Inday TrendingInday Trending
Paniniwala ng Isang Dalaga ay Yayaman Siya Kung Makakapangasawa ng Banyaga; Ito Pala ay Isang Malaking Pagkakamali

Paniniwala ng Isang Dalaga ay Yayaman Siya Kung Makakapangasawa ng Banyaga; Ito Pala ay Isang Malaking Pagkakamali

“Donna, nakita si Jerry sa may labasan. Galing daw dito. Malungkot na malungkot ang itsura. Anong ginawa mo dun?” tanong ni Krystel sa kaniyang nakababatang kapatid.

“Wala, ate. Paano ba naman ilang beses ko nang binabasted, balik pa rin ng balik dito. Sinabi ko na ngang wala siyang pag-asa sa akin, ayaw pang tanggapin. Naiinis talaga ako! Pinagpipilitan niya ang sarili niya!” pahayag naman ni Donna.

“Sana ay sinabi mo sa kaniya nang maayos. Ano ba kasi ang ayaw mo kay Jerry? Mabuting tao naman ang binatang iyon. Malapit sa Diyos at mapagkakatiwalaan. Higit sa lahat, kilala natin ang pamilya niya, maayos silang lahat,” wika pa ng kaniyang ate.

“Ano naman ang mapapala ko ate, kung siya ang makakatuluyan ko? Mahirap na nga tayo tapos ay kukuha din ako ng mahirap na taga-rito. Ang gusto ko taga-ibang bansa. Sa katunayan nga ay mayroon na akong nakakausap, ate. Humaling na humaling siya sa kagandahan ko!” pagmamalaki ni Donna sa kapatid.

“Paano ka naman nakakilala ng isang taga-ibang bansa? Saan mo siya nakilala at paano mong nasabing humaling na humaling sa iyo?” pagtataka ni Krystel.

“Dito sa internet, ate. Oo, matagal-tagal na rin kaming nagkakausap at nagkakachat. Siguro nasa isang buwan na rin. Gustung gusto nga niya akong makita nang personal. Sabi niya sobrang ganda ko daw!” natutuwang kwento ni Donna.

“Kapag nagkataon ate, matutupad na ang pangarap kong makapangasawa ng banyaga at dadalhin niya ako sa kaniyang lugar. Sa ibang bansa na kami titira at magkakapamilya. Magbubuhay-mayaman na ako! Pangako ko sa’yo, lagi kitang padadalhan!” biro pa niya sa kaniyang kapatid.

Ikinaiinis naman ito ni Krystel.

“Mag-iingat ka sa mga ginagawa mo, Donna. Hindi mo lubusang kilala ang mga taong katulad niya. Baka mamaya iyan pa ang ikapahamak mo!” saad pa ng nakatatandang kapatid.

“Uso na ‘yung ganito, ate. Huwag kang masyadong nega riyan!” wika pa ni Donna.

Kahit mariin ang pagtutol ni Krystel sa pakikipagchat ng kapatid ay hindi niya ito mapagbawalan. Alam kasi niyang hindi rin ito hihinto sapagkat may pagkamatigas talaga ang ulo ng nakababatang kapatid.

Matagal nang nanliligaw si Jerry kay Donna at kahit na ipinaparamdam ng dalaga ang pagkawalang-interes niya sa binata ay hindi pa rin ito tumitigil hanggang sa sinabihan na ito ni Donna ng masasakit na salita.

Sa puntong iyon ay tinanggap na ng binata na wala na siyang aasahan sa nililigawan.

Samantala, mataas ang pangarap ni Donna. Para sa kaniya, kung siya iibig, mas mabuting utak ang gamitin kaysa sa puso. Ayaw niyang manatili siyang mahirap at ang tanging naiisip niya sa madaling pag-asenso sa buhay ay ang pagpapakasal sa isang banyaga.

Isang araw ay nakita na naman ni Krystel na kinikilig ang kaniyang kapatid.

“Donna, huwag mong sabihin sa akin na kinakausap mo pa rin yung sinasabi mong banyaga na nakilala mo sa internet!” pagkumpronta ng kaniyang ate.

“Pabayaan mo na nga ako, ate. Wala namang masama kung magkakausap kami. Saka sa tingin ko ay mapagkakatiwalaan naman itong si Phil,” sagot ni Donna.

