Tinawanan ng Isang Dalaga ang Pangaral ng Ina Tungkol sa Pagkakaroon ng Prinsipyo; Ito ang Ikapapahamak Niya
“Ang dami mo namang pera, Juris, saan mo nakuha ang lahat ng iyan?” pagtataka ni Aling Remedios sa kaniyang anak.
“Sinuwerte lamang po ako sa bagong napasok kong negosyo, ‘nay. Ito po ang tatlong libong piso, mamili po kayo ng kahit anong kailangan dito sa bahay,” wika ni Juris sa kaniyang ina.
“Anong klaseng negosyo ba iyan? Parang wala kang naikukuwento sa akin, a!” usisa pa ni Aling Remedios.
“Basta, ‘nay. Tanggapin niyo na lang po ang pera. Saka na po ako magkukuwento sa inyo. Basta pangako ko ay hindi na tayo muling magigipit pa,” saad pa ng dalaga.
“Siguraduhin mo, anak na legal iyang ginagawa mo at hindi ka nang-aagrabyado ng tao. Alam mong mas nanaisin ko pang magdildil ng asin kaysa kumain ng galing sa masama,” paalala pa ng ginang.
“Hay, ang nanay ko talaga, napakamaprinsipyo! Kaso, tatanunungin ko kayo, ‘nay. Nakakain po ba ang prinsipyo kapag kumalam na ang sikmura ninyo? Naipambabayad ba ang prinsipyo kapag nagkasakit ka at kailangan ng gamot? Sa panahon ngayon ay dapat maging wais ka rin. Hindi na kabutihan ang labanan ngayon, ‘nay!” pananarkastiko ni Juris.
“Hindi nga ‘yun napapambayad at nakakain. Pero bilang mahirap ay iyon lamang ang mayroon ako. Bakit ko pa iyon itatapon? Basta, Juris, lahat ng gagawin mo ay pag-isipan mong mabuti. Lahat ng itinatanim mo sa mundong ito ay aanihin mo rin,” pahayag pa ni Aling Remedios.
Napa-ismid na lamang si Juris sa ina habang binibilang niya ang kaniyang pera.
Nakakilala kasi si Juris ng isang mag-asawa na may isang ahensya daw na tumutulong sa pagpapaalis ng mga nagnanais maging isang OFW. Sa bawat taong mare-recruit niya ay mayroon siyang kaukulang bayad. Sa laki ng pera ay naengganyo siya na pasukin ito.
Kinabukasan ay nakipagkita si Juris sa kaniyang kaibigan.
“Sigurado ka ba na madali akong makakapunta sa ibang bansa? Baka naman kung ano ang datnan ko doon, Juris,” wika ni Bea, dating kaklase ni Juris na nangangarap na maging isang OFW.
“Ako na ang nagsasabi sa iyo. Sa katapusan ng buwan na ito ay makakaalis ka kaagad. May mga koneksyon ako na makakatulong sa inyo. Pero may kaukulang bayad ito, ha. Alam mo na, marami kasing dadaanan ang mga papeles, kailangan natin ng padulas,” paliwanag ng dalaga.
“Sige, basta sigurado ka na makakaalis ako kaagad. Magkano ba ang kailangan?” tanong pa ng kaibigan.
“Kailangan ng tatlong daang libong piso pero lahat naman na ng kailangan mo ay nakapaloob na doon. Kami na ang bahala sa lahat-lahat. Aalis ka na lang,” pangungumbinsi ni Juris.
Agad naman niyang nakumbinsi si Bea kaya paglipas lamang ng dalawang araw ay nagbigay ito kaagad ng paunang bayad.
“Ano ba talaga ang ginagawa mo at nagkakaroon ka ng ganiyang kalaking halaga, Juris? Kinakabahan ako sa’yo,” sambit ni Aling Remedios sa anak.
“Huwag na kayong makialam dito, ‘nay. Basta, wala akong masamang ginagawa. Sa totoo nga lang ay nakakatulong pa ako na matupad ng mga tao ang kanilang mga pangarap,” pahayag ni Juris.
“Pinapaalalahan lang kita, Juris. Ayokong malagay ka sa kapahamakan,” saad ng ina.
Ngunit minamasama ni Juris ang pag-aalalang ito ng kaniyang ina. Nagpatuloy siya sa kaniyang gawain kahit hindi niya matiyak kung may kasiguraduhan ngang makakaalis ang mga taong nirerecruit niya.
Lumipas ang mga araw at inaasahan na ng mga tao ang kanilang pag-alis patungong ibang bansa. Ngunit wala ng balita tungkol sa kanilang mga papeles at mga dokumento. Kaya nagrereklamo na ang mga ito kay Juris.
“Ano ba ang totoo? Nagbigay na kami ng palugit sa’yo tapos ay sa susunod na buwan na naman! Baka mamaya ay niloloko mo lang kami!” galit na wika ni Bea.
Dahil naiinip na ang iba at nagkakaroon na rin ng pagdududa ay nais na nilang bawiin ang perang kanilang ibinayad kay Juris.
Takot na takot na si Juris sapagkat siya na ang kinukuyog ng mga taong ito. Nais man niyang ibalik ang mga binayad ng mga ito ay hindi niya magawa sapagkat hindi na niya mahagilap pa ang mag-asawang kaniyang nakilala. Naibigay na kasi niya ang pera sa mga ito.
“Hindi kami naniniwala sa kuwento mo,” saad ng isang lalaking kaniyang na-recruit.
“Gumagawa ka lamang ng kwento para makaiwas ka sa kasong isasampa namin. Pero hindi mo na mabibilog ang ulo namin! Manloloko ka! Mangagantso!” galit na sigaw ng isa pang ale.
“Ibalik mo na lang ang pera namin, Juris. Kinailangan kong isanla ang bahay namin para may maibigay sa iyo. Ang nais lamang naman namin ay bigyan ng magandang buhay ang aming pamilya, ngayon ay lalo pa kaming nababaon tuloy,” nagmamakaawang sambit ni Bea.
“Patawad, pero wala talaga sa akin ang pera ninyo. Hindi ko na matawagan pa ang mag-asawang kumuha ng mga pera ninyo. Bigyan ninyo ako ng panahon para mahanap ko sila. Tutulungan ko kayong mabawi ang pera ninyo,” sambit pa ni Juris.
Ngunit kahit anong gawin niya ay hindi na talaga niya makita ang mag-asawa. Ni wala siyang ebidensiya na talaga may mga nakausap siya hinggil sa ganitong uri ng gawain. Kaya siya mismo ang nasampahan ng kaso at naipiit sa kulungan.
Labis naman ang lungkot ni Aling Remedios sa sinapit ng kaniyang anak.
“Hindi ko alam, anak, kung saan ako nagkulang sa paalala sa iyo. Hindi ko kaya na nakikita kang ganiyan. Ngunit kailangan mong harapin ang mga kasalanan mo,” pahayag ng ina.
“Patawad po, ‘nay! Kung nakinig lamang po ako sa inyo ay wala sana ako dito sa kinalalagyan ko ngayon. Tama po kayo, ayos lamang ang maghirap basta marangal. Hindi ko alam kung makakalabas pa ba ako dito at kung makalabas man ay alam kong wala nang magtitiwala sa akin,” pagsisisi ng anak.
Pinagdusahan ni Juris ang kasalanan niya sa likod ng rehas. Hindi niya akalain na sa ganito pala siya babagsak. Nagsisisi siya na nagpasilaw siya sa pera. Kung mabibigyan man siya ng pagkakataon na magbagong-buhay ay hindi na niya muli pang babalikan ang masamang gawain at lalaban na siya nang patas.