya. Baka malugi nga agad ang negosyong sinasabi niya. Sayang din ang naipon kong pera,” wika pa ng binata.
“Malay mo naman sa pagkakataong ito ay sigurado talaga siya sa balak niya. Wala namang masama kung susubukan ninyo,” sambit naman ng nobya.
“Hayaan mo na siya. Pagtawag niya ulit sa susunod na linggo ay sasabihin ko nang hindi ako makakapagbigay sa kaniya ng pera,” wika ni Renz.
“Bakit patatagalin mo pa? Sabihin mo na sa kaniya ngayon nang hindi na umasa ang kapatid mo!” sambit pa ni Joan.
Hinintay pa talaga ni Renz ang dalawang linggo at saka tumawag ulit ang nakababatang kapatid at saka niya sinabi ang kaniyang plano.
‘Sa totoo lang ay wala akong bilib sa negosyong inilalatag mo sa akin, Kyle. Napakatipikal na ng gusto mo. Ano ang kasiguraduhan na hindi malulugi ang negosyo? Kung gusto mong ituloy ang bagay na iyan ay hindi kita pipigilan pero hindi rin ako makakapagbigay sa iyo,” pahayag ni Renz sa kapatid.
Kahit na anong pagkumbinsi ni Kyle sa kaniyang kuya ay talagang ayaw nito. Hanggang sa tinanggap na lamang ng binata na hindi siya matutulungan ng kaniyang kuya sa pagkakataong ito.
“Kawawa naman ang kapatid mo. Sana ay kung hindi mo maibibigay ang isang daang libong pisong kailangan niya ay binigyan mo na lang siya ng suporta,” sambit ni Joan sa kasintahan.
“Pabayaan mo siya! Kailangang may magsabi sa kaniya ng ganiyan upang matauhan siya,” wika pa ni Renz.
Ngunit hindi sumuko si Kyle sa kaniyang pangarap. Lumapit siya sa ilang kaibigan ngunit wala ding mapautang ang mga ito. Nilakasan niya ang loob niya na mangutang sa bangko. Ibinenta niya ang ilan niyang kagamitan upang masimulan ang kaniyang letsunan ng manok.
Sa umpisa ay naging matumal ang kaniyang tindahan. Nang malaman ito ni Renz ay sinabihan niya ang nakababatang kapatid na tigilan na ang kalokohan nito.
Ngunit hindi pa rin nagpapigil si Kyle. Malaki ang kaniyang kumpiyansa na sarap ang kaniyang ibinibenta.
At hindi nga siya nagkamali. Umugong sa buong lugar nila ang sarap ng kaniyang tindang letson nang matikman ito ng kaniyang mga kabaranggay. Nagpasalin-salin ang balita hanggang sa hindi na niya maokupa ang lahat ng mamimili at paninda.
Isang araw ay umuwi na sa Pilipinas ang kaniyang Kuya Renz. Pinuntahan ng binata ang nakababatang kapatid sa tindahan nito upang tignan ang kalagayan ng negosyo. Nadatnan nito ang kapatid kasama ang ilang kalalakihan na binabaklas ang ilang karatula at inililigpit ang ilang gamit.
“‘Di ba, hindi ako nagkamali sa hinala ko. Hindi talaga papatok ang naisipan mong negosyo!” bungad ni Renz kay Kyle.
Napangiti lamang ang binata.
“Iyan ba ang tingin mo kaya binabaklas namin ang lahat ng ito?” tanong naman ng nakababatang kapatid.
“Hindi ba ganun nga ang nangyayari?” sambit pa ng kaniyang kuya.
“Nagkakamali ka, kuya. Kaya ko tinatanggal ang ilang karatula ay kailangan na naming ayusin pang muli ang tindahan. Pagagandahin at palalakihin pa namin para maokupa ang lahat ng nais bumili. Sa katunayan nga, may dalawang bagong tindahan pa ako ng letson manok sa ibang lugar at patok din ito. Nanghihinayang nga ako at hindi kita kasama sa pag-asenso kong ito,” pahayag naman ni Kyle.
Labis na ikinagulat ni Renz ang mga sinabi sa kaniya ng nakababatang kapatid. Hindi niya akalain na ang negosyong kaniyang minamata ang siyang magdadala pala sa kapatid sa tagumpay nito.
Dahil sa letsunan ng manok ni Kyle ay agad siyang naging milyonaryo. Malaki naman ang panghihinayang ni Renz na hindi niya nasuportahan ang kaniyang kapatid. Kahit na napatawad na siya ni Kyle ay hindi na nito tinanggap ang alok ng kaniyang kuya na makisosyo sa kaniyang negosyo.