Labis ang Inis ng Isang Dalaga sa Kaniyang Kakambal Dahil Mas Magaling Ito; Hindi Niya Akalaing Kabutihan pa rin ang Isusukli Nito
“Ilan ang nakuha mo sa pagsusulit, Karmi?” tanong ni Annie sa kaniyang kaklase at kakambal .
“Bakit gusto mong malaman? Para ipahiya mo na naman ako? Oo na, Karmi. Ikaw na ang mas magaling at mas matalino sa atin,” pabalang na sambit naman ni Karmi.
“Hindi naman sa ganun, Karmi. Gusto ko lang naman malaman kung ilan ang nakuha mo. Wala akong intensiyon na masama,” saad pa ng kakambal.
“Pwede ba? Alam na alam naman natin na iyan ang gusto mo! Pagmukhain mong mabait at matalino ka at ako naman ang masama at hindi magaling. Kaya ikaw lang ang paborito nila mommy at daddy. Sige, ipagmalaki mo sa kanila ang nakuha mo sa pagsusulit nang sa gayon ako na naman ang pagsabihan nila,” sambit ni Karmi sabay alis sa harap ng kakambal.
Kahit na magkapareho ng itsura ang magkakambal na Karmi at Annie ay sadyang magkaiba sila ng ugali. Siguro ang dahilan nito ay ang palaging pagkukumpara ng kanilang mga magulang sa dalawa. Mas mabait, maunawain at mas magaling sa klase itong si Annie samantalang si Karmi naman ay mas mababang grado ang kaniyang nakukuha.
Kaya maging sa eskwelahan ay madalas din silang pagkumparahin. Dahil dito ay nagtanim ng sama ng loob si Karmi sa kaniyang kakambal. Ang nais lamang niya ay ang maungusan itong si Annie.
“May araw din sa akin ang Annie na ‘yan! Akala mo kung sinong magaling!” wika ni Karmi sa kaniyang matalik na kaibigang si Rachel.
“Hindi ko alam kung bakit ang bigat ng dugo mo sa kakambal mo. Alam mo dapat nga sa mundong ito ay siya ang kakampi mo! Para kaya kayong iisang tao,” pahayag naman ng kaibigan.
“Alam mo ba, Rachel, minsan ay nasusuklam na akong tumingin sa salamin sapagkat nakikita ko rin ang mukha ni Annie. Napakahirap ng ganitong sitwasyon. ‘Yung parang iisa lamang kayo ng mukha kaya kailangan ay iisa lamang din kayo ng gawi o kilos. Naririndi na ako sa lahat ng sinasabi nila na mas magaling si Annie. Ni hindi nila nakikita ang husay ko. Palagi na lang siya,” saad pa ng dalaga.
“Mas magaling naman kasi talaga siya, Karmi. Bakit hindi ka na lang makipaglapit sa kapatid mo nang sa gayon ay malaman mo kung paano niya nagagawang magkaroon ng mataas na marka sa mga aralin. Mukhang hindi naman kumpitensya ang tingin sa iyo ni Annie,” saad pa ni Rachel.
“Wala akong pakialam sa kanila. Makikita nila, isang araw ay mauungusan ko rin iyang si Annie,” wika pa ni Karmi.
Ngunit kahit anong pursige ni Karmi ay hindi niya magawang talunin ang kaniyang kapatid.
Isang araw ay nakita ni Annie na subsob sa pag-aaral itong Karmi na tila may hindi nauunawaan.
“Gusto mo tulungan kita sa aralin, Karmi? Mas madali mong mauunawaan kung maipapaliwanag ko sa’yo,” saad ni Annie sa kakambal.
“Lubayan mo nga ako, Annie. Ayan ka na naman. Para ano? Para mapatunayan sa mga magulang natin na mas magaling ka at hindi mo ako kasing talino. Hindi ko kailangan ng tulong mo! Umalis ka na rito sa silid ko,” sambit naman ng kakambal.
“Hindi ko maunawaan, Karmi, kung saan nanggagaling ang galit mo sa akin. Ang nais ko lang naman bilang kakambal mo ay mapalapit sa iyo. Ikaw lang ang kapatid ko sa mundong ito, tapos galit ka pa sa akin,” naiiyak na wika ni Annie.
“Umalis ka na at huwag mo akong dramahan, Annie,” pananaboy muli ng kakambal.
Wala ng nagawa pa ang dalaga kung hindi lisanin ang silid ng kapatid na mabigat ang kaniyang dibdib.
Sa pagdaan ng mga araw ay lalong tumitindi ang inis ni Karmi sa kaniyang kakambal dahil kahit na anong pagpupuyat niya sa pag-aaral ay hindi pa rin niya natatalo sa grado si Annie. Nangunguna pa rin ito sa klase.