“Iyang Phil ba na ‘yan ay handang pumunta dito sa Pilipinas upang iharap ang kaniyang sarili sa atin at para makilala natin siya nang lubusan? Gaano mo kakilala ang lalaking ‘yan? Donna, nakikiusap ako sa iyo na huwag kang gagawa ng bagay na pagsisisihan mo bandang huli,” paalala ng panganay na kapatid.

Ngunit hindi nakinig si Donna sa kahit anong babala ng kaniyang Ate Krystel. Lalo pang nahumaling kay Phil noong umalis ang kaniyang ate upang umuwi sa probinsiya.

Pagbalik ng nakatatandang kapatid ay laking gulat nito na wala na ang ibang gamit nila at nasa kwarto na lamang si Donna at nagmumukmok.

“A-anong nangyari dito, Donna? Pinasok ba tayo ng mga magnanakaw? Anong nangyari sa iyo? Nasaan ang ibang kasangkapan natin?” nag-aalalang tanong ni Krsytel.

“Patawad, ate!” pagtangis ni Donna sa nakatatandang kapatid.

“Hindi ako nakinig sa iyo, ate. Tama ka nga. Hindi ako dapat lubusang nagtiwala sa lalaking iyon!” patuloy sa pag-iyak ang dalaga.

“Ano ba ang ibig mong sabihin?” naguguluhan na si Krystel.

“Sabi kasi ni Phil, magpapadala daw siya sa akin ng bagong selpon at kompyuter. Tapos ay may pera din daw na kasama. Kaso hinarang daw ang padala niya dahil hindi niya sinabi na may perang laman ang kahon. Kaya para daw makuha ko ay kailangan kong magbigay ng limampung libong piso.

Tapos daw ay ibabalik niya rin ito sa akin kaagad. Ang sabi niya ay dalawang daang libong piso daw ang ipinadala niya, hindi pa kasama ang mga mamahaling-gamit. Kaya ibinenta ko ang ibang gamit natin dito sa bahay at pinadala ko sa kaniya ang kailangan niyang pera,” pahayag ni Donna.

“Sinabi ko na sa iyo na piliin mo ang pagkakatiwalaan mo, Donna. Mabuti na lamang ay wala siyang ibang nakuha sa iyo kung hindi ang pera lang!” wika ni Krystel.

Napayuko na lamang ang nakababatang kapatid.

“Iyon pa ang isa kong problema, ate,” patuloy ito sa pag-iyak.

“Ang sabi kasi niya noon ay magkasintahan na kami kaya ayos lamang ang mga ginagawa namin. Kapag maghihintay lang ako ng ilang buwan at kukunin na daw niya ako para makapagpakasal. Kaya nagbigay ako sa kaniya ng aking mga hub@d na larawan. Ngayon ay ginagamit niya ang mga larawan na ito laban sa akin! Kung hindi daw ako magbibigay pa ng pera ay ipapakalat daw niya ito sa internet,” paliwanag pa ni Donna.

Labis na ikinagimbal ito ni Krystel. Sa pagkakataong ito ay sising-sisi naman si Donna na nagtiwala siya nang ganoon sa isang lalaki na sa internet lamang niya nakilala.

“Walang taong hindi naghangad ng magandang buhay, Donna. Hindi masama ang mangarap. Pero sana ay pinagkatiwalaan mo na lamang ang iyong sarili na kaya mo itong gawin sa sarili mong pamamaraan. Sana ay natutunan mo na ang leksyon na sinasabi ko sa iyo. Sana ay hindi na humantong pa sa ganito ang lahat,” saad ni Krystel sa kapatid.

Labis na pagsisisi ang nararamdaman ni Donna. Tama ang kaniyang kapatid. Kung hindi siya nagpabuyo masyado sa pagnanais na mabilis na pag-angat sa buhay, sana ay hindi niya dadanasin ang ganito.

Humingi sila ng tulong sa mga kinauukulan ngunit matagal-tagal pa ang kanilang lalakbayin upang matunton mismo ang taong nanloko at nananakot kay Donna.

Ipinangako ni Donna na kahit kailan ay hindi na siya muli pang lubusang magtitiwala sa taong hindi niya lubusang kakilala.

Advertisement