Hanggang sa naisipan niyang gumawa ng hindi maganda. Nang makita niyang wala sa loob ng tanggapan ang kanilang guro ay marahan siyang pumasok dito at hinanap ang kinalalagyan ng mga tamang sagot sa kanilang pagsusulit. Agad niya itong itinago. Nang makauwi ng bahay ay abala siyang kinakabisado ang mga ito.
Nagtataka naman ang mga magulang ng dalawa at maging si Annie sa pagkukulong ng dalaga sa kaniyang silid.
“Marahil ay lubos na nag-aaral si Karmi. Mabuti naman kung ganun nang makasabay naman siya dito kay Annie. Hayaan na lamang natin siya at huwag na nating gambalain,” saad ng ina.
Nakita ni Annie na masigasig na nag-aaral ang kanyang kakambal na si Karmi nang maiwan nito ang pinto ng kaniyang silid na nakabukas. Nang matanaw naman siya ni Karmi ay agad nitong itinago ang papel na pinag aaralan at dali-daling isinara ang pinto ng silid.
Kinabukasan, pagkatapos ng pagsusulit ay malakas ang loob ni Karmi na mauungusan na niya sa pagkakataong ito ang kakambal. Ngunit inanunsyo ng guro na nawawala ang sagot sa kanilang pagsusulit.
Nagulat ang lahat ng malaman na parehas walang mali ang magkakambal at sila ang nakakuha ng pinakamataas na marka. Dahil dito ay nais imbestigahan ng guro ang kanilang mga pagsusulit.
Hanggang sa napagtanto ni Annie ang lahat. Alam niyang maaring mapatalsik ang kapatid sa kaniyang ginawa. Alam din nito na maaaring nasa bag pa ng kapatid ang nasabing papel. Kaya bago pa siyasatin ng mga ito ang kanilang mga gamit ay agad siyang nagsalita.
“Ako po ang kumuha, Ma’am!” pag-amin ni Annie.
Labis na nagulat si Karmi na lubos nang kinakabahan sa mga sandaling iyon.
“A-ako po ang kumuha ng mga sagot. Huwag n’yo na pong idamay ang kakambal ko rito. Ako po ang may kasalanan ng lahat, Ma’am. Ako na lamang po ang parusahan ninyo,” saad pa ng dalaga habang umiiyak ito.
“Alam mo ba kung ano ang ginawa mo, Annie? Pagnanakaw at pandaraya ang ginawa mo. Maaari kang mapatalsik sa paaralang ito!” saad ng guro sa dalaga.
“Opo, alam ko po. Tatanggapin ko po ang parusa, Ma’am. Patawad po!” muling wika ni Annie.
Hindi akalain ni Karmi na kayang gawin ito ni Annie para sa kaniya. Palaging nangunguna sa klase ang kaniyang kakambal at napakaganda ng record nito sa paaralan. Ngunit ang lahat ng ito ay mababalewala lamang sapagkat pinagtatakpan siya ng kaniyang kapatid.
“Sumama ka sa akin sa opisina ng principal, Annie. Kailangan din naming makausap ang mga magulang mo. Kailangan nilang malaman ang ginawa mong ito. Sa totoo lang, nadidismaya kami sa ginawa mo, Annie,” pahayag pa ng guro.
Labis na nakaramdam ng awa si Karmi sa pagtatakip na ginagawa sa kaniya ng kaniyang kapatid. Alam niya sa kaniyang puso na hind karapat-dapat na maparusahan ito. Kaya mas pinili niyang gawin ang tama.
“Annie, aminin mo na sa kanila,” saad ni Karmi sa kakambal.
“Ma’am, wala pong kinalaman si Annie sa bagay na ito. Ako po ang kumuha ng mga sagot. Ako po ang nandaya. Wala pong ginawa ang kakambal ko,” dagdag pa ng dalaga.
“Handa po akong tanggapin ang kaparusahan ng ginawa ko. Dahil sa pagnanais kong maungusan ang kakambal ko ay nagawa ko ang bagay na ito. Tapos ito pa ang iginanti niya sa akin. Hindi siya ang dapat mapatalsik kung hindi ako,” wika pa ni Karmi.
Humingi siya ng tawad sa kaniyang kakambal at sa pamunuan ng eskwelahan. Dahil inamin niya ang kaniyang pagkakamali ay hindi na siya napatalsik pa sa paaralan at binigyan siya ng isa pang pagkakataon. Hindi naman niya ito sinayang. Pinatunayan niyang nagbago na siya at nagsisikap siyang mapabuti ang sarili.
Samantala, dahil sa ginawa ni Annie sa kaniyang kakambal ay napatunayan niyang tapat ang pagmamahal nito sa kaniya. Si Annie ang naging kasangga ni Karmi upang maging magaling sa pag-aaral.
Simula noon ay binuksan na ni Karmi ang kaniyang puso upang mapalapit sa kaniyang kakambal na si Annie. Naging simula ito ng magandang samahan ng dalawa